

Sinagasa ng mga opisyales at empleyado ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang masungit na panahon at maging ang panganib na dulot ng Covid 19, nang bisitahin nila isa-isa ang tahanan ng 12 agrarian reform beneficiaries (ARBs) upang iabot mismo sa kanila ang kani-kanilang mga Certificate of Land Ownership Award (CLOAs) sa Carmen, Bohol kamakailan.
Pinangunahan ni Carmen municipal agrarian reform program officer-in-charge Wilma S. Legaspo at ng kanyang mga tauhan ang pagbisita sa kabahayan ng 12 ARBs upang isa-isa nilang iabot ang mga titulo ng lupa, bilang pagsunod sa yapak sa pamamaraang isinasagawa ni DAR Secretary John R. Castriciones.
Itinakda ni Bro. John ang DAR-to-door CLOA distribution bilang pamantayang patakaran upang iparamdam sa mga magsasakang-benepisyaryo na ang ahensya ay binibigyan sila ng pagpapahalaga, kung paanong inaasahan naman ng pamahalaan na pahahalagahan din nila ang kanilang mga lupang pansakahan.
“Huwag nyong ibebenta ang inyong mga lupain pansakahan,” isang pahayag na karaniwang binibitiwan ni Bro. John sa mga benepisyaryo.
Dati-rati, ang mga benepisyaryo ay tinitipon sa covered court o plaza kung saan ginaganap ang programa sa pamamahagi ng kanilang mga CLOA.
Kinilala ni Legaspo ang mga benepisyaryo na sina Edgar Dumapias, Jesus Dumapias, Zacarias Dumapias Sr and son Zacarias Jr. and Rogelio Dumapias, pawang mga nabiyayaan ng lupang dating pag-aari ni Soledad Cainglet.
Ang iba pang mga benepisyaryo ay sina Ramon Esto, Luis Esto, Arturo Esto, Maximo Esto, Joel Sepada, Eleuterio Sepada and Anastacio Olidan na tumanggap din ng CLOAs na sumasakop sa lupain ng dating may-ari na si Miguel Cinchez.
Hinikayat ni Legaspo ang mga benepisyaryo na sumali sa mga organisasyon ng mga magsasaka upang sila ay makinabang sa mga tulong na ipinagkakaloob ng pamahalaan tulad ng mga makinarya at iba pang gamit sa pagsasaka at ang pagsali sa mga seminar at training workshop na makatutulong upang madagdagan ang kanilang kakayahan at kaalaman sa pagsasaka at pagnenegosyo.
Photo Caption:
DAR-Bohol officials and staff brave the storm, rough roads and the danger posed by Covid-19 to distribute CLOAs to 12 agrarian reform beneficiaries in Carmen, Bohol.
# # #





