MAPAGBAGO ANG WIKANG FILIPINO
Gaya ng mapaghilom na awit ng Ibong Adarna, ang wikang Filipino ay may kakayahan rin na magdulot ng paggalíng at positibong pagbabago sa lipunang Filipino. Buong pagmamalaki itong itinatangahal sa buong bansa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Filipino 2017 ngayong Agosto na may temang Filipino: Wikang Mapagbago.
Bílang wikang pambansa ng Filipinas, ang pagbabágong ito ay nakasandig sa tatlong halagahan na pinagsisikapan ng KWF na maipalaganap sa buong Filipinas: ang Filipino bílang wika ng kaisahan, kaunlaran, at karunungan.
Kabílang sa mga inaabangang pangyayari ang makasaysayang Pandaigdigang Kongreso sa Araling Filipinas sa Wikang Filipino sa 2–4 Agosto, Paglulunsad ng mga bágong Aklat ng Bayan sa 11 Agosto, at Pammadayaw sa 19 Agosto.
Kaalinsabay ang mga proyektong ito ng KWF sa mga tertulyang pangwika ng mga Sentro ng Wika at Kultura (SWK) nito, pati na rin ng iba’t ibang ahensiya, paaaralan, at orgasisasyon sa bansa.
http://kwf.gov.ph/buwan-ng-wika-2017/
-30-
25% Deskuwento at mga Talakayan, abangan sa Paglulunsad ng Aklat ng Bayan ng KWF
Magbibigay ang Komisyon sa Wikang Filipino ng 25% deskuwento sa piling publikasyon sa darating na 11 Agosto 2017, 8:00nu–5:00nh. Sa araw ding iyon ay ilulunsad din ng KWF ang mga bagong publikasyon. Binubuo ito ng salin ng panitikan ng mga rehiyon, mga klasikong akda ng daigdig, at pananaliksik sa wika at kultura.
Bukod sa paglulunsad ay magkakaroon din ng talakayan, sisimulan ng 9:00nu-12:00nt ni Dr. Isaac Donoso ng Unibersidad de Alicante, España. Magiging paksa ng kaniyang panayam ang tungkol sa Mindanao at sa kaniyang aklat na Islamic Far East: Ethnogenesis of Philippine Islam. Susundan naman ito ng talakayan sa Pagsasalin ng Karunungan, tampok ang mga manunulat na tagasalin na sina Edgardo Maranan, Joaquin Sy, at Roy Rene Cagalingan.
Gaganapin ang talakayan at paglulunsad sa tanggapan ng KWF, Gusaling
Watson, 1610 Kalye J.P. Laurel, Malacañang Complex, San Miguel, Maynila. Bukás ito sa publiko. Ang pagbebenta ng mga aklat ay mula 9:00nu-5:00nh. Para sa mga tanong at detalye, maaaring makipag-ugnayan sa KWF sa telepono bilang (02)2521953 o sa dendenqnipes@gmail.com. Maaari ding bisitahin ang www.kwf.gov.ph.
-30-
Iternasyonal na Eksperto sa Araling Filipinas, Susulat at Magsasalita Gamit ang Filipino*
Sa kauna-unahang pagkakataon, ang mga nangungunang eksperto sa iba’t ibang kaalaman at larang ng Araling Filipinas (Philippine Studies) ay magtatanghal ng kanilang mga papel at treatise sa wikang Filipino sa isang pandaigdigang kumperensiyang gaganapin sa unang linggo ng Agosto dito sa Maynila.
Ang Pandaigdigang Kongreso sa Araling Filipinas sa Wikang Filipino
(International Congress on Philippine Studies in Filipino) ay gaganapin sa 2–4 Agosto 2017 sa Pambansang Museo, Maynila.
Tatlong pambansang alagad ng sining para sa panitikan, mga dayuhang
eksperto hinggil sa Filipinas at mga kaugnay na paksa, mga siyentista, sosyolohista, historyador, manunulat, peryodista, mananaliksik, at mga guro sa matematika, agham, at mga teknikal na sabjek, at humanidades, gagamit lamang ng wikang Filipino, ang bubuo sa mahigit 65 eksperto at lektyurer sa makasaysayang tatlong araw na pandaigdigang kumperensiya.
