Talumpati sa Inagurasyon ni Pangulong Rodrigo R. Duterte; SSS, nakakolekta ng higit P1-B sa Makati noong unang quarter ng 2016, nagbukas ng mas malaking opisina sa J.P. Rizal at Opisyales ng DRT nakibahagi sa sabayang panunumpa

Talumpati sa Inagurasyon ni Pangulong Rodrigo R. Duterte                                                 (Isinalin ng Komisyon sa Wikang Filipino)

 Talumpati sa Panunumpa ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte Palasyo ng Malacañang ǀ 30 Hunyo 2016

 Pangulong Fidel Ramos, sir, salamat po sa tulong ninyo upang maging Pangulo ako; Pangulong Joseph Ejercito Estrada; Pangulo ng Senado Franklin Drillon at mga miyembro ng Senado; Ispiker Feliciano Belmonte at mga miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan; Punòng Mahistrado Maria Lourdes Sereno at mga Kawaksing Hukom ng Korte Suprema; Kagalang-galang Guiseppe Pinto at mga miyembro ng Diplomatic Corps; mga bagong hirang na miyembro ng Gabinete; mga kapuwa manggagawa sa pamahalaan; mga kababayan.

Walang pinunò, gaano man siya kalakas, ang magtatagumpay sa anumang bagay na mahalaga o makabuluhan sa bansa kung wala siyang suporta at kooperasyon ng mga mamamayan na tungkulin niyang pamunuan at sinumpaang paglilingkuran. Sa mamamayan kumukuha ng lakas ang mga pamahalaang demokratiko at isa na rito ang administrasyong ito. Kayâ kailangan nating pakinggan ang mga hinaing ng mamamayan, damhin ang kanilang mga pulso, ipagkaloob ang kanilang pangangailangan, at patibayin ang kanilang paniniwala at pagtitiwala sa atin na iniluklok nilá sa ating mga katungkulan.

Marami sa atin ang nagsabi na ang mga suliraning sumisira sa ating bansa ngayon na kailangang matugunan kaagad ay korupsiyon, kapuwa sa matataas at mabababàng antas sa pamahalaan; kriminalidad sa lansangan, at ang laganap na bentahan ng ipinagbabawal na gamot sa lahat ng panig ng lipunang Filipino, at ang kawalan ng paggálang sa batas at kaayusan.

 Totoo, bagaman hindi ganap na totoo. Sapagkat para sa akin ang mga suliraning ito ay mga palatandaan lámang ng isang malubhang sakít ng lipunan na sumisira at dumudurog sa katatagang moral ng lipunang Filipino. Sa palagay ko, may suliranin na mas malalim at mas mabigat pa kaysa alinman sa mga nabanggit o kahit pagsama-samahin pa ang lahat ng iyon. Ngunit mangyari pa, hindi na kailangan pang sabihin na isasantabi natin ang mga iyon sapagkat kailangang masugpo ang mga iyon sa anumang paraang ipinahihintulot ng batas.

 Ang pagguho ng paniniwala at tiwala sa pamahalaan—iyan ang tunay na

suliranin na dapat nating harapin. Nagbubunga ito ng pagguho ng tiwala ng mamamayan sa liderato ng bansa; ng pagguho ng tiwala sa sistemang hudisyal; ng pagguho ng kompiyansa sa kakayahan ng mga lingkod-bayan upang mas maging maayos ang búhay ng sambayanan, maging mas ligtas silá, at mas malusog.

Totoó, ang problema natin ay problema ding nagpapahinà sa espiritu ng tao. Subalit hindi pa hulí ang lahat. Alam ko na may hindi sumasang-ayon sa aking mga paraan sa pagsugpo ng kriminalidad, sa pagbebenta at paggamit ng ipinagbabawal na gamot, at sa korupsiyon. Sabi nilá ang ganitong pamamaraan ay lihis sa karaniwan at nása bingit ng pagiging ilegal. Nais kong sabihin ito bilang tugon: Nakita ko kung paano sairin ng korupsiyon ang pondo ng bayan, na inilaan upang iahon ang mahihirap mula sa lusak na kanilang kinasadlakan.

 Nakita ko kung paano wasakin ng mga ipinagbabawal na gamot ang mga

indibidwal at durugin ang mga relasyong pampamilya. Nakita ko kung paanong ang kriminalidad, sa lahat ng paraang magdaraya, ay hinahablot sa mga inosente at di-mapaghinala ang maraming taon ng pagtitipid para makaipon. Mga taon ng pagsisikap upang, bigla, bumalik silá kung saan nag-umpisa.

