DAR Bicol Region nagkaloob ng pinakamataas na suportang serbisyo sa taong 2020

Nanguna ang Department of Agrarian Reform sa Rehiyon ng Bicol bilang pinakamataas sa pagkakaloob nito ng suportang serbisyo sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa buong bansa sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), ng ito ay makapagtala ng 99.97 porsyentong marka sa ginanap na DAR year-end summative assessment of accomplishments for calendar year 2020 (CY) and planning conference for CY 2021 na ginanap sa Olongapo City.

Ayon kay dating Bicol Regional Director Arnel S. Dizon, ang DAR Rehiyon 5 ay nakapagsilbi sa may kabuuang 50,213 ARBs sa buong rehiyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng ahensya sa mga magsasaka ng direktang pag-access sa iba`t ibang tulong sa pag-unlad sa taong 2020.

“Pinupuri ko kayo, at ang buong kasamahan natin sa program beneficiaries development division (PBDD) sa inyong agresibong pagganap sa inyong mga trabaho sa ating mga agrarian reform communities, sa kabila ng hindi komportableng sitwasyon, upang maihatid lamang ang mga pangangailangan ng mga ARBs – sa pamamagitan ng pagtulong at pag-gabay sa kanila upang sila ay makabalik sa realidad at pagtibayin ang kanilang organisasyon at harapin ang mga susunod pang mga pagsubok, lalo na pagkatapos ng panahon ng pandemya,” sabi pa ni Dizon.

Isiniwalat nya na ang DAR ay nagkaloob ng iba’t-ibang tulong sa pamamagitan ng Climate Resilient Farm Productivity Support (CRFPS), Linking Smallholder Farmers to Market with Microfinance (LinkSFARMM), Partnership Against Hunger and Poverty (PAHP), Agricultural Production Credit Program (APCP), at iba pang mga serbisyo sa Microfinance, Farm Business School (FBS), Village Level Farms-focused Enterprise Development (VLFED), Sustainable Livelihood Support for Disaster Affected Areas (SLS), Wash-Focused Enterprise/Livelihood sa ilalim ng Community-managed Potable Water Supply, Sanitation and Hygiene (CPWASH) project, Block Farm Productivity Enhancement gamit ang mga pangunahing pananim, Agri-Insurance Program for Agrarian Reform Beneficiaries (ARB-AIP), at Convergence on Livelihood Assistance for ARBs Project o CLAAP, bukod sa iba pa.

Ipinagmamalaking ipinahayag ni Dizon na natapos ng Bicol Region ang lahat ng mga target nito sa mga programa sa paghahatid ng mga suportang serbisyo na inilalaan para sa mga ARBs bago matapos ang 2020.

“Nasisiyahan ako sa inyong kamangha-manghang pagganap sa mga naitalaga sa inyong mga gawain, lalo na sa inyong dedikasyon na makapaghatid-serbisyo sa ating mga agrarian reform beneficiaries,” ani Dizon.

Ayon kay dating Assistant Regional Director for Administration na si Rodrigo O. Realubit, na ngayon ay OIC Regional Director, “sa ating kakaunting badyet, nagtatrabaho tayo ng lampas sa oras upang matiyak na ang lahat ng mga agrarian reform beneficiaries ay matulungan. Kinailangan natin patatagin ang ating pananalapi at gastusin at palawakin ang ating kakayahan upang mapaglingkuran kahit pa ang pinakamalayong isla ng mga barangay sa gitna ng mapaghamong panahon.

Sinabi naman ni PBDD Chief Lerma Dino na nagpatuloy sila sa pagtuon sa mga mandato ng programa na palakasin ang mga magsasaka upang matiyak na sila ay tumayo at manatiling produktibo sa kabila ng lahat ng mga trahedya tulad ng paglaganap ng Covid-19, sunod-sunod na bagyo, at matinding pagkasira ng halos lahat ng lugar sa rehiyon nuong nakaraang taon.

 “Sa pamamagitan ng proyektong ARBold Move to Heal as One, nakapagbigay kami ng tulong sa pagiging produktibo ng sakahan sa 6,123 Bikolanong magsasaka na lubos na naapektuhan ng trahedya,” sabi pa ni Dino.

