Bello: Pinag-aaralan, moratorium sa pagdedeploy ng HSW sa Kuwait; SENA, kinilala bilang epektibong pamamaraan sa pag-resolba ng di-pagkakaunawaan at 300K OFW naserbisyuhan ng DOLE-POEA One-Stop Center

department-of-labor-employment-intramuros-manila-philippines

 

 

 

 

 

 

Bello: Pinag-aaralan, moratorium sa pagdedeploy ng HSW sa Kuwait 

 

Sinabi kahapon ni Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III na pinag-aaralan na ng Department of Labor and Employment ang moratorium o pansamantalang pagsusupinde sa pag-deploy ng mga Filipino household service worker (HSW) sa Kuwait.

“Ang ating mga OFW, partikular ang mga kasambahay na umaalis ng bansa na nangangarap ng magandang buhay para sa kanilang sarili at pamilya, na sa kasawiang-palad ay nahaharap sa isang bangungot sa mga bansang ito,” ani Bello.

Kanyang idinagdag na may mga panawagan na isuspinde o magkaroon ng moratorium sa pagde-deploy ng mga household service worker sa Middle East dahil sa mga pang-aabusong dinaranas ng mga OFW, partikular ang mga kababaihang kasambahay.

“Seryoso naming tinatanggap ang panawagan para sa moratorium. Magsasagawa kami ng mga konsultasyon sa aming mga kasama at iba pang ahensiya ng pamahalaan,” ani Bello na nagpunta ng Kuwait upang tingnan ang kalagayan ng isa pang Filipino na nasa death row, si Elpidio Lano na nahatulan ng kamatayan ng Kuwait Court of First Instance dahil sa umanoý pagpatay sa kapwa Filipino na si Nilo Macaranas noong Hunyo 17, 2014.

Sinabi ni Bello na kasalukuyan ng pinag-aaralan ang posibleng moratorium sa mga household service worker sa nasabing bansa.“Agad kaming maglalabas ng desisyon sa mungkahing morotarium,” ani Bello.

Samantala, inatasan ni Labor Secretary ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na madaliin ang pagproseso ng mga kinakailangang dokumento ng pamilya ni Jakatia Pawa sakaling magdesisyon ang mga ito na dalawin ang libingan ng OFW sa Kuwait.

“Ibibigay namin ang lahat ng tulong na kanilang kakailanganin. Kasalukuyan ng prinoproseso ang mga dokumento kung sakaling mag-desisyon ang pamilya napumunta ng Kuwait,” ani Bello.

Sa ngayon, hindi pa nakakapag-desisyon ang pamilya Pawa kung kalian sila pupunta ng Kuwait upang dalawin ang libingan ng OFW. “Inaantay lang ang kanilang desisyon kung kailan nila gustong magpunta ng Kuwait.

Kami ay narito naman para asikauhin ang kanilang pangangailangan,” ani Bello. Idinagdag ni Bello na kanya nang inatasan ang lahat ng ahensiya na kanyang pinamumunuan na madaliin ang pagbibigay ng tulong pinansiyal at pangkabuhayan sa pamilya ni Pawa.Binitay si Pawa noong Enero 25 sa Kuwait matapos siyang mahatulan ng kamatayan ng Kuwait Court of First Instance dahil sa pagsaksak sa 22 taong anak ng kanyang employer habang ito ay natutulog noong Mayo 2007. END/CTM/GMEArce 

—————————————————————————————————————–

SENA, kinilala bilang epektibong pamamaraan sa pag-resolba ng di-pagkakaunawaan    

* Napatunayang epektibo ang alternatibong pamamaraan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagsasaayos ng hindi pagkakaunawaan ng mga suliranin sa paggawa matapos mabenepisyuhan ang mga manggagawa, particular ang mabilis na pagresolba ng kaso ng mga overseas Filipinos workers.

Tinatawag na Single Entry Approach (SEnA), ito ay isang sistema kung saan sasailalim sa 30-araw na pagpupulong ang dalawang partido upang magkaroon ng mabilis, walang kinikilingan at walang gastos na pamamaaraan ng pagkakasundo sa lahat ng usapin ukol sa paggawa upang hindi na ito lumala pa.

Batay sa tala ng Overseas Workers Welfare Administration, sinabi ni Administrator Hans Leo J. Cacdac, na karaniwang umaabot lamang ng anim na araw ang pagresolba ng mga kasong may kinalaman sa OFW.

“Nakatulong ang SENA na mabawasan ang sistemang ‘turu-turuan” sa paghahain ng kaso, kung saan ang nagrereklamong OFW ay ituturo mula sa isang opisina patungo sa ibang opisina, na nakakapinsala sa interes ng manggagawa,” ani Cacdac.