Mga lokal na opisina ng DAR sa Luzon sinuri ang mga nagawa sa taong 2020
OLONGAPO CITY — Nagsagawa ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng tatlong araw na pagsusuri para sa nagawa nito sa taong 2020 at pagpupulong sa pagpaplano para sa taong 2021.
Sinabi ni DAR Secretary Bro. John Castriciones na ang aktibidad ay nakatuon sa pagsusuri sa mga tanggapan ng DAR sa Luzon ng kanilang pagganap sa mga programa at proyekto sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na isinagawa noong nakaraang taon.
Ang aktibidad ay isinagawa upang suriin ang mga ginawang proyektyo at programa ng DAR-Luzon sa Land Tenure Security Program, Agrarian Justice Program, at Agrarian Reform Beneficiaries Development and Sustainability Program sa pamamagitan ng mga naaprubahang target at paggamit ng pondo.
“Ang layunin ng pagsusuri sa pagtatapos ng taon ay tiyakin ang wastong paggamit ng pondo ng pamahalaan sa mga naipatupad na programa at proyekto ng DAR,” sabi ni Bro. John.
“Ang aktibidad na ito ay makakatulong sa amin na suriin ang kahusayan at pagiging epektibo ng pagpapatupad ng CARP hindi lamang sa Luzon kundi sa buong bansa,” dagdag pa ni Brother John.
Aniya, ito ay taunang aktibidad upang matiyak ang pagiging bukas ng DAR at maseguro ang pananagutan ng programang repormang agraryo sa publiko.
Sa nasabing pagpupulong, nanawagan si Brother John sa mga central at Regional Directors na gumawa ng paraan kung paano mapapabuti ang pagpapatupad ng agrarian reform program sa bansa.
Sa talakayan, tinukoy ng mga kalahok ang panloob at panlabas na mga balakid na kinaharap ng DAR, na nakatulong o naging hadlang sa pagpapatupad ng mga naging plano para sa programa ng DAR.
Ang mga opisyal ng DAR ay naglahad din ng mga suhestiyon kung paano mapapagbuti ang mga plano at higit na mapapahusay ang pagpapatupad ng mga pangunahing gawain ng DAR, mga suporta sa operasyon ng mga proyekto, mga pangunahing programa at ang pamamahala ng mga pananagutan ng DAR.
Nakatuon din ang aktibidad sa pagtiyak na ang mga isinusulong sa pag-unlad ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay naisinama sa mga programa at serbisyo ng DAR.
Para sa kanyang panghuling mensahe, inatasan ni Brother John ang kanyang mga opisyal na magpatupad ng mga batas sa repormang agraryo upang tumulong sa pakikipaglaban para sa mga karapatan ng mga magsasaka at mapabilis ang pagresolba ng mga kasong may kinalaman sa repormang agraryo.
“Tayong lahat ay magiging tagumpay sa hamon na ating kinakaharap. Huwag kayong mawawalan ng pag-asa. Patuloy na maging malakas. Naririto ako upang magbigay ng buong suporta sa inyo,” ani Brother John.
Ang pagsusuri para sa taong 2020 at pagpupulong sa pagpaplano para sa taong 2021 para sa DAR-Visayas at Mindanao ay isasagawa sa susunod na dalawang linggo.
Ang pagsusuri at pagpaplano para sa mga opisina ng DAR sa Luzon ay ginanap noong Enero 25-27, 2021 sa Olongapo City at sa pamamagitan ng online streaming.





DAR-DPWH sinimulan na ang pagpapatayo ng Php8.5 milyong tulay sa Nueva Vizcaya
VILLAVERDE, Nueva Vizcaya — Umaarangkada na ang pagpapatatayo ng Department of Agrarian Reform at Department of Public Works and Highways (DPWH) ng Ibung Caldaan bridge sa Ibung, Villaverde, Nueva Vizcaya pagkaraan lamang ng isinagawang groundbreaking ceremony ngayong Enero 2021.
Sinabi ni Provincial Agrarian Reform Officer Dindi Tan na and tulay, na nagkakahalaga ng Php8 milyong piso ay ipinapatupad sa ilalim ng Tulay ng Pangulo Para sa Kaunlarang Pang-Agraryo (TPKP), sa pakikipagtulungan sa DPWH at lokal na pamahalaan ng Nueva Vizcaya.
Sinabi ni Tan na mahigit sa 4,000 mga taga barangay Ibung na karamihan ay mga magsasakang benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ang makikinabang sa panahong matapos ang konstruksiyon ng tulay. Ang tulay ay inaasahang matatapos ngayong Hunyo 2021, tamang-tama para sa panahon ng tag-ulan.
Sinabi din niya na ang bakal na tulay na may magkabilang daan, ay gumamit ng teknanolohiya mula sa Germany at may sukat na 40.20-metro ang haba at 7-metro ang lapad.
“Ang tulay ay hiniling ng mga naninirahan at mga lokal na opisyal ng barangay sa Ibung upang magkaroon ang mga magsasaka ng mas maayos na daan sa paghahatid ng kanilang mga produkto sa pamilihan lalo na sa panahon ng tag-ulan kung kailan umaapaw ang tubig mula sa ilog,” pagbibigay-diin ni Tan.
Sinabi ni Tan na ang pangarap ng mga taga barangay Ibung ay unti-unti nang naisasakatuparan, kung saan sa loob ng 12 taon sila ay naghuhumiyaw na sila ay mapatayuan ng tulay upang sila ay magkaroon ng mas mabilis at maayos na daan sa paghahatid ng kanilang mga ani mula sa kanilang mga barangay patungo sa pamilihan.
Pinangunahan ni Tan ang groundbreaking ceremony kasama sina Villaverde Municipal Mayor William P. Tugangui, Vice Mayor Ronelle U. Valtoribio, Municipal Councilors, DAR Cagayan Valley Regional Director Sam Solomero at iba pang opisyales DAR at lokal na pamahalaan ng Nueva Vizcaya.
###



