
Lungsod ng San Fernando, PAMPANGA – Nagsagawa ng site inspection ang Regional Good Agricultural Practices (GAP) Team ng Kagawaran ng Pagsasaka ng Gitnang Luzon (DA-RFO 3) kasama ang mga certifying bodies mula Bureau of Plant Industry nitong Marso 22 hanggang 26 sa mga lalawigan ng ikatlong rehiyon.
Isa ang GAP sa mga programa ng DA na tinitiyak ang kaligtasan ng magsasaka, walang naidudulot na masama sa kapaligiran, magandang kalidad ng ani at mabuti ang naidudulot sa kalusugan ng mga konsyumer.
Nabanggit naman ni Samuel L. Fontanilla ng Plant Product Safety Services Division ng BPI na ang sinusunod nilang pamantayan sa ginagawang site inspections ay ang pinaunlad ng Bureau of Agriculture and Fisheries Standards na Code of GAPs on Food, Fruits and Vegetables na kung saan nakapaloob dito ang mga halamang karaniwang tinatanim ng magsasaka.
Ayon naman sa Focal Person ng GAP para sa Gitnang Luzon na si Marilyn Velarde ng Regulatory Division DA-RFO 3 nasa kabuuang bilang na 64 na sakahan ang kanilang ginawan ng site inspection na binubuo ng 41 sa Nueva Ecija; 11 sa Zambales; siyam sa Pampanga; isa sa Bataan; isa sa Bulacan; at isa sa Tarlac.
Nakasama din sa GAP certification ang tatlo sa mga Research Outreach Stations ng DA-RFO 3, ito ang Central Luzon Integrated Agricultural Research Center (CLIARC) for Hillyland Development Zone sa Botolan, Zambales; CLIARC for Upland Development Zone mula sa Magalang, Pampanga; at CLIARC for Lahar Laden Development Zone sa San Marcelino, Zambales.
Malaking tulong naman para kay Paul Amerika na may ari ng 2Y2M Campsite and Farm mula sa San Antonio, Zambales ang pagkuha ng GAP certification, “NagpaGAP po ako para ang aking produkto ay magkaroon ng kalidad at ang hinahanap ng market ngayon ay kailangan nag-oobserba ng Good Agricultural Practices,” ani Amerika.
Ilan sa mga malalaking institusyon na humahanap ng GAP certification sa kanilang mga supplier ay ang SM Supermarket, Robinsons Starmills, at Jolibee Foods Corporation na kinabibilangan ng Mang Inasal, Burger King, Greenwich, at Chowking.
Sa kasalukuyan, patuloy parin ang paglobo ng mga may-ari ng mga bukirin sa rehiyon na nagnanais magkaroon ng sertipiko mula sa GAP at aasahang sa darating na Mayo ay magkakaroon muli ng final inspections sa mga nakapilang sakahan. # # # (DA-RFO III, RAFIS)

Mga inaning sibuyas ng Lourdes MPC sa Magsaysay, Occidental Mindoro dadalhin sa Jollibee Foods Corp
Mga inaning sibuyas ng Lourdes Multi-Purpose Cooperative sa Magsaysay, Occidental Mindoro. Ang mga binhing ginamit ay mula sa pinamigay ng Regional High Value Crops Development Program ng Kagawaran ng Pagsasaka sa MIMAROPA. Ngayon, ang mga ito ay dadalhin na sa kanilang kliyente, ang Jollibee Foods Corporation na nagtiwala sa kakayahan ng mga magsasaka ng Magsaysay na kakayanin nila ang makapagsuplay ng nga aabot sa 20 toneladang dekalidad na puting sibuyas. # # # (Clariza San Felipe / DA-RFO IVA, RAFIS)

DA-MIMAROPA naghahanda na para sa Mandanas Ruling sa pamamagitan ng PAFES
Hinahanda na ng Kagarawan ng Pagsasaka sa Rehiyon ng MIMAROPA ang mga lokal na pamahalaan sa rehiyon para sa implementasyon ng Mandanas Ruling sa 2022 sa pamamagitan ng oryentasyon ukol sa Provincial-Led Agriculture and Fishery Extension System (PAFES).
Nilibot ng Kagawaran ang limang probinsiya sa buong buwan ng Marso upang gawin ang pagtitipon na magkahalong personal at virtual upang tiyak na maintindihan at makuha ang mga kinakailangan impormasyon sa paghahanda ng mga nalalapit na importanteng kaganapan sa susunod na taon.
