
ANIM na raan at limang (605) kababaihang nakakulong sa pasilidad sa Lungsod ng Quezon ang natuwa sa pagmamahal na iniukol sa kanila ng Department of Agrarian Reform (DAR) nang dalawin at padalhan sila ng pake-paketeng pagkain para maibsan ang kanilang kagutuman habang ipinagbubunyi ng bansa ang ika-123 Kaarawan ng Kalayaan ng Pilipinas.
Pinangunahan nina DAR Secretary John R. Castriciones at Undersecretary Emily Padilla ang ilang mga kasama sa pagbisita sa kulungan sa loob ng Kampo Gen. Tomas Karingal sa Sikatuna Village, dala ang 10 naglalakihang kahon na puno ng pake-paketeng pagkain para sa mga bantay at preso.
Sinabi ni Bro. John, nakasanayang tawag kay Castriciones, na ang kanilang mga dalang pagkain ay bilang pagtanaw ng utang na loob sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na naging kasangga ng DAR sa pagbili ng mga produkto ng mga magsasaka para sa pang-araw-araw ng pagkain ng mga bantay at mga preso sa iba’t-ibang piitan sa buong bansa.
Sa ngayon, ang BJMP ay nakabili na ng mahigit P17 milyong halaga ng mga produkto ng mga magsasaka – bigas, gulay, isda at karne – resulta ng isang kasunduan sa pagitan ng DAR at BJMP kung saan ang huli ay nangakong tatangkilikin nito ang mga produkto ng mga agrarian reform beneficiaries’ organizations (ARBOs).
“Aming pangarap na makita ang aming mga magsasakang-benepisyaryo na makalaya sa mga mapanlinlang na mga mangangalakal na bumibili ng kanilang mga produkto sa napakamurang halaga,” ani Bro. John.
Ang marketing arrangement ay isang istratehiya na binuo nina Bro. John at Padilla para mai-iwas ang mga magsasaka sa mambabarat na mga mangangalakal at middlemen.
Bukod sa BJMP, nakikipag-ugnayan din ang DAR sa iba pang mga ahensya, tulad ng Department of Social Welfare and Development para sa feeding program nito, at sa Department of Health at mga pribadong ospital para sa pagkain ng mga health workers at mga pasyente.
Sabi ni Padilla: “Dapat pag-ibayuhin ang marketing arrangement na ito upang masugpo ang kagutuman, kahirapan at kamangmangan.”
Ayon kay Padilla, marami sa mga nasa piitan ay mga biktima ng pagkakataon, na madalas napipilitang gumawa ng labag sa batas dahil sa kagutuman at kahirapan.
Ikinatutuwa naman ni BJMP Director Allan S. Iral ang samahang nabuo sa pagitan ng BJMP at mga ARBOs na tinutulungan ng DAR dahil mga sariwa ang nakakain ng mga bantay at preso sa iba’t-ibang piitan sa buong bansa at nabibili ang mga ito sa makatwirang halaga, habang natutulungan ang mga magsasaka na lumaki ang kanilang kinikita.
Dagdag ni Iral: “Walang yaman na hihigit pa kundi ang kalayaan sa kagutuman at kahirapan.”
Sa panig ng mga kababaihang preso, nagpasalamat si Geraldine Marabot sa oras at pagkaing ibinahagi ng mga opisyal at kawani ng DAR.
# # #

DAR namahagi ng 1,623 ektarya ng lupa, P57.6 milyong tulay sa lalawigan ng Cebu
Inaasahang mas uunlad ang pamumuhay ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa lalawigan ng Cebu pagkatapos mamahagi ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng may kabuuang 1,263.3 ektaryang lupa sa may 1,035 ARBs sa nasabing lalawigan, partikular sa siyudad ng Toledo, na may 681.14 ektarya, at sa bayan ng Pinamungajan, na may 582.15 ektarya.
Bukod sa pamamahagi ng lupa, nagkaloob din ang ahensiya ng dalawang (2) tulay na may kabuuang halaga na P57.6-milyon, na ipinatupad sa ilalim ng “Tulay ng Pangulo para sa Kaunlarang Pang-Agraryo Project, (TPKP)”. Ang bawat tulay ay nagkakahalaga ng P28.8-milyon , kung saan ito ay ipinagawa at inilipat ang pamamahala sa mga bayan ng Balamban at Aloguisan.
Ang pagpapagawa sa tulay ay magpapabilis sa byahe at magbibigay ng mas mababang gastos para sa mga magsasaka tuwing ibabyahe nila ang kanilang mga produkto sa ibat ibang merkado.
Ayon kay DAR Secretary Brother John Castriciones ang mga tulong ng pamahalaan ay naglalayong paunlarin ang pamumuhay ng mga ARB at upang maging bahagi sa pagseseguro ng sapat na pagkain ng bansa.
“May tatlong mandato ang DAR – ang pagkakaloob ng lupa sa mga walang lupa, paghahatid ng hustisyang pang-agraryo, at ang pagkakaloob ng suportang serbisyo. Ginagawa namin ang lahat upang maibigay ang mga sebisyong ito dahil nararapat lamang na ibigay sa kanila ang ganitong tulong dahil sila ang nagpapanatili upang maging masigla ang sektor ng agrikultura sa bansa,” ani Brother John.