Isiniwalat din ni Dino na mahusay na naipatupad ng rehiyon ang Convergence on Livelihood Assistance for ARBs Project o CLAAP na may halagang Php 51,825,000.00 sa may 98 na iba’t-ibang proyektong pangkabuhayan na pinakikinabangan ng 2,073 ARBs sa buong rehiyon.

Kabilang sa mga proyekto ay ang agri-inputs and rice trading, water refilling station, produksyon at pagpo-proseso ng kabute, produksyon ng itlog ng bibe, gamit ang rice-based farming system, pag-aalaga at pagpapadami ng paitluging manok,  pagtatanim ng tiger grass at paggawa ng walis-tambo, pag-aalaga ng inahing baboy at pagtatayo ng tindahan ng mga pakain sa baboy, pangangalakal at pagbebenta ng palay at bigas, komersyal at pang komunidad na pagpapadami at pagme-merkado ng inahing baboy, at ang pagsasagawa ng integrated farming system (produksyon ng bibe, produksyon ng gabi, at natural piggery farming).

Samantala, pinasalamatan din ni Assistant Regional Director for Operations Romulo A. Britanico ang lahat na taga operations division, lalo na ang mga empleyadong nagtatrabaho sa bukid kasama ang mga tauhan ng PBDD upang maabot ang mga tao sa mga pamayanan.

“Kinikilala ko ang inyong pagsusumikap na manguna ang DAR Bicol sa pagpapatupad ng mga suportang serbisyo para sa mga agrarian reform beneficiaries,” dagdag ni Britanico.

###

DAR, DA bubuo ng joint validation team upang siguraduhing ang mga nakatenggang lupaing pansakahang pag-aari ng pamahalaan lamang ang isasailalim sa CARP

NAGKASUNDO ang Department of Agrarian Reform at ang Department of Agriculture na bumuo ng “joint validation team” upang maseguro na tanging mga nakatenggang mga lupaing pansakahan na pag-aari ng pamahalaan lamang ang masasakop sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Naabot ang nasabing kasunduan sa pagitan nina DAR Secretary Brother John R. Castriciones at DA Secretary William Dar sa isang pulong kasama ang kani-kanilang mga opisyales nitong ika-28 ng Enero 2021 na ginanap sa DAR Quezon City kung saan napagpasiyahan nila na magtulungan para sa seguridad sa pagkain ng bansa.

Nagkaisa ang dalawang panig sa pagbuo sa nasabing joint validation team makaraang ipanukala ni DA Secretary Dar na saliksikin munang mabuti kung ang lupaing pansakahan na pag-aari ng pamahalaan ay nakatengga lamang at hindi na ginagamit bago ito isailalim sa programang repormang pansakahan sang-ayon sa Executive Order (EO) No. 75.

Ayon sa nasabing EO, ang DAR ay binigyan ng kapangyarihan upang isailalim sa CARP ang lahat ng lupaing pansakahan na pag-aari ng pamahalaan upang maipamahagi sa mga magsasakang walang sinasakang lupa.

Ipinanukala ni Bro. John ang pagbuo ng joint validation team, na sinang-ayunan naman ni Secretary DAR, para masigurong hindi malalagay sa alanganin ang mga lupaing pansakahang pag-aari ng pamahalaan na ginagamit pa para sa pagpupunyaging makamit ang seguridad sa pagkain ng bansa.

Pinagdiinan ni Dar na may mga lupaing pag-aari ng DA ang kasalukuyang ginagamit bilang “farm laboratories” habang kanyang ipinaabot ang kanyang pag-aalala na baka mailagay ang mga ito sa ilalim ng CARP nang hindi sinasadya sa pagsasakatuparan ng programa.

-30-

DAR nilipat ang pamamahala ng lote sa LGU ng Tanay


Nilagdaan kahapon ni Department Agrarian Reform (DAR) Secretary Bro. John Castriciones ang deed of transfer kung saan inililipat ng kagawaran sa lokal na pamahalaan ng Tanay, Rizal ang lote ng DAR upang patayuan ng isang pamilihang bayan at terminal ng mga sasakyan.

