
Nagbigay ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng P3.7 milyon na halaga ng mga makinarya sa bukid at P 500,000-halaga ng kagamitan sa IT sa tatlong (3) agrarian reform beneficiaries organization (ARBOs) sa Sultan upang matulungang mapabuti ang produksyon at kita ng mga magsasaka dito.
Sinabi ni DAR Provincial Agrarian Reform Program Officer Rodolfo Alburo na ang tatanggap ng mga kagamitan ay mga magsasakang miyembro ng Naldan Creek Irrigators’ Association mula sa municipality ng Lambayong, Kalayaan Communal Irrigators Association mula sa Lutayan, at ang Sigay Ka Tamontaka 4 Farmers Association mula sa Cotabato City.
“Ang mga kagamitang pangsaka na ito ay magagamit ng mahigit sa 200 mga magsasaka dito. At dahil ang mga makinarya ay mekanisado, mas magiging madali at mabilis na ang kanilang mga gawain sa bukid. Ito rin ay makatutulong sa pagtaas ng kanilang ani at kita sa pang-araw-araw,”ani Alburo.
Ang mga ipinamahagi ng DAR sa tatlong ARBOs ay apat na traktora na may rotovators and mga IT equipment gaya ng computer desktops, laptops, smartphones at printers.
Aniya, ang DAR ay patuloy sa pagbibigay ng pagsasanay sa mga magsasaka at ang kagamitang IT equipment na kanilang natanggap ay makakatulong upang madagdagan ang kanilang kaalaman tungkol sa modernong pagsasaka at pagnenegosyo.
Sinabi ni DAR Regional Director Marion Abella na ang mga traktora at IT equipment ay ipinagkaloob sa mga magsasaka sa ilalim ng programa ng DAR na Italian Assistance to Agrarian Reform Community Development Support Program.
“Ang mga traktora at IT equipment ay magiging malaking tulong upang maitaas ang kita at kabuhayan ng mga mga magsasaka,”ani Abella.
Sinabi niya na ang proyekto ng pamahalaang Italya ay nakatuon upang mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka sa mga agrarian reform communities.
“Ang proyektong ito na mula sa Italya ay may layuning magkaloob ng kaunlaran sa pagnenegosyo sa pagsasaka katulad ng suporta sa microfinance, at sa pamamagitan ng pagbuo ng mga kakayahan ng mga at imprastraktura sa komunidad,”dagdag pa ni Abella.
“Ang DAR ay laging nasa aming tabi ano mang panahon. Kahit ano pa ang dumating na dagok sa aming bukay, ang DAR ay laging handa upang magbigay ng tulong sa amin. Ang sandaling ito ay patunay ng kanilang suporta upang ang aming samahan ay patuloy na lumago. Isang walang katupusang pasasalamat ang nais naming ipahayag sa DAR at sa pamahalaan ng Italya,”ani Dante Almazan, pangulo ng Kalayaan CIA Lutayan.
# # #





DAR namahagi ng 32 ektaryang lupain sa Negros Occidental-Norte
Namahagi ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng may 32 ektaryang lupain sa 58 magsasakang wala pang sariling lupa na kabilang sa mga natukoy ng DAR bilang mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Negros Occidental I sa layuning paunlarin ang kanilang pamumuhay.
May 21 ektaryang lupain ang ibinahagi sa 10 ARBs ng Cadiz City na nasasakupan ng dating pagmamay-ari ni Concordia Paragat na may titulong OCT/TCT Number T-15609, sa ilalim ng Lot Number Lot F-14-1625-D, sa Sitio Aluyan, Barangay Caduha-an, Cadiz City, Negros Occidental.
Sa bayan ng Toboso, 48 ARBs ang itinalaga sa 11.27 ektarya na dating pagmamay-ari ni Albino dela Cruz / Philippine National Bank (PNB), na may titulong T-91343, sa ilalim ng Lot No. 2776, sa Barangay Bandila, Toboso, Negros Occidental.
Ayon kay Cadiz City Municipal Agrarian Reform Program Officer (MARPO) Teresita Doromal, ang pamamahagi ng lupain ay naisagawa sa ilalim ng prosesong land acquisition and distribution ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na kung saan ang DAR ay inaatasan at may mandato na ipamahagi ang mga pampubliko at pampribadong lupain sa mga magsasaka.