Ayon sa patalakay ni Center Director Pat Andrew Barrientos ng Agricultural Training Institute ng Mandanas Ruling ang batas na ito ay magkakaroon muli ng devolution o desentralisasyon sa mga nasyonal na ahensiya patungo sa mga lokal na pamahalaan.
Sa batas na ito, mabibigyan na ng mas malaking budget ang mga Local Government Unit upang sila na ang mamahala ng mga service delivery para sa kanilang mga kinasasakupan. Samantala, ang mga ahensiya sa nasyonal ay mababawasan ang budget para sa mga plano,programa, at iba’t ibang proyekto, ayon sa pahayag ng Department of Interior and Local Government.
Kaya naman binuo ng Kagawaran ng Pagsasaka ang PAFES upang ibahagi sa kanila kung papaanu ang sistema ng mga programa at mga extension service sa agrikultura at pangisdaan sa ilalim ng magkakambal layunin ng Kagawaran—ang Masaganang Ani at Mataas na Kita. Tinalakay ito ni Regional Executive Director Antonio Gerundio sa Concept and Operationalization of PAFES.
Binigyan diin niya sa kanyang mga pagtalakay ang importansiya ng pakikipagkolaborasyon ng mga lokal na gobyerno ng bawat bayan sa nasyonal na ahensiya kasama rin sa mga samahan ng mga magsasaka at mangingisda at pribadong sektor. Ayon sa kanya, kasama dapat ang bawat stakeholder pagbuo ng mga polisiya, pagsasaliksik, at paghubog ng mga organisasyon para maabot ang nasabing layunin ng Kagawaran.
Kanya rin binanggit na dapat ay pagtibayin rin ng mga Provincial, Municipal, at City Agriculture Office ang pakikipag-ugnayan sa mga Sangguniang Palalawigan/Bayan at kanilang mga Local Chief Executives upang makuha nila ang nararapat na suporta para sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.
Wika nga niya, “the ball is yours”. Ibig sabihin ay nakasalalay na sa lokal na pamamahala ng bawat bayan ang pagpapaunlad ng agrikultura at pangisdaan at ang seguridad sa pagkain ng bansa.
Kaya ayon kay Governor Presbitero Velasco ang aktibidad na ito ay napakaimportante at kinakailangan ngsuporta mula sa mga lokal na pamahalaan.
“With PAFES the local government will be the extension hub in cooperation with SUCs (State Universities and Colleges),private and public instritution… Ang probinsiya talaga ang tutok at gagalaw…Kaya importante ang mga ganitong oryentasyon. Kailangan natin pagtibayin ang mga MAO (Municipal Agriculture Office) at extension workers,” kanyang pagpapahayag sa ginawang oryentasyon sa kanilang probisya.
Tinitignan naman ito ng malaking oportunindad at pagsubok ng lokal na pamahalaan ng Palawan.
“It’s a big opportunity and a big challenge for us to lead the agri-fishery extension system. We hope for a better rigorous partnership with our municipal LGUs counterparts, Department of Agriculture, private sector, academe, and other organizations…” ani ni Provincial Agriculturist Romy Cabuncal.
Bukod sa Overview of Mandanas Ruling at Concept and Operationalization of PAFES, tinalakay din sa bawat oryentasyon ang PAFES Agenda, Role of Implementing Agencies, at ang magiging Co-Financing Scheme nito.
Upang masimulan na ng mga lokal na pamahalaan ang pagpaplano para sa susunod na taon pinaghanda na sila ng Kagawaran ng kani-kanilang Priority Commodity Investment Plan (PCIP).
Ang PCIP ay unang ginamit sa Philippine Rural Development Project kung saan nakabase ito sa value chain analysis ng bawat produkto na mayaman sa isang bayan. Dito makikita ang mga kinakailangang pagtuonan ng pansin para sa paggawa ng mga programa at proyekto upang paunlarin ang industriya nito.
Natapos ang bawat aktibidad sa pamamagitan ng pagtala ng kanilang target schedule sa pagtapos at pagsumite ng kanilang mga Provincial, Municipal, at City Commodity Investment Plan at Memorandum of Agreement sa Kagawarang ng Pagsasaka. # # # (Denice Joelle A. Benosa / DA-RFO IVB, RAFIS)