Secretary Pangandaman: DBM, susunod sa desisyon ng Ombudsman

Tinitiyak ng Department of Budget and Management (DBM), sa pamumuno ni Secretary Amenah F. Pangandaman, sa publiko ang ganap na pagsunod ng Kagawaran sa ipinalabas na desisyon ng Office of the Ombudsman laban sa mga dating opisyal ng DBM at Procurement Service (PS), gayundin sa mga opisyal ng Pharmally kaugnay ng pagbili ng gobyerno ng P4 bilyong halaga ng RT-PCR test kits.

Inatasan na ni Secretary Pangandaman si PS-DBM Executive Director Dennis Santiago na ipatupad ang desisyon laban kina dating PS-DBM Director Warren Liong at Procurement Management Officer Paul Jasper de Guzman, gayundin kina Webster Laurenana, August Ylagan, Jasonmer Uayan, at Christine Marie Suntay.

Tutugon din ang DBM sa desisyon ng Ombudsman ukol kay dating DBM Undersecretary Christopher Lao, bilang ito ay dating naging opisyal ng ahensya.

Ipinataw ng Ombudsman ang parusang pagkakasibak sa serbisyo, pagbawi ng lahat ng retirement benefits, at habambuhay na pagbabawal sa pagpasok sa gobyerno laban sa mga nabanggit na opisyal. Gayunpaman, dahil sila ay nahiwalay na sa serbisyo, ang dismissal na parusa ay gagawing multa na katumbas ng isang taong suweldo ng mga inaakusahan.

Ang DBM ay naninindigan sa pangakong pagtataguyod ng mga prinsipyo ng transparency, mabuting pamamahala, pananagutan, at mahigpit na pagsunod sa rule of law.

#