Blood Donation Campaign

Blood Donation Campaign

‘Life ON’, Sinimulan sa Mandaluyong Kasabay ng Paglunsad ng We Are One’ Volunteer Group sa Korea

MANDALUYONG CITY—Bilang pakikiisa sa National Blood Donor’s Month, sinimulan ang “Life ON: Life Sharing Blood Donation Campaign” sa Brgy. Vergara Covered Court, Mandaluyong City noong ika-30 ng Hulyo, 2022. May kabuuang 59 katao ang kwalipikadong nag-donate mula sa 74 na dumalo.

Ang kampanyang ito ay pinasimulan ng New Heaven New Earth (Shincheonji) Church sa South Korea sa pangunguna ni Chairman Lee Man-hee.  Isinasagawa na rin ito sa Pilipinas sa pagtutulungan ng Heavenly Culture, World Peace, Restoration of Light (HWPL), Blood Heroes, Rotary Club of Manila Metro, Rotary Club of QC Big Bike Riders, Luminous Eagles Club, The Fraternal Order of  Eagles – Philippine Eagles (NCR3), ISKCON Makati, District Mobile Force Battalion (DMFB), Orich, Oiland Gasoline Station, Rice in a Box, Adamson University Chemical Engineering Alumni Association, DIM A Dessert Factory, MyHealth Nutra, at E2O.

Nagpasalamat sina Konsehal Alex C. Sta Maria at Konsehal Botong Gonzales Cuejilo sa mga nag-organisa at donors. “On behalf of the City of Mandaluyong, maraming maraming salamat sa initiative n’yo na ito at aking hinihikayat ang aking kapwa Mandaleño na matuto tayo rin na mag-donate ng dugo dahil napakalaking bagay din nito para ma-extend ang buhay ng mga kababayan na nangangailangan lalo’t higit sa panahon ng pandemya. Sa mga donors din, nagpapasalamat din ako dahil kung wala kayo, hindi magiging matagumpay ang event na ito,” ani Konsehal Cuejilo.

Ang mga blood bag na nakolekta ay ibinigay sa The Medical City (TMC), isang partner na ospital ng Blood Heroes.

Ibinahagi ni Mercy Cangco, Vice President ng Blood Heroes ang kanilang plano para ipagpatuloy ang adbokasiya, “Every 4 months, mag-conduct tayo ng bloodletting kasi sa bawat isang donate lang ng dugo, 3 buhay kaagad ang nasasagip natin so kailangan ipagpatuloy natin ito. Kasi andami daming nangangailangan ng dugo… Basta may nanghingi sa inyo ng dugo libre po yun, wala pong babayaran kahit na singko. ‘Yan po yung advocacy natin na makatulong sa mga nangangailangan.”

Ang unang 30 donor ay nakatanggap ng mga grocery packs mula sa mga sponsor na naglalaman ng mga food package, de lata, kape, asukal, asin, gatas, multivitamins, Vitamin C at food supplements.

Si Rowena Rebosa Bacani, 62 taong gulang, ay isang galloner na regular na nagdodonate ng dulo magmula pa noong siya ay 30 taong gulang, “Hindi mo alam nakakadugtong ka ng buhay sa kapwa mo and hindi mo rin alam na nakakapagpaligaya ka ng ibang pamilya, then hindi mo alam nakakapagbigay ka ng glory to God sa ginagawa mo ngayon. At sa inyong mga kabataan habang kaya n’yo pa, habang pwede pa, gawin ninyo… mas tinitignan ko ‘yung perspective na nakakatulong ka sa kapwa nang hindi nila alam na nakakatulong ka.

Dumalo rin ang artista at mang-aawit na si Denise Laurel upang mag-donate ng dugo at hinikayat din ang publiko, “It only takes few moments of your time, hindi masakit, it doesn’t take away anything from you, it helps so many different people who are in need. Our hospitals are in need of blood.”

Sa loob ng dalawang linggo mula ika-18 ng Abril 18 hanggang ika-1 ng Mayo, higit 18,000 katao mula sa isang grupo ang nag-donate ng dugo bilang noong inilunsad ang “Life ON”, na lumutas sa pambansang kakulangan sa dugo sa South Korea.  Ito ay naitala bilang pinakamalaking group blood donation sa bansa.  Lumahok din ang grupo sa isang malawakang plasma donation noong 2020 para sa paggamot sa mga malalang pasyente ng COVID-19, kung saan may mahigit 6,000 bag na nakolekta.

Upang patuloy na isakatuparan ang kampanya ng donasyon ng dugo kasabay ang iba’t ibang mga boluntaryong proyekto, ang New Heaven New Earth ay naglunsad ng isang volunteer group para sa mga kabataan na pinangalanang ‘We Are One’ noon ding ika-30 ng Hulyo. Ito ay may 70,000 miyembro sa South Korea at 20,000 internasyonal na miyembro. Ang sangay nito sa Pilipinas ay lumahok bilang mga donor sa Mandaluyong City, bilang unang opisyal na proyekto nito bilang isang volunteer group.

Bago ang kanilang opisyal na paglulunsad, isinagawa ng grupo ang ‘Life ON’ Campaign sa Cavite—ang una sa Pilipinas—na nakakolekta ng 65 bag ng dugo. Magsasagawa ang grupo ang mas marami pang blood donation drive simula sa 15 chapters nito sa bansa.