“Ang mga lupaing pang-agrikultural ay mapupunta sa pamahalaan sa pamamagitan ng DAR, upang ipamahagi sa mga magsasaka, trabahador sa sakahan, at mga nangungupahan sa sakahan na kwalipikadong maging ARBs,” paliwanag ni Doromal.
Binati naman ni Toboso MARPO Jasmin Castillo ang mga bagong may-ari ng lupa at pinayuhang pagyamanin ang lupa upang umangat ang kanilang pamumuhay. Pinaalalahanan din niya ang mga ito na huwag kalimutan ang kanilang obligasyon sa pagbabayad ng buwis at taunang amortisasyon sa lupain.
“Ang DAR ay narito upang tulungan at gabayan ang mga magsasakang benpisyaryo. Patuloy naming isasabuhay ang mandato ng ahensya upang pagsilbihan ang ating mga magsasakang-benepisyaryo,” ani Castillo.
Pinasalamatan naman ni Bandila Barangay Captain Eulogio Julom ang DAR sa mga lupaing kanilang ipinagkaloob.
“Ang mga lupaing ito ay malaking tulong sa pagpapaunlad ng mga magsasakang aking sinasakupan. Salamat sa DAR at sa mga opisyales nito na patuloy na nagbibigay suporta sa mga maliliit na magsasaka,” ani Julom.
Dahil sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) pa ang Negros Occidental I, sinigurado ng mga nakasama sa nasabing aktibidad na ito ay naaayon alinsunod sa patakaran ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at Department of Health (DOH) upang maiwasan ang paglaganap ng sakit na Covid-19.
###

Kooperatiba ng magsasaka sa DAR-Aurora bumili ng P1.2 Milyong traktora
Isang agrarian reform beneficiary organization (ARBO) na tinutulungan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa lalawigan ng Aurora, ang bumili ng sarili nilang 4-wheeled tractor na nagkakahalaga ng P1.2 milyon, mula sa kinita ng kooperatiba taong 2018-2020, na inaasahang magbibigay ng serbisyo sa 331 agrarian reform beneficiaries (ARBs) na mga miyembro ng kooperatiba sa munisipalidad ng Casiguran, Aurora.
Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer II (PARPO II) Joyce Ramones, ang West Casiguran ARBs Multi-Purpose Cooperative (WeCaARBMPC) ay dati ng napagkalooban ng DAR ng common service facility (CSF) noong huling bahagi ng 2018, kung saan kabilang sa kanilang natanggap ay ang kanilang kauna-unahang 4-wheeled tractor na ipinagkaloob sa ilalim ng programang Climate Resilient Farm Productivity Support (CRFPS).
“Ang pagkakaloob ng mga makinang pangbukid sa kooperatiba ay naglalayong mapabuti ang produksyon sa bukid particular ang produksyon ng palay at madagdagan ang kakayahang kumita ng tuloy-tuloy ng mga miyembrong ARBs, hindi lamang bilang indibidwal kung hindi bilang isang samahan,” ani Ramones.
Ayon sa tagapangulo ng WeCaARBMPC na si Virgilio Valencia Jr., ang mga miyembro at hindi miyembro ng kooperatiba ay nakinabang sa serbisyo ng traktora na nagsimulang patakbuhin taong 2019, at dahil sa pagpapatakbo nito, ang kooperatiba ay kumita ng P600,000.00 noong 2019 at Php 270,000.00 noong 2020.
Isiniwalat din niya na bukod sa pagbibigay ng serbisyo ng traktora sa 200 ektaryang lupain na binubungkal ng kooperatiba, ang WeCaArBMPC ay nag-alok din sa kanilang mga miyembro ng pautang sa ilalim ng Agrarian Production Credit Program (APCP) na may pondo na higit sa Php 2 milyon.
“Mula sa aming kinita sa iba’t-ibang proyekto ng kooperatiba, kami ay nakabili ng ikalawang 4-wheeled tractor na maaaring magbigay muli sa kooperatiba ng oportunidad upang mas tumaas pa ang aming kita at produksyon sa bukid,” ani Valencia.
Ipinahayag ni Ramones ang kanyang pagbati sa WeCaARBMPC sa pagiging isang matatag na kooperatiba at sa pagsulong nito upang maging maayos ang katayuan ng kanilang mga miyembro at ang kanilang kalagayang pang-ekonomiya.
###