Tingnan natin ito mula sa ganitong pananaw at sabihin ninyo sa akin kung ako ay mali. Sa labang ito, hinahámon ko ang Kongreso at ang Komisyon sa Karapatang Pantao at ang ibá pa na mayroong kahalintulad na gawain upang pahintulutan kami sa isang uri ng pamamahala na umaalinsunod sa itinatadhana ng batas.

Magiging malupit ang labang ito at kailangang tuloy-tuloy. Bilang abogado at dating tagausig, batid ko ang hanggahan ng kapangyarihan at awtoridad ng pangulo. Alam ko kung ano ang legal at kung ano ang hindi. Ang katápatan ko sa wastong proseso at pananaig ng batas ay hindi matitinag.

 gawin ninyo ang inyong trabaho at gagawin ko ang trabaho ko. “Malasakit. Tunay na Pagbabago. Tinud-anay nga Kausaban”– ang mga salitâng ito ang naghatid sa akin sa pagkapangulo. Ang mga islogang ito ang nása aking isip hindi lámang para sa tanging layuning makuha ang boto ng mga botante.

 “Tinud-anay nga kabag-uhan. Mao kana ang tumong sa atong panggobyerno

(Tunay na pagbabago. Dito patungo ang ating gobyerno).” Higit pa kaysa pagkuha ng boto. Ito ang mga sigaw ko sa pakikipaglaban sa ngalan ng mga táong uhaw na uhaw sa tunay at makabuluhang pagbabago. Subalit ang pagbabago, kung nais na maging permanente at makabuluhan, ay dapat na magsimula sa atin at sa ating mga sarili.

Sa salita ni F. Sionil Jose, naging pinakamalupit na kaaway natin ang ating sarili. Dahil dito, dapat na may tapang táyo at pagkukusang baguhin ang ating mga sarili.  Ang pag-ibig sa bayan, pagpigil sa mga personal na interes alang-alang sa kabutihan ng lahat, malasakit sa mahihinà at maralita—kasáma ang mga ito sa mga hálagáhang naglaho na at nagmaliw, at nais nating maibalik at mapalakas muli sa pagsisimula ng ating paglalakbay túngo sa mas mabuting Filipinas.

 Magiging mahirap ang paglalakbay na ito. Subalit halina’t samáhan pa rin ninyo ako. Magkakasáma, magkakabalikat, nating isagawa ang unang mabubuway na hakbang sa hangaring ito.  May dalawang kasabihan mula sa mga pinagpipitaganang tao na magsisilbing pundasyon ng administrasyong ito.

“Ang pagsúkat sa gobyerno ay hindi kung nakapag-ambag táyo sa kasaganaan ng mga mayaman; ang sukatan ay kung natulungan natin ang mga naghihikahos.” – Franklin Delano Roosevelt. Mula naman kay (Abraham) Lincoln, nais kong hugutin ang pahayag na ito: “ Hindi mo mapalalakas ang mahinà sa pamamagitan ng pagpapahinà sa malalakas; Hindi mo matutulungan ang mahirap sa pamamagitan ng pagsira sa kalooban ng mayayaman; Hindi mo matutulungan ang sumasahod sa pamamagitan ng paghila pababâ sa nagpapasahod; Hindi mo maitataguyod ang kapatiran sa pamamagitan ng pagpukaw ng pagkamuhi sa mga uri sa lipunan .”

Ang aking mga patakarang ekonomiko, pinansiyal, at politikal ay nakapaloob sa mga pahayag na iyon, kahit pa isinalin sa malawakang paraan. Matuto kayong magbasá. Hindi ko na kailangang magtungo sa mga detalye. Ibibigay ang mga ito sa inyo sa takdang panahon.

Kayâ, inaatas ko sa lahat ng mga kalihim ng kagawaran at punò ng ahensiya na bawasan ang mga rekisito at panahon sa pagproseso ng mga aplikasyon, mula sa pagsusumite hanggang pagpapalabas. Inaatas ko sa lahat ng mga kalihim ng kagawaran at punò ng ahensiya na alisin ang mga nag-uulit na rekisito at ang pagtalima sa isang kagawaran o ahensiya ay sapat na para sa lahat.

