SANOFI PASTEUR at KAGAWARAN NG KALUSUGAN nagtulungan sa pagsugpo ng DENGUE; FEJODAP pabor sa jeepney modernization ngunit.. at TABAKO maraming silbi maliban sa pang YOSI.

 

 

Pasay City, Metro Manila-Lumagda sa isang kasunduan ang mga representante ng pribadong sektor at pamahalaan na ang layunin ay upang tuluyan nang masugpo ang bagsik nang sakit na Dengue at ito’y ginanap sa lungsod na ito nitong ika-15 ng abril taong 2014.

Dinaluhan ng kumpanyang Sanofi Pasteur sa pamamagitan ng kanilang Country Manager na si Ms. Ching R. Santos na nagbigay rin ng mensahe ukol sa kanilang partisipasyon sa proyekto kung saan sila ang gagawa ng mga bakuna laban sa dengue na nakatakdang ilabas sa pamilihan sa 2016.

Nakibahagi rin si Dr. Socorro P. Lupisan, ang Director ng Research Institute for Tropical Medicine o RITM na siyang nagssaliksik ukol sa nasabing ginawang bakuna, nagbigay rin ito ng kanyang mensahe kung saan kanyang ipinaliwanag ang kanilang bahagi bilang kaagapay ng kagawaran ng kalusugan sa paglikha ng tinutukoy na bakuna.

Nagbigay rin ng kanyang mensahe ukol sa kanilang trabaho sa pagsugpo ng nasabing sakit ang Pangulo ng Asian Foundation for Tropical Medicine na si Dr. Remigio M. Olveda, dating naging Director ng RITM samantalang nagbigay ng kanyang paliwanag ukol sa bagsik ng mga serotypes ng Dengue sina Dr. Eric A. Tayag, DOT Asst. Secretary bilang pangunang tagapagsalita at panauhing pandangal at si Dr. Lyndon Lee Suy, ang Program Manager para sa Dengue ng DOH.

“Partnership to Strengthen the Dengue National Laboratory-Based Surveillance System in the Philippines” ang nasabing pagtutulungan ay naglalayong palakasin ang pagbuo ng isang self sustaining, routine, systematic at geographically representative, dengue serotype surveillance gamit ang kasalukuyang kagamitan in real time RT PCR na kagamitan sa mga subnational laboratories.

Ang ponding nagbuhat sa Sanofi Pasteur sa loob ng nakaraang tatlong taon ay sasasakop sa pagsasanay ng mga tauhan ng mga subnational laboratories sa paggamit ng mga dengue test methodology at practices pati ang katiyakan ng kalidad nito, magkakaroon ng pagtatatag ng pagsasanay ng mga tauhan sa 20 sentinel site para sa pagkolekta ng specimen at pagbiyahe nito.

Ang nasabing pagtutulungan ay nakapag ambag at nakadagdag sa pagnanais ng kagawaran ng kalusugan na tuluyan nang tuldukan ang pagkalat ng dengue sa bansa. Ang Sanofi Pasteur ay nagsasaliksik na ng bakuna ukol sa dengue sa loob ng 20 taon at naglalayong tumulong upang pababain ang hampas sa ekonomiya, kalusugan ng publiko at lipunan ng sakit na dengue lalo na umano sa mga panahong gaya ngayon na tumataas ang insidente ng dengue sa timog silangang asya. (mike balaguer)

Samantala,

 

 

Quezon City, Metro Manila-Pabor naman sa binabalak ng gobyerno na modernisasyon ng jeepney ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines o FEJODAP, pahayag mismo ng kanilang Pangulo sa ekslusibong panayam ng www.diaryongtagalog.net sa tanggapan nito sa lungsod na ito kamakailan.

Sa kabila ng pagkatig ni dating 1-UTAK Partylist Representative at Pangulo ng FEJODAPna si Hon. Zeny Maranan sa modernisasyon ng jeepney patuloy pa rin ang kanilang paghingi ng umento sa pasahe dahil sa napakaraming gastusin ng kanilang sasakya, buhat sa gulong, piyesa at kabilang pa ang patuloy na pangungotong ng mga traffic enforcers at pulis sa daan na hindi nahuhuli at tila nagiging legal pa.

Sa patuloy na pagsasalaysay ni Cong. Zeny sa DTO ukol sa kanilang iniharap na petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB upang magtaas ng pasahe halagang 50 cents sa kasalukuyang P8 dinagdag nitong hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay di pa iyon inaaprubahan kaya nga kanilang pinag iisipan na ang magsagawa ng isa na namang tigil-pasada o iba pang aksyon upang marinig ng Pangulo, ni PNoy ang hinaing ng sektor ng transport particular ang jeepney.

