DAR, hinimok ang mga magsasayoteng magsasaka na pangalagaan ang kapaligiran

Photo Caption:

DAR-Mountain Province PARPO Jane Toribio during the sustainability planning for the development of sayote farming and turnover ceremonies of the farming equipment and materials.

BAUKO, Mountain Province – Hinamon ng Department of Agrarian Reform ang mga magsasakang nagtatanim ng sayote dito na tumulong sa pagpapanatili ng balanseng ekolohiya at kapaligiran sa pamamagitan ng pag-iwas sa pagputol ng mga punong kahoy.

Tinuran ni provincial agrarian reform program officer Jane Toribio ang hamon sa ginanap na masusing pagpaplano para sa pagpapaunlad ng pagsasaka ng sayote nang hindi ginagambala ang ekolohiya at kapaligiran, at ang pamamahagi ng mga gamit at materyales sa ilalim ng Convergence on Livelihood Assistance for ARBs (agrarian reform beneficiaries) Project [CLAAP] na ginanap sa Barangay Monamon.

Apatnapu’t tatlong magsasaka ang nabiyayaan ng mga gamit at materyales na kasapi sa dalawang grupo ng magsasaka, ang Bauko Organic Practitioners Credit Cooperative (BOPCC) at Monamon Fedecration of Irrigators Association (MONFIA), na kanilang gagamitin sa pagtatayo ng sementadong poste bilang gapangan ng mga sayote.

“Malaki ang kapakinabangan sa mga poste dahil magsisilbi ang mga ito bilang gapangan ng mga sayote at mapanatili ang mga ito sa sinasakang lupa ng mga magsasaka sa halip na gumapang kung saan saan na nagiging dahilan upang unti-unting mamutol ng kahoy ang mga magsasaka sa mga lugar na sinakop ng kanilang mga sayote,” ani Toribio.

Sinabi ni Toribio na ang pagtatayo ng mga posteng gapangan ng mga sayote ay makatutulong upang malimitahan ang ginagapangan ng mga sayote at mapapangalagaan ang balance ng ekolohiya at kapaligiran.

“Hinihimok ko kayo na huwag putulin ang mga puno sa inyong sakahan ng sayote. Dapat nating bantayan at alagaan ang ating kapaligiran. Maaari din ninyong subukan ang pagtatanim ng kape bilang alternatibong pananim,” ani Toribio.

-30-

Sakop ng CARP pinalawak, mga retirees ng DAR kasama na

SOLANO, Nueva Vizcaya – Pinalawak ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary John R. Castriciones ang sakop ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) upang maisama ang mga retirees ng ahensya “basta sila ay mga nagtapos ng anumang apat na taong kursong may kinalaman sa agrikultura.”

Ipinahayag ito ni Brother John sa ginanap na pamamahagi ng mga Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) na sumasakop sa 111.29 ektaryang lupaing pansakahan sa 88 agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Barangay Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya.

“Ito ang paraan upang ipakita ang aming taus pusong pasasalamat sa mga retirees at sa pagbabahagi ng kanilang kaalaman at kakayahan sa kagawaran,” ani Bro. John.

Ipinaliwanag ni Bro. John na ang hakbang na ito ay naglalayon upang mapanatili ang mga lupaing pansakahan para sa seguridad sa pagkain ng bansa dahil “binibigyan nito ang mga magreretirong opisyales at kawani ng DAR ng ibang pagkakaabalahan para gamitin ang kanilang kaalaman para sa produksyon ng pagkain.”

Ang pagpapalawak ng sakop ng CARP ay ayon sa kaisipan na ang sinumang kumukuha o kumuha ng kursong pang-agrikultura ay yayakapin ang pagsasaka nang buong puso bilang isang propesyon.

Kamakailan lamang ay nagbitaw ang hepe ng DAR nang katulad na pahayag kung saan ang mga bagong nagtapos ng anumang apat-na-taong kursong may kaugnayan sa agrikultura ay maaaring mabiyayaan ng hindi hihigit sa tatlong ektaryang lupaing pansakahan na maituturing nilang “farm laboratories” kung saan nila magagamit ang kanilang mga kaalaman at magagandang pamamaraan ng pagsasaka.

Ang tatlong ektaryang ipamamahaging lupaing pansakahan sa mga benepisyaryo ng CARP ay igagawad sa lahat, maging magsasakang walang lupa, bagong tapos ng apat na taong kurso ng agrikultura o mga retiradong empleyado ng DAR na tapos rin ng apat na taong kurso ng agrikultura.

