

— namahagi ng baboy, pakain at bitamina
May kabuuang 56 na mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) na miyembro ng Hacienda Tabaco Farmers Association (HATAFA) sa Hacienda San Miguel Island, Tabaco, Albay ang tumanggap ng mga baboy, pakain at bitamina mula sa Department of Agrarian Reform (DAR), pagkaraang lakbayin ng grupo ng DAR-Albay ang maalong dagat sa loob ng 45 minuto upang magkaloob lamang sa mga magsasakang-benepisyaryo ng karagdagang mapagkakakitaan higit sa kanilang regular na kita mula sa pagsasaka.
Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer I Patricia Rastrullo, ang swine breeding project ay ipinapatupad sa ilalim ng Convergence on Livelihood Assistance for ARB’s Project (CLAAP) kung saan ang 56 na mga benepisyaryo ay tumanggap bawat isa ng dumalagang baboy, 168 sako ng pagkain at mga kahon ng bitamina.
Sa nangyaring pamamahagi, isang veterinarian ang nagpaliwanag sa mga benepisyaryo ng wastong pag-aalaga ng mga dumalagang baboy upang mas maging produktibo ang mga ito sa pag-aanak.
Binigyang diin ni Rastrullo na ang layunin ng DAR ay maseguro na ang mga ARBs ay mabigyan ng pagkakataon na madagdagan ang kanilang produksyon at kita pagkatapos na maigawad ng DAR ang mga lupang agrikultural at sila ay mapagkalooban ng mga suportang serbisyo.
Ipinaalala ni Chief Agrarian Reform Program Officer (CARPO) Herbert Tengco sa mga benepisyaryo na sa ilalim ng pinagkasunduan ng dalawang panig sa pagitan ng HATAFA at mga kasapi nito, ang mga benepisyaryong nabigyan ng isang dumalagang baboy ay may obligasyong magbalik sa samahan ng dalawang dumalagang baboy.
Ang sistemang ito ay upang ang isang dumalagang baboy ay maging bahagi ng kita ng agrarian reform beneficiary organization (ARBO) at ang isa naman ay ibabahaging muli sa iba pang mga kasapi.
Tinitiyak ng roll-over scheme na ito na ang lahat ng mga miyembro ng ARBO ay magkakaroon ng pagkakataon na maging benepisyaryo ng proyekto.
Nagpahayag si HATAFA Chairman Adelina Balingbing ng kanyang pasasalamat sa grupo ng DARPO Albay dahil sa pagpili ng kanilang samahan bilang benepisyaryo ng proyekto.
“Gagampanan namin ang aming mga tungkulin ng higit pa sa inaasahan sa amin upang patuloy kaming makatanggap ng mga benepisyong ipinagkakaloob ng DAR,” aniya.
###








LGU ng Sultan Kudarat tumanggap ng P37-M kalsada mula sa DAR
ISULAN, Sultan Kudarat—Magiging mas madali at mabilis na paglalakbay at pagdadala ng mga produktong agrikultra ng mga magsasaka at mga naninirahan dito matapos maisagawa ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang kalsada na nagkakahalaga ng P37-milyon kung saan inilipat na rin ng DAR ang pamamahala nito sa lokal na pamahalaan ng Sultan Kudarat.
Sa pagpapasinaya, sinabi ni DAR Provincial Agrarian Reform Program Officer Rodolfo Alburo, na, na ang 7.48-kilometrong kalsada na nagkokonekta sa barangay Bugso sa barangay Gapok ay sementado na ngayon.
“Ang mga magsasaka na nagmumula sa Gapok at Bugso ay magkakaroon na ng pagkakataon na mapabuti a
ng kanilang kabuhayan dahil maaari na silang pumunta sa mga pamilihan na matatagpuan sa naturang mga barangay upang dalhin ang kanilang ani at magbigay ng patas na presyo para sa kanilang mga produkto,” sinabi ni Alburo.
Sinabi ni project manager Eduardo E. Suaybaguio, na nagsasalita sa ngalan ni Foreign Assisted Projects Undersecretary, Bernie F. Cruz, ay nagsabing bago masemento ang kalsada, ang mga magsasaka at residente dito ay dumadaan sa isang makitid at magaspang na daan na nagiging madulas tuwing tag ulan.
“Ang mga sasakyan ay hindi rin makaraan dito. Ngunit sa pamamagitan ng kalsada na ito, lahat ng klase ng mga sasakayan ay makadadaan na,” ani Suaybaguio.
Sinabi ni Suaybaguio na higit sa 5,000 mga residente ng pamayanan, kung saan nasa 1,700 dito ay mga agrarian reform beneficiaries (ARBs), ay mapagkakalooban ng magandang kalidad ng mga produkto mula sa mga kalapit na mga bayan.
Sinabi ni Mayor Randy L. Ecija, Jr. ng Sen. Ninoy Aquino na ang proyekto ay hindi lamang para sa pamahalaang lokal, kundi para sa kabuuan ng mga residente at magsasaka sa lugar.
Ang proyekto sa kalsada na pinondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ay ipinatupad sa ilalim ng Mindanao Sustainable Agrarian and Agriculture Development (MinSAAD) ng DAR.
###





