MASIGLA ang pasimula ng Regional Science and Technology Week 2017 ng Department of Science and Technology Mindoro, Marinduque, Romblon and Palawan (MIMAROPA) na ginanap sa lalawigan ng Romblon partikular sa bayan ng Odiongan kung saan nag converge ang mga Provincial Science and Technology Directors (PSTD )sa centers nila sa limang lalawigang (Mindoro Oriental, Mindoro Occidental, Marinduque, Romblon at Palawan) sakop ng Region 4B.
Dahil sa dedikasyong tunay na maisulong ang agham at teknolohiya hanggang sa grassroot level ay tila nakuha ni DOST MIMAROPA Regional Director Dr. Ma. Josefina P. Abilay ang kiliti ng mga LGU ng MIMAROPA at todo suporta ang mga ito pati ang ibang stakeholder sa cause ng science propagation sa rehiyon, patunay dito ay ang lubusang pagsuporta ni Romblon Governor dr. Eduardo C. Firmalo sa buong aktibidad ng Regional Science ant Technology Week 2017 MIMAROPA at Regional Invention Contest and Exhibit.
Ang pagbubukas ay dinaluhan ng kalihim ng DOST na si Prof. Fortunato T. dela Peña, Technology Applications and Promotion Institute Director Engr. Edgar Garcia at ang Odiongan Romblon Mayor Trina Alejandra Firmalo-Facbic na siyang host municipality. Sa panayam ng www.diaryongtagalog.net radio kay Dr. Abilay sinabi niyang ang tunay na sikreto upang mahikayat na magtulungan ang LGU at ang mga kagawaran gaya ng DOST ay ang tapat na serbisyo sa mamamayan at tunay na pakikisama sa pangkalahatang adhikain ng gobyerno, wika naman ng DOST Sec. Dela Peña, ang pinagtutuunan ng gobyerno ngayon ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay ang mai liwat ang mga kasanayan, karunungan at pagsasaliksik sa kabuhayan para magamit ng mga mamamayan sa kanilang tuloy-tuloy na pag unlad kaya nga ang pangunahing isinusulong ng DOST aya ang kanilang SETUP o Small Enterprise Technology Upgrading Program na naglilingkod sa mga entreprenyur o mga Micro Small and Medium Enterprises.
SAMANTALA, ipinagdiriwang rin ang isang dekada ng DOST MIMAROPA kung saan ang kanilang unang sampung taon bilang isang regional office ng kagawaran ng agham ay di lang naging produktibo kundi epektibo pa sa serbisyo at pakikipagtulungan sa lahat ng stakeholders lalo sa mga LGU’s at entreprenyur.
Tangay ng kalihim ng DOST, Prof. Fortunato T. dela Peña ang buong puwersa ng kagawaran sa anibersaryo ng regional office kung saan may sariling gusali ang Provincial Science and Technology Center na matatagpuan sa Bgy. Tabing Dagat, Odiongan Romblon. Kasama sa mga puwersa ng DOST ay si Undersecretary for Disaster Risk Reduction and Climate Change at siya pa ring OIC ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Dr. Renato U. Solidum na isang taal na taga Odiongan Romblon, si Ms. Tina Cerboles ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) at Mr. Butch Pagcaliwagan ng Philippine Council for Agriculture Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD).
Sa paglalahad ng kanilang mga nagawa sa loob ng sampung taon pagkatapos nilang maitatag nuong 2007 nang sila ay ihiwalay sa CALABARZON, malayo na nag narating ng rehiyon sa pagtupad ng mandato ng kagawaran ng agham na ibaba ang pagkakakilala sa siyensya hanggang sa grassroot at patuloy rin ang kanilang foreign engagement sa ASEAN sa bahagi ng product and service promotion at maging intellectual development ng kanilang mga personnel na ipinakita sa kanilang AVP.
KUGNAY NITO ay talaga namang nag init na parang pugon ang talastasan sa pulong balitaang ginanap pagkatapos ng ribbon cutting sa unang araw ng RSTW at RICE dahil nabuksan ang topic ukol sa kabagalan o halos walang internet connectivity na siyang napakahalaga lalo sa isang lalawigang isla gaya ng Romblon at kapuluan gaya ng rehiyon ng MIMAROPA.
Nagmistulang sibuyas at kamatis at bawang na ginisa sa paulit-ulit na tanong ang representante ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na si Engr. Reynaldo Sy dahil wala umano silang magawang paraan upang bigyang solusyon ang suliranin ng MIMAROPA sa internet connectivity.
Matatandaang nasa DOST pa ang ICTO na ngayon ay DICT ay may mga mga nakalinya na itong programa at plano kung paano palalakasin ang koneksyon sa internet ng bansa hanggang italaga sila at ihiwalay bilang isang kagawaran ay dala nila ang nasabing mga programa na ayon kina Prof. Dela Peña, Dr. Abilay at Gov. Firmalo ay dapat naisakatuparan na.
Kabilang sa mga nagsidalo ay ang PSTD ng Romblon na si Marcelina V. Cervanez, PSTD ng Oriental Mindoro na si Jesse M. Pine, PSTD ng Marinduque na si Bernardo Caringal, DOST MIMAROPA Chief Finance and Admin Division na si Bobby Matira, DOST ASec. Teodoro M. Gatchalian.(MJ Olvina-Balaguer, 09053611058, maryjaneolvina@gmail.com)
-30-