Isinulong ni Bro. John ang hakbanging ito makaraang makatanggap diumano ng mga nakakabalisang balita na may mga benepisyaryong magsasaka ang nagbebenta o nagsasanla ng mga lupaing pansakahan na ibinahagi sa kanila sa ilalim ng programa ng repormang pansakahan ng pamahalaan.

Ang nasabing nakakabalisang balita ang nag-udyok kay Bro. John para ilunsad ang programang “Kumustasaka at ARBisita” nitong ika-17 ng Enero 2021 upang alamin kung ano na ang estado ng programa ng repormang pansakahan ng pamahalaan.

Nais malaman ng bagong programa kung sino na ang kasalukuyang nagmamay-ari ng mga ipinamahaging lupang pansakahan, ano ang mga tinatanim sa mga ito at kung anu-anong suportang serbisyo ang kinakailangan upang mapalago ang ani.

Sinabi ni DAR Undersecretary for Support Services Emily Padilla na ang programang Kumustasaka at ARBisita ay naglalayong makilala ang mga tunay na magsasakang benepisyaryo at masegurong ang mga ayuda ng DAR ay hindi mapupunta sa mga maling kamay.

Ayon kay Padilla, napasin niya sa mga nakalipas na pamamahagi ng mga ayudang pagkain at mga pananim sa ilalim ng “PaSSOver ARBold Move for Deliverance of ARBs from Covid 19” na ang “ibang mga nakatanggap ay hindi talaga mga magsasakang benepisyaryo.”

Pinapurihan naman ni Undersecretary for Planning, Policy and Research Virginia Orogo ang nabanggit na programa, na malaki ang maitutulong nito sa DAR upang malaman kung hanggang saan na ang narating ng programang repormang pansakahan sa nakalipas na 48 taong pagpapatupad nito.

Aniya napapanahon na para magkaroon ang DAR ng kumpletong profile ng bawat magsasakang benepisyaryo upang makita ang progreso ng programa.

-30-

PRDP nagkaloob ng proyektong tutulong sa pagmemerkado ng 3 organisasyon ng mga magsasaka sa Zambales

Pinagkalooban ng Philippine Rural Development Project (PRDP) ang tatlong (3) agrarian reform beneficiaries’ organizations (ARBOs) sa Zambales ng mga proyektong tutulong na maibenta nila ang kani-kanilang mga produktong pansakahan at madadagdagan ang kanilang kita, maging maayos ang mga aktibidad pang-ekonomiya at pasiglahin ang kaunlaran sa kanayunan.

Kinilala ni Department of Agrarian Reform (DAR) Zambales provincial agrarian reform program officer, Engr. Eric T. San Luis ang 3 ARBOs kabilang ang Santa Cruz Mango Growers Multi-Purpose Cooperative, the Amungan Farmers Multi-Purpose Cooperative at ang San Marcelino Corn Producers Cooperative.

Ayon kay San Luis, ang mga proyekto ay kinabibilangan ng dalawang (2) trading stations o “bagsakan” ng mga produkto na ang isa ay matatagpuan sa bayan ng Santa Cruz para sa mga kasapi ng Santa Cruz Mango Growers MPC at ang ikalawa ay sa bayan ng Iba para sa Amungan Farmers MPC. Ang cattle breeding farm ay ilalaan para sa San Marcelino Corn Producers Cooperative sa bayan ng San Marcelino.

Sinabi ni San Luis na ang mga proyekto ay magsisilbing daan upang magkaroon ang mga miyembro ng 3 ARBOs ng babagsakan ng kani-kanilang mga produkto at upang lalo silang maging masigasig sa pagsasaka para mapataas ang kita ng bawat miyembro at maisulong ang kaunlaran sa buong lalawigan.

Isinusulong ng PRDP and nasabing proyekto, kabalikat ang pamahalaang panlalawigan ng Zambales at mga pribadong sektor, upang maibsan ang pasanin ng mga magsasaka na nangangailangan ng tulong para sa pagbebenta ng kanilang mga ani.

Ang mga proyekto ay naaayon sa plataporma ng pamahalaang panlalawigan na magkaroon ng makabago at maka-kalikasang pamilihang bayan na angkop para sa sektor ng agrikultura at pangingisda.

Ang PRDP ay nagkakaloob ng mga imprastraktura, pasilidad, teknolohiya at impormasyon sa pagnanais nito na maitaas ang kita, produksyon at ang antas ng kaunlaran ng sektor ng mga magsasaka at mangingisda.

Pinuri ni Zambales Governor Hermogenes E. Ebdane Jr. and PRDP at ang DAR sa pagbibigay ng konsiderasyon upang mapaunlad ang kabuhayan ng mga magsasakang kanyang nasasakupan.

-30-