 Inuutos ko sa lahat ng mga kalihim ng kagawaran at punò ng ahensiya na

umiwas sa pagbago at pagbaluktot ng tuntunin sa mga kontrata, transaksiyon, at proyekto ng pamahalaang pinagtibay na at naghihintay ng pagpapatupad. Ang pagbabago ng mga tuntunin hábang nangyayari ang laro ay malî. Kinamumuhian ko ang paglilihim at sa halip ay isinusúlong ang transparensi sa lahat ng mga kontrata, proyekto, at transaksiyon sa negosyo mulang pagsusumite ng mga panukala hanggang negosasyon tungo sa perpeksiyon, at sa wakas, sa pagpapatupad.

 Gawin ninyo ito at magtatrabaho táyo nang magkasáma. Huwag ninyong gawin, at maghihiwalay táyo nang mas maaga sa inaasahan. Hinggil sa gawaing internasyonal at sa komunidad ng mga nasyon, hayaan ninyong ulitin ko na igagálang ng Republika ng Filipinas ang mga kasunduan at internasyonal na obligasyon.

Sa gawaing domestiko, nangangako ang aking administrasyon na ipatutupad ang lahat ng pinirmahang kasunduang pangkapayapaang umaalinsunod sa mga repormang konstitusyonal at legal. Nagagalak ako sa pahayag ng pakikiisa ng ating mga kapatid na Muslim at mga pinunò nilá, at sa tugon ng lahat sa aking panawagan para sa kapayapaan.

Umaasa ako sa pakikilahok ng ibá pang stakeholder, lalo na ang ating mga lumad, upang matiyak ang pakikibahagi ng lahat sa prosesong pangkapayapaan. Sa pagtatapos ng aking talumpati ay hayaan ninyong ipaalala ko sa inyo na inihalal ako sa pagkapangulo upang pagsilbihan ang buong bansa. Hindi ako iniluklok upang pagsilbihan ang interes ng kahit sinong tao, o anumang pangkat, o anumang uri. Pagsisilbihan ko ang bawat isa at hindi ang isa lang.

Kung kayâ’t hinango ko bilang gabay sa sarili ang sumusunod na pangungusap na isinulat ng táong hindi ko na maalala ang pangalan. Sinabi niya: “Wala akong kaibigang pagsisilbihan, wala akong kaaway na sasaktan.” Mula roon, hinihiling ko sa bawat isa, at ang tinutukoy ko ay ang lahat, na samáhan ako sa pagsisimula ng krusada para sa mas mabuti at maliwanag na kinabukasan.

Ngunit bago ako magtapos, hayaan ninyong ipahayag ko, sa ngalan ng mga Filipino, ang pakikiramay sa Republika ng Turkey dahil sa nangyari sa kanilang lugar. Ipinaaabot namin ang aming mataos na pakikiramay.  

Bakit ako narito? Narito ako dahil mahal ko ang aking bansa at mahal ko ang mga mamamayan ng Filipinas. Narito ako. Bakit? Dahil handa na akong simulant ang paglilingkod sa bansa.

Maraming salamat at magandang hápon sa inyo.

berto

 

 

 

 

 

Nakibahagi ang mga bagong halal na opisyales sa bayan ng Dona Remedios Trinidad sa pangunguna ng bagong halal nilang Punong Bayan na si Ronald t. Flores at mga miyembro ng Sangguniang Bayan kabilang sina Konsehal Roberto Sembrano at Rogelio Resigurado Jr. Kapwa mga dating Kapitan ang dalawa na nagsilbing epektibo bilang mga punong ehekutibo na ngayon ay papasok sa lokal na lehislatura habang ang kanilang alkalde ay re electionist.

ginanap ang sabayang panunumpa sa Bulacan Provincial Capitol Gymnasium na bagong tayo kasama ang lahat ng mga bagong halal na opisyales ng lalawigan kabilang sina Governor Wilhelmino M. Sy-Alvarado, Vice Governor Daniel Fernando, 2nd District Congressman Apol Pancho atbp opisyales sa 21 towns at 3 lungsod. kabilang sa mga dumalo ay ang Bulacan Muslim Affairs Consultative Council sa pangunguna ni Chairman Yahya Gamor, Mino Diapar at Palawan Suleiman kasama ang www.diaryongtagalog.net., ///michael balaguer

SSS, nakakolekta ng higit P1-B sa Makati noong unang quarter ng 2016, nagbukas ng mas malaking opisina sa J.P. Rizal

 Nakakolekta ang Social Security System (SSS) ng P1.12 bilyon na kontribusyon mula sa mga miyembro at employer ng Makati City sa unang tatlong buwan ng 2016 samanatalang naitala naman ang 16 porsyentong pagtaas ng koleksyon matapos malagpasan ang P964.85 milyong koleksyon noong nakaraang taon.