Ayon kay Maranan, ang mga oil companies ay patuloy na nagtataas ng kanilang presyo, malalaki ang taas ng kanilang halaga at kung magbaba ay kapiraso lamang ngunit may malaking impact ito sa sektor nila dahil sa kapag nagtaas ang halaga ng langis ay sumusunod ang halaga ng bilihin, isang natural na resulta sa takbo ng ekonomiya.

Makikita ang kabuuan ng panayam ng DTO kay Maranan sa video na kasunod ng artikulong ito. Habang inaantay nila ang magiging desisyon ng malakanyang sa kanilang usapan kung bibigyan ba sila ng pagkakataong mag taas ng presyo mula 8 pesos hanggang 8 50 o 9 pabor naman raw sa kanila ang balak ng gobyerno na palitan ang kasalukuyang diesel powered engines ng tradisyunal na jeepney patungo sa electric motor powered e- jeepney dangan lang ay mataas pa ang halaga ng mga units ng nasabing makabagong bersyon ng “hari ng kalsada”.

Sa pagtatapos ng mahal na araw ay magkakaroon nang desisyon ang pamunuan nina Maranan kung ano ang kanilang susunod na hakbang sa kanilang kahilingan upang itaas ang presyo ng pasahe at inaasahang sakaling maging positibo ang resulta ay ii implimenta ito ng FEJODAP sa kanilang mga miyembro muna at sa 1-UTAK at iba pang grupo ng mga tsuper at operator ng jeepney na susunod. (jane balaguer)

Kaugnay nito,

Quezon City-Metro Manila-Maraming silbi ang tabako maliban sa ginagawa itong pangunahing sangkap ng sigarilyo, ayon ito sa mga research organization sa ilalim ng Department of Agriculture at Department of Science and Technology na eksklusibong nakapanayam ng www.diaryongtagalog.net nitong ika-15 ng abril 2014 sa lungsod na ito.

Sa panayam ng pahayagan sa isang consortium ng Philippine Council for Agriculture Aquatic and natural Resources Resarch and Development o PCAARRD-DOSt sa ilocos region, kabilang ang mga lalawigang nagpo prodyus ng tabako aming nalaman na may mga produkto rin ang tabako na ginagawang fish meal o feeds at fertilizers.

Ang nasabing mga pananaliksik at ginagawang pag aaral ng mga eksperto ng kagawaran ng agrikultura kaagapay ang mga taga akademya at agham ay may layuning bigyan ng alternatibo ang mga nagattanim ng tabako gayundin bigyang kaalaman ang ilan na di alam na may iba pang silbi ang nasabing pananim liban sa gamit nito bilang sangkap ng sigarilyo.

Sa kabila ng naipasang sin tax law kung saan mas hinigitan ang buwis na kinukulekta sa mga sigarilyo at alak, bahagi ng buwis na ito ayon sa ilang sangay ng gobyerno ay para itulong din sa sektor ng agrikultura particular sa mga magtatanim ng tabako.

Ang tabako ay isang pananim na tinatawag na contract growing o o kada itatanim ng mga pananim ay agad nang binabayaran upang pag ani nito ay agad na ring maipo proseso. Ito ang dahilan kung bakit malaking bilang ng ating mga tabako sa bansa ay iniluluwas sa ibayong dagat dahil ang market sa kanila ay nasa labas, may ilan ring local na mamimili ngunit ayon sa datos ay malaking bilang ay pang eksport.

Tunay na malaki ang impact ng sin tax law sa pagtatanim ng tabako sa bansa, pangunahing layunin naman umano nito ay upang pangalagaan ang kalusugan ng tao, sa buong mundo dahil sa health consciousness ng makabagong henerasyon natin ngayon tunay na naapektuhan ng malaki ang tabako.

Sa kabila nito ay nananatili pa rin ang pag asa ng mga magtatanim ng tabako na magiging maayos pa rin ang kanilang kita sa kabila ng pag implimenta ng batas.

“ang mga magsasaka, magtatanim ng tabako, matatalino yan, kung sa tingin nila ay di na sila kikita sa pagtatanim ng tabako, dahan-dahan na nilang iibahin ang kanilang pananim. Ginagawa na nila iyan, nagpapalit palit sila ng itinatanim dahil may panahon lang naman ang pagtatanim ng tabako, kung mainit lang at katamtaman ang pklima” ayon sa National Tobacco Administration. (mike balaguer)

 

-30-