
Nakipag-dayalogo ang mga opisyales ng Department of Agrarian Reform (DAR), sa pamumuno ni Secretary Brother John Castriciones sa mga grupo ng magsasaka sa lalawigan ng Quezon at Laguna upang resolbahin ang kanilang suliranin sa agrarian reform at hanapan pa ng mas mainam na paraan upang mapaunlad ang kanilang mga pamumuhay.
Ang mga magsasakang-miyembro ng Bukluran ng Mamamayan ng Concepcion Sariaya, Quezon at Pinagbakuran Inc. at Kalipunan ng Manggagawa at Magniniyog sa Niyugan Gitnang Quezon, at ng Laguna ay mga kasapi ng Imok ARC Women’s and Farmers’ Multi-Purpose Cooperative (IARCWFMPC) ay nagkaroon ng pagkakataon upang maihain ang kanilang mga isyung pang-agraryo sa Kalihim ng DAR.
Kasama sa mga isyung idinulog ng mga magsasaka ay ang kanilang pangamba na mawala ang kanilang karapatan bilang nagmamay-ari ng kanilang mga lupain at ang kanilang kahilingan na patuloy silang pagkalooban ng suportang serbisyo, partikular na ang pagkakaloob ng farm-to-market road sa kanilang barangay.
Inanyayahan ni Brother John ang mga magsasaka na bisitahin ang DAR Central Office sa Quezon City upang mapag-usapan nila ng mas mahigpit ang kanilang mga plano at iba pang paraan upang resolbahin ang kanilang mga alalahanin.
“Magtakda tayo ng petsa kung saan haharapin ko sa opisina ang mga pinili ninyong farmer-representatives, leaders at lawyers upang mas lubos na matalakay ang inyong mga kalagayan. Ilista ninyo kung may gusto kayong sabihin kay Presidente Rodrigo Duterte, at ipaaabot ko ito sa kanya sa aming Cabinet meeting dahil ang mga magsasaka ay malapit sa puso ng ating Pangulo,” ani Castriciones.
Ayon kay Ka Vangie Mendoza, Presidente ng Pesante Pilipinas, ang mga magsasaka ngayon ay mas kumikita na ng mas malaki dahil sa mga interbensyon ng DAR tulad ng traktora, kapital at iba pang suportang pangkabuhayan.
“Simula nang ang DAR ay nasa pamumuno ni Castriciones, ang ating mga magsasaka ay napakikinggan at nakatanggap ng suporta. Hindi na namin kailangan pang mag-rally sa harap ng kanilang opisina. Ang pakiusap na lamang namin ay ang patuloy na pagkakaloob ng suporta dahil nararamdaman namin ang pagbabago dahil sa mga tulong na kanilang ibinibigay,” aniya.
Ayon kay Support Services Office Undersecretary Emily Padilla naantig at nag-umapaw sa tuwa ang kanyang puso ng marinig niya ang testimonya ni Ka Vangie, dahil pinatutunayan nito na may pag-asa pa ang mga magsasaka.
“Dahil sa nakikita namin na mas nagiging maayos ang pamumuhay ng mga magsasaka, mas nagkakaroon kami ng motibasyon upang ipagpapatuloy ang pagbisita sa mga kanayunan at liblib na lugar sa bansa upang dinggin ang mga sentimyento at malaman ang mga pangangailangan ng mga magsasaka upang maibigay sa kanila ang tamang suporta na magpapaunlad sa kanilang mga pamumuhay,” ani Padilla.
###

DAR, NNC pinalawak ang ‘Tutok Kainan’ program sa MiMaRoPa
ANG pagsulong para sa kalayaan mula sa kagutuman at kahirapan ay lalo pang pinalawak sa muling pagsasanib puwersa ng Department of Agrarian Reform (DAR) at ng National Nutrition Commission (NNC) upang palawigin ang feeding program ng huli .
Pinuri ni DAR Undersecretary for Support Services Emily Padilla ang bagong ugnayan sa pagitan ng DAR at ng NNC na tinaguriang “Tutok Kainan Dietary Supplementation Program na naglalayong palawakin ang sakop nito sa buong Timog Kanlurang Rehiyon ng Tagalog (MiMaRoPa).
“Ang programang ito, na itinataguyod sa ilalim ng “Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty”, ay isang malaking hakbang tungo sa pagpapahalaga sa kapakanan ng mga buntis at ng mga batang edad anim na buwan hanggang 23 buwan,” ani Padilla.
Nilagdaan nina DAR-Mimaropa Director Marvin Bernal at NNC-Mimaropa Regional Coordinator Ma. Eileen Blanco ang memorandum of understanding sa BSA Twin Towers sa Lungsod ng Mandaluyong.
Ang “Tutok Kainan” ay ang sagot ng NNC sa masamang epekto dulot ng pandemyang Covid 19, lalung-lalo na sa mahihinang sektor ng lipunan – ang mga buntis at mga kabataan – alinsunod sa Republic Act 11148 o ang Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act. Ito ay tumututok sa dietary supplementation program para sa mga buntis at mga kabataan na umi-edad ng anim na buwan hanggang 23 buwan.