 Ayon kay SSS Senior Vice President ng National Capital Region (NCR) Operations Group Jose B. Bautista, sumasalamin ang malakas na pagtaas ng contribution collections ang pinaigting na hakbang ng SSS upang mas mapaganda ang coverage nito at paghahatid ng serbisyo sa Makati, na kung saan naroon ang humigit-kumulang na 40 porsyento ng 1,000 sa pinakamataas na korporasyon sa bansa.

             “Kailangan naming pagbutihin ang operasyon sa SSS upang makatugon sa mga pangangailangan at pagsubok na nakaka-apekto sa serbisyo at kasiyahang hatid namin sa mga miyembro. Halimbawa, dahil sa pagdami ng bilang ng mga miyembro at employer na bumibisita sa SSS ay napagdesisyunan namin na ilipat ang Makati-J.P. Rizal branch sa mas malaking lokasyon upang mas maraming miyembro at employers ang matulungan ng SSS,” sabi niya.

             Ang pormal na pagbubukas ng bagong lipat na SSS Makati-J.P. Rizal branch sa  ikatlong palapag ng KBC Building sa Barangay Olympia kamakailan ay nagbibigay serbisyo sa 15 barangay na may 6,200 na rehistradong employer at humigit sa 94,000 na sakop na empleyado, self-employed na manggagawa at boluntaryong miyembro.

 Kabilang sa iba pang sangay ng SSS sa lugar ay ang Makati-Ayala at Makati-Gil Puyat na kung pinagsama ay kumakatawan sa two-thirds ng contribution collection sa lungsod dahil malapit ito sa Central Business District. Samantala, madaling puntahan ang SSS Guadalupe branch dahil kontektado ito sa MRT Guadalupe station.

 Sakop ng apat na sangay sa Makati ang humigit sa 323,000 miyembro at employer noong 2015, na mas mataas ng siyam na porsyento mula sa 282,000 noong 2014. Naitala ang pinakamataas na paglaki sa coverage noong 2015 sa SSS Guadalupe, may pagtaas na 34 porsyento, at siyang pinakabago rin sa apat na sangay sa Makati dahil itinayo lamang ito noong 2014.

 Sinabi ni Bautista na nakatulong sa pagpapalawak ng SSS membership at koleksyon sa lungsod ng Makati ang partisipasyon ng local government units (LGUs) at informal sector groups (ISGs) sa mga programang KaltaSSS-Collect at AlkanSSSya.

 Kabilang sa mga benepisyaryo ng KaltaSSS-Collect Program, na dating kilala bilang e-AlkanSSSya Program, ay mga job order (JO) at contractual employees sa LGUs na hindi kasali sa mandatory social security scheme ng mga empleyado ng gobyerno.

             “Ang Barangay Magallanes ay ang pinaka-unang LGU sa Makati City na sumali sa E-AlkanSSSya program noong July 2013. Matapos nito ay sumunod na ang ibang LGUs at isinali rin ang kanilang sariling JO at contractual workers sa kaparehong programa ng SSS upang masiguradong may social security protection din sila,” dagdag ni Bautista.

 Samantala, inilunsad ang AlkanSSSya program para sa mga ISGs na nahihirapang magipon para sa kanilang buwanang hulog sa SSS. Sa tulong ng programa ay makakapag-tabi sila ng kahit P11 bawat araw sa isang ligtas na taguan ng pera na gawa sa metal, hanggang sa panahong bibilangin at dadalhin na ang naipon para sa kontribusyon sa SSS.

 Sa kasalukuyan ay may 17 ISGs at LGUs na may 1,800 na manggagawa ang kabilang sa KaltaSSS-Collect at AlkanSSSya Program. Ang iba pang proyekto ng SSS Makati branches ay ang pagbubukas ng “one-stop-shop” at on-site tellering systems na kung saan maaaring mangolekta ng SSS payments mula sa mga household employers at mga indibiduwal na miyembro.

       “Nais namin purihin ang mga organisasyon na tumutulong sa SSS upang ihatid ang aming serbisyo sa mga karatig barangay. Sana ay mapanatili silang masigasig sa pagsisilbi upang matamo ng bawat isa ang social security protection sa pamamagitan ng pagiging aktibong miyembro ng SSS,” sabi ni Bautista.///SSS