“Magiging tila festival ng Araling Filipinas ito ngunit may pagkilalang historikal at lingguwistiko dahil lahat ay magsasalita gamit ang wikang Filipino,” paglalarawan sa Kongreso ni Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan, at isa rin sa mga convenor ng Kongreso, kasama si Dr. Bernardita Churchill, presidente emeritus ng Philippine Studies Association (PSA).
Si Almario ay tagapangulo rin ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA) at Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), dalawa sa tagapagtaguyod na ahensiya ng Kongreso. Pinangungunahan ng KWF, ang Kongreso ay magkakasamang itinataguyod ng PSA, NCCA, Pambansang Museo, Filipinas Institute of Translation (FIT), Wika ng Kultura at Agham Ink (WIKA), at ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Pangungunahan sa unang araw ni Dr. Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan, ang Kongreso ay pinangunguluhan ni Dr. Galileo Zafra, propesor ng UP propesor at pangulo ng FIT.
Ang kinatawan ng mga eksperto ay pinangungunahan nina Dr. Ramon Santos, Pambansang Alagad ng Sining para sa Musika, Dr. Nicanor Tiongson, mandudula, direktor sa teatro at historyador ng drama mula sa University of the Philippines, Prop. Randy David ng UP, sosyolohista at kolumnista sa diyaryo, at Prop. Isaac Donoso, ng Universidad de Alicante, Spain.
“Ang Pambansang Kongreso ay inaasahang magpapanumbalik sa Filipino bilang pangunahing wika ng komunikasyon at instruksiyon sa bansa at magtatanghal dito bilang wika ng kaalaman na ginagamit ng mga eksperto sa kani-kanilang larang at disiplina.” Dagdag ni Almario.
Ang tatlong araw na kumperensiya ay bubuoin ng mga plenaryo at paralel na sesyon na tatalakay sa malawak na paksa, kabilang ang wika at pagkain, rehiyonal na kasaysayan at panitikan, ispeling at bansa, kultura at kalikasan, mga bagong pananaw at saliksik na pangkasaysayan, arkeolohiya, meteorolohiya at paghahanda sa disaster, aswang at lokal na paniniwala, katutubong epiko at matematika, katotohanan at kapangyarihan, kasarian at wika, materyal na kultura (material culture), modernong komedya*, *wika sa radyo, mga OFW, panloob na migrasyon, at iba pa.
Ipinaliwanag ni Dr. Galileo Zafra, tagapangulo ng Kongreso na layunin ng pandaigdigang kumperensiyang “tipunin ang mga nangungunang lokal at internasyonal na iskolar at higit silang himukin na gamitin ang Filipino sa kanilang pagsasaliksik,” at “tipunin ang mga pinakaprogresibo at siyentipikong pananaliksik hinggil sa wika, panitikan, kasaysayan, sining, at kultura ng Filipinas.” “Bunga nito,” dagdag ni Zafra, “inaasahan naming makagagawa ng bagong perspektiba sa Filipino, bilang wika at sa mga Filipino, bilang lahi. Kasabay nito, nais naming lumikha ng pangmatagalang estratehiya para sa Araling Filipinas bilang sabjek gamit ang wikang Filipino.” Nilinaw ni Zafra na nagkaroon ng call for papers para sa makasaysayang pandaigdigang kongreso mula pa noong Disyembre 2016 at masigla naman ang interes na ipinakita ng mga lokal at banyagang eksperto mula sa akademiko at siyentipikong komunidad, kaya’t nagbunga ng humigit-kumulang 65 lektyurer na magpepresenta ng kanilang mga saliksik. Isasagawa sa wikang Filipino, ang Kongreso ang pangunahing gawain ng KWF para sa Buwan ng Wika na gaganapin sa Agosto.
*###*