Nitong huling 11 buwan, sinabi ni Cacdac na tumanggap ng iba’t ibang Requests for Assistance (RFA) ng mga kasong may kinalaman sa OFW tulad ng paglabag/pagpapalit ng kontrata, hindi pagbabayad ng sahod at overtime pay, hindi pagbibigay ng end-of-service benefit, pang-aabuso, hindi magadang kondisyon sa paggawa, at pagsasauli ng pasaporte at/o iba pang dokumento.Ipinaliwanag ni Cacdac na 5,067 kaso ang naresolbahan, samantalang 5,273 RFAs ang naisaayos, na may 95 percent disposition rate at 91 percent settlement rate, ayon sa pagkakasunod. 

Ang mga nasabing kaso ay may monetary benefit na P132,919,057.20, at ibinigay ng OWWA sa 5,671 OFWs.“Ang mga datos na ito ng disposition at settlement rate sa pagpapatupad ng SENA ay magandang indikasyon na may kakayahan ang ahensiya na ayusin ang mga kaso ng OFW,” ani Cacdac. Kanyang idinagdag na ito rin ay nagpapahayagng ‘tiwala’ at ‘kompiyansa’ mula sa mga kliyenteng OFW.

“Lagi kong pinapaalala sa mga kawani ng OWWA ang ‘urgency is always the order of the day’, dahil dito ang lahat ng kaso ng OFW ay binibigyan ng pagpapahalaga katulad din ng mga ibang kaso,” dagdag niya.*END/OWWA Report/TDL/GMEArce* 

———————————————————————————————————————–

300K OFW naserbisyuhan ng DOLE-POEA One-Stop Center  

Higit kumulang sa 300,000 overseas Filipino workers (OFW) na ang tumanggap ng serbisyo sa mga One-Stop Service Center for OFWs (OSSCO) ng Department of Labor and Employment (DOLE) – Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa loob lamang ng anim na buwan nitong operasyon.Lumalabas sa ulat ni Deputy Administrator Aristodes Ruaro ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), mula noong Agosto nang nakaraang taon ay may kabuuang 281,900 OFW na ang humingi ng tulong sa center at mabilis na inasikaso ng mga ahensya sa OSSCO.

Sa nasabing mga buwan rin nakapagtala ng pinakamalaking bilang ng manggagawa na nai-proseso sa service center ng POEA na nagkaroon ng 65,492 OFW. Karamihan sa kanila ay humingi ng tulong para sa documentation of workers on leave o Balik-Manggagawa.

Sinundan naman ito ng Overseas WorkersWelfare Administration na nagserbisyo sa 57,922 OFW kung saan marami sa kanila ay nag-renew o nag-apply para sa membership. Ang Home Development Mutual Fund naman ay naserbisyuhan ang 28,808 OFW na nag-apply para sa Pag IBIG membership, loyalty card, STL, at provident benefit claim.

Batay rin sa ulat ni Ruaro, ang Social Security System ay nakapaglingkod sa 34,545 manggagawa na nag-register at nag-amend ng membership data, nag-apply ng benefit loan claim, nag-check ng loan o contribution status, nag-enroll para sa Unified Multi-purpose ID Card (UMID) at nagtanong ukol sa iba’t ibang SSS concerns.

Sumunod rito ang PhilHealth na nakapagtala ng 25,492 naserbisyuhang OFW kung saan marami sa kanila ay nagbayad ng kanilang kontribusyon sa PhilHealth, nag-apply at nag-renew ng membership, at nagtanong sa ibang PhilHealth-related concerns.Sa kabilang dako, may kabuuan namang 19,362 OFW ang naitala ng Department of Foreign Affairs na kinabibilangan ng mga sumailalim sa pre-processing ng passport applications at nagkaroon rin ng mga katanungan hinggil sa mga consular services.

Sa mga rehiyon naman tulad ng Zamboanga OSSCO at OWWA Regional Office No. 9 sa Zamboanga City nakapagtala ng pinakamalaking bilang ng naserbisyuhan na 5,638 kliyente at marami sa kanila ang nasagot ang mga katanungan at humingi ng tulong para sa OFW records issuance at ayudang legal.

Naserbisyuhan naman ng Iloilo ang may 1,820 na kliyente, na karamihan ay sumailalim sa proseso ng Balik-Manggagawa documentation. Inilunsad ng DOLE-POEA ang OSSCO upang makapagbigay tulong sa mga OFW at maging sa mga nagbabalak magtrabaho sa ibang bansa ng mas pinalawak na serbisyo ng ibat ibang ahensya ng pamahalaan na mabilisan ring aagapay sa paglalakad ng kanilang mga papeles at iba pang serbisyo.

Ang OSSCO ay isa sa tugon ng DOLE sa kautusan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na mas padaliin para sa mga OFW ang pag-abot sa mga serbisyo ng pamahalaan, mapaiksi ang oras sa pagpoproseso ng kanilang mga dokumento at makatipid pa sila sa pamasahe. #Paul Ang

sundan ang iba pang istorya sa PAGGAWA page