Idinagdag pa ng Kalihim ng DAR na patuloy nilang bibisitahin ang mga kanayunan upang makipagusap at pakinggan ang mga hinaing ng mga magsasaka.
Bukod sa proyektong tulay, nakatanggap rin ng dalawang (2) traktora ang mga magsasaka na magagamit nila sa kanilang sakahan.
Binati ni Support Services Office Undersecretary Emily Padilla ang mga magsasaka dahil sa mga biyayang kanilang natanggap.
“Umaasa akong dahil sa mga natanggap ninyo ngayon, kayo ay makakalaya sa tanikala ng kahirapan. Alagaan ninyo ang mga kagamitan at imprastraktura at patuloy ninyong linangin ang mga lupa upang ito ay mas maging produktibo,” ani Padilla.
Ginanap din ang pagpirma ng memorandum of agreement sa pagitan ng DAR at ng lokal na pamahalaan ng Cebu, kung saan sila ay nagkaroon ng pagkakaisa sa pamamagitan ng programang Enhanced Countryside Development (ECD) upang paunlarin ang ekonomiya ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibiigay ng dagdag-kita, oportunidad ng pagkakakitaan at mapagbuti ang produksyong pang-agrikultura ng mga magsasaka upang makaseguro sa sapat na pagkain ng lalawigan.
Ayon kay Central Visayas Regional Director Resty Osias ang nangyaring lagdaan ng kasunduan sa pagitan nina Brother John at Cebu Governor Gwendolyn Garcia ay siguradong magbibigay daan sa kaunlaran ng kanayunan sa lalawigan.
# # #

DAR, lokal na pamahalaan ng Cebu at 3 financial institutions nagkapit-bisig upang paunlarin ang pamumuhay ng mga magsasaka
Nagkaroon ng lagdaan sa pagitan ng Department of Agrarian Reform (DAR) at ng lokal na pamahalaan ng Cebu, Lunes, Hunyo 14, 2021, sa pamamagitan ng programang Enhanced Countryside Development (ECD) upang paunlarin ang pang-ekonomiyang pamumuhay ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang kita at pagkakaroon ng oportunidad na gawaing pang-kabuhayan na magpapabuti sa kanilang produksyong pang-agrikultura at seguridad sa sapat na pagkain ng lalawigan.
Ang kasunduan ay nagkaloob sa lokal na pamahalaan ng Cebu ng aabot sa P20-bilyong pondo, na ipinangako ng Landbank of the Philippines, Development Bank of the Philippines at Philippine Veterans Bank, upang mapanatili ang komprehensibong programa ng LGU na nakadisenyo upang mailipat ang pagkakatuon ng pag-unlad mula sa urban areas patungo sa kanayunan.
Ayon kay DAR Secretary Brother John Castriciones, may 31,590 agrarian reform beneficiaries (ARBs) na umookupa sa 35,544 ektarya ng lupa, mula sa tinanggap nila sa ahensiya, sa paligid ng urban areas sa lalawigan ng Cebu.
Sinabi ni Brother John na sinusuportahan ng kanyang departamento ng buong puso ang programa dahil bukod sa ganap na paggamit ng potensyal ng mga ARB upang mas kumita upang mapalakas ang kanilang pang-ekonomiyang buhay, ang mga magsasaka ay nagiging mas produktibong mamamayan dahil sa kanilang kontribusyon sa kanayunan para makamit ang seguridad sa pagkain.
“Sa ilalim ng ECD, bukod sa suportang serbisyo na tinanggap ng mga ARB sa DAR, makatatanggap din sila ng iba’t ibang tulong tulad ng credit at loaning facilities at ang pangako na ili-link din sila sa mga institutional buyers upang mas maging malawak ang kanilang oportunidad sa merkado,” ani Brother John.
Sinabi naman ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia na itataas ng programang ito ang produksyon ng pagkain upang makamit ang seguridad sa pagkain at makapagbibigay din ito ng mga aktibidad na maaaring pagkakitaan sa kanayunan.
“Upang makamit ang ating layunin, kinakailangan ng suportang pang-pinansiyal at kooperasyon ng mga magsasaka, at naniniwala ako na sa partnership na ito sa DAR ay mabilis nating maaabot ang ating layunin,” ani Garcia.
Bukod sa ECD, ang Kapitolyo ay nagsasagawa rin ng programang Sugbuanong Busog, Luwas ug Himsog (SUGBUsog) kung saan layunin nito na mapagbuti ang produksyon ng pagkain sa lalawigan at ma-engganyo ang mga hindi magsasaka na magtanim ng gulay sa kanilang mga bakuran.
Pinuri ni Support Services Office Undersecretary Emily Padilla ang lokal na pamahalaan ng Cebu sa malaking suporta at dedikasyon nito na makapagbigay kontribusyon sa seguridad sa pagkain ng bansa.
“Mayroon ring urban vegetable farming na inisyatibo ang DAR na tinaguriang “Buhay sa Gulay.” Hinihimok namin ang mga mamayan sa siyudad na magtanim sa mga nakatiwangwang na lupa sa kanilang lugar kung saan kami ay nakikipag-ugnayan sa mga ARBs upang magturo sa kanila ng tamang pamamaraan ng pagtatanim ng gulay. Inumpisahan namin ang programa sa Manila, Quezon City at Caloocan City, kung saan ang ibang urban na lugar sa bansa ay nagsipagsunuran sa aming programa,” ani Padilla.
# # #