“Ang loteng ito at ang mga ipatatayong proyekto ng lokal na pamahalaan ng Tanay, ay magbibigay daan sa kaunlaran ng kosmunidad at magbubukas ng mga oportunidad sa mga magsasaka at mga residenteng naninirahan dito,” ani Brother John.

“Bukod sa loteng ito, maaasahan kami ng lokal na pamahalaan na tutulong sa mga magsasaka dito. Handa kaming ibigay ang aming tulong sa pamamagitan ng mga suportang serbisyo tulad ng pautang, pagbibigay ng mga makinang pang-saka at iba’t-ibang pagsasanay para sa modernong pagsasaka at pagnenegosyo,” dagdag pa ni Brother John.


Sinabi ni Brother John na ang pagtatayo ng isang pampublikong pamilihan ay magbibigay sa mga residente, lalo na sa mga magsasaka, ng pamilihan na malapit sa kanila kung saan maaari silang bumili at makapagbenta ng kanilang mga ani. Ang pagtatayo ng terminal ng transportasyon ay malaking tulong sa mga magsasaka at residente upang sila ay madaling makarating sa mga pamilihan at kalapit na mga barangay.

Sinabi ng DAR Provincial Agrarian Reform Program Officer na si Saturnino Bello na ang 144 libong katao ng Tanay, kung saan halos 3,000 sa mga ito ay mga magsasaka ay lubos na makikinabang sa mga imprastraktura.


“Ang mga magsasaka ay hindi na kailangang pumunta sa mga pamilihinan sa Cogeo o Antipolo upang ibenta ang kanilang mga ani. At kapag itinayo ang transportasyon, ang mga magsasaka, pati na rin ang mga residente ay maaari nang maglakbay sa kalapit na bayan at mga barangay nang mas madali,” sinabi ni Bello.

Sinabi ni Municipal Mayor Rex Manuel Tanjuatco na ang 2,646 sqm lot na matatagpuan sa Barangay Sampaloc ay napapalibutan ng 10 mga barangay kabilang ang Barangay Cuyambay, Daraitan, San Andres, Sto. Nino, Cayabu, Laiban, Mamuyao, Sta. Ines, Tinucan at Madilay-dilay.


“Dahil nasa sentro ang lokasyon ng loteng ito, ang pagtatayo ng isang pampublikong pamilihan at isang terminal ng mga sasakyang pampubliko ay kailangan upang makamit ang pag-unlad. Ang mga proyektong ito ay hindi lamang makatutulong sa mga nasasakupan, ngunit mapanatili din ang pag-unlad ng mga pamayanan sa pagsasaka dito,” sabi ni Tanjuatco.

Kasaysayan ng lote ng DAR

Ang 2,646 sqm na lote na pagmamay-ari ng DAR ay bahagi ng 3,810 sqm lot na sinakop ng mga nauna at aktwal na naninirahan sa Barangay Sampaloc mula 1954. Ang 2,465 sqm lot ay ginamit bilang resettlement area para sa mga magsasaka ng DAR. Sa paglipas ng mga taon, ito ay ipinagamit sa dating Ministry of Human Settlement (MHS) hanggang 1987. Nang matanggal ang MHS, ginamit ito ng University of Rizal System (URS) hanggang sa ilipat ito sa lokal na pamahalaan ng Tanay noong 1995.


Simula noon, ang lote at mga gusali dito ay di na nagamit sa loob ng 20 taon.

Noong 2015 ang lote ay nahati kung saan ang 1,046 sqm ay naging pagmamay-ari ng tatlong mga nakatira dito at ang 118 sqm ay ginamit bilang kalsada. Humiling si Mayor Rex Manuel Tanjuatco sa DAR noong 2017 upang mailipat ang pamamahala ng lote. Ang lote ay na-endorso noong 2019 sa pamamagitan ng isang memorandum kay Sec. John Castriciones, kung saan ito ay inerekomenda para mailipat sa lokal na pamahalaan ng Tanay.

###