Simula pa noong nakaraang taon, nagtutulungan na ang DAR at ang NNC para itaguyod ang feeding program para sa mga buntis at mga kabataan sa iba’t-ibang panig ng bansa sa pagnanais na palusugin ang kanilang pangangatawan at kaisipan.
Ayon sa pag-aaral ng Department of Science and Technology- Food and Nutrition Research Institute, lubhang nakababahala ang pagkabansot ng mga batang nag-eedad mula anim na buwan hanggang 23 buwan – 11.5% sa umeedad 0–5-limang buwang gulang, 15.5% sa mga 6–11- buwang gulang at 36.6% sa mga 12-23 buwang gulang – dahil sa maling pamamaraan sa pagpili ng pagkain.
Mungkahi ni Undersecretary for Planning, Policy and Research Virginia Orogo: “Ang mga buntis at mga bata ay nangangailangan ng mga malulusog at masusustansyang pagkain at dito kinakailangan ang ating mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) para ibahagi, hangga’t maaari, ang mga pagkaing mula sa organikong pamamaraan ng pagtatanim.”
Dugtong ni DAR-MiMaRoPa Director Marvin Bernal: “May malaking kaaya-ayang epekto ang programang ito para sa ating mga ARBs dahil nagbubukas ito ng panibagong pagkakataon sa larangan ng pagbebenta ng kanilang mga ani.
Sang-ayon naman si Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles na nagsabing ang mga samahan ng mga magsasaka ay bumenta ng kabuuang P149 milyones sa pagtatapos ng taong 2020 mula sa “institutionalized marketing network.”
Nagagalak naman si NNC Executive Director Azucena Dayanghirang sa nabubuong pagkakaisa ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan at maging ng mga mamamayan, kabilang na ang mga magsasaka para wakasan ang kagutuman at kahirapan na nagiging sanhi ng pagkabansot ng mga bata dahil sa kakulangan sa masusustansiyang pagkain.
Umaasa naman si NNC-Mimaropa Regional Coordinator Ma. Eileen Blanco na matutuldukan na ang pagkabansot ng mga bata ngayong unti-unti nang namumulat ang bansa sa kahalagahang matugunan ang mga pangangailangan ng mga buntis, lalo na ang mga bata na itinuturing bilang kinabukasan ng bansa.
# # #

La Union ARBO pinasalamatan ang DAR sa pagsalba sa kanila mula sa gutom at kahirapan sa panahon ng pandemya
MARUBDOB ang pasasalamat ng isang agrarian reform beneficiary organization (ARBO) sa Department of Agrarian Reform (DAR) sa pagsalba nito sa grupo sa bingit ng kahirapan sa panahon ng hagupit ng Novel Coronavirus 19.
Sinabi ni Jose Laroya, chairperson ng Inabaan Norte Agricultural Multi-Purpose Cooperative (INAMPC), na binago ng DAR ang kanilang buhay tungo sa kasaganaan simula nang mamahagi ito ng quarantine passes na nagbigay daan upang maibenta nila ang kanilang mga ani sa iba’t-ibang bayan ng lalawigan ng La Union.
“Noong pinaiiral ang napakahigpit na health protocols, ibinebenta lamang namin ang aming mga ani sa loob ng barangay, dahilan upang mabulok ang aming mga ani dahil sa kakaunti lamang ang namimili,” ani Laroya.
Si DAR Secretary John R. Castriciones ang unang tumugon sa kanilang pangangailangan nang pakiusapan nito ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) na bigyang luwag ang mga magsasaka na maibenta ang kanilang mga ani.
“Ang ideya ay ang mailuwas ang mga pagkain sa mga kabayanan kung saan umiiral ang kagutuman dahil sa kakulangan sa pagkain, at bigyan ng pagkakataon ang ating mga magsasaka na maisalba sa pagkabulok ang kanilang mga ani at maibenta ang mga ito,” pahayag ni Bro. John, nakasanayang tawag kay Castriciones.
Ayon kay Laroya, mabilis na sinunggaban ng kanilang grupo ang pagkakataon, at kanilang inipon ang mga ani at ibinenta sa iba’t-ibang bayan ng lalawigan ng La Union.
Ang malaking pagkakataong dumating sa grupo, sabi ni Laroya, ay nang ilunsad ng DAR, kasama ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan, ang “Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP),” kung saan hinikayat ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan at maging sa mga pribadong kumpanya na bumili na lang nang direkta sa mga magsasaka ng kani-kanilang suplay na pagkain.
Sa loob ng pitong buwan nakapagbenta na ang INAMPC ng may kabuuang P330,768 mula sa mga dinala nilang mga ani sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa La Union at sa Ilocos Training and Regional Medical Center, na nagtampok dito bilang ika-apat na organisasyon na may napakalaking benta sa buong bansa.
“Utang namin ang lahat ng ito sa ating pamahalaan, lalong lalo na sa DAR, na naging daan upang mabago ang aming kalagayan, mula sa kahirapan tungo sa kasaganaan,” sabi ni Laroya.
# # #