23-ektaryang lupain sa Tacloban, gagawing gulayan ng DAR
TACLOBAN CITY – Sa gitna ng modernisasyon ng komunidad na ito, may kakayahan pa rin ang lungsod na umani ng tone-toneladang mga gulay. Ito ang gustong patunayan ng Department of Agrarian Reform (DAR) habang inuumpisahan nitong gawing gulayan ang 23-ektaryang lupain na naipagkaloob sa mga magsasaka sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Ayon kay DAR Regional Director Ismael Aya-ay inumpisahan na nilang tamnan ang isang-ektrayang lupain ng mga kangkong, pechay, letsugas, okra at pipino kung saan, inaasahang makatutulong ito sa pag-ambag sa sapat na suplay ng pagkain ng mga taga-lungsod at mga katabing bayan, bukod sa pagkakaloob nito ng kabuhayan at trabaho sa mga magsasaka.
Ayon sa plano, ang DAR ay magsasagawa ng mga Farmer Field School para sa 20 kasapi ng New Kawayan-Cabalawan Agrarian Reform Beneficiaries Farmers’ Association upang mapanatili ang kanilang kauna-unahang proyekto, hanggang sa masakop na nila ang pagtatamo, sa kabuuang 23-ektaryang lupain.
“Sa pakkikipagtulungan sa Department of Agriculture (DA) at lokal na pamahalaan ng Tacloban sa ilalim ng City Agriculture Office, ang DAR ay nagpasimuno nitong Pebrero 2021 upang ang bahagi ng lupain sa Barangay New Kawayan ay gawing vegetable garden upang ang mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) ay magkakaroon ng paniguradong kita,” paliwanag ni Aya-ay.
Idinagdag pa ni Aya-ay na tinularan nila ang programang “Buhay sa Gulay” ni DAR Secretary Brother John Castriciones, isang proyektong urban farming kung saan ang kauna-unahang proyekto sa Tondo, Manila ay naging matagumpay, na sinundan naman agad ng lungsod ng Quezon at Caloocan.
Sa proyektong ito, ang DAR ay magbibigay sa mga magsasaka ng kagamitan sa pagtatanim, habang ang DA at ang City Agriculture Office ay magkakaloob ng mga binhi at mga pagsasanay.
“Nagsimula ang proyekto noong unang linggo ng Pebrero sa paghahanda ng lupa, pag-aayos, pagbabalangkang ng lupa at paghahasik ng mga punla. Ang pagtatanim ay nakatakda ngayong linggo at sa huling bahagi ng buwan ay inaasahan na ang pag-ani sa mga ito,” ayon sa regional director.
Sinabi ni Sonny Colete, ARB ng lot 9 na napiling demo farm: “Ito ay isang malaking oportunidad para sa amin upang matulungan kaming pagyamanin ang aming lupain at sa kalaunan ay makatulong din kami na makapag-ambag ng maihahaing pagkain sa aming lungsod,”.
###




