PNP, DILG HOY, GISING! ILLEGAL GAMBLING LUTASIN- ALAM; FOI BILL TULUYANG IPASA –ALAM at CYBERCRIME LAW PARANG E-MARTIAL LAW Pinoys gagawing de-susing robot

 

MULING kinalampag kahapon ng media group Alab ng Mamamahayag (ALAM) ang Philippine National Police (PNP) at Department of Interiors and Local Government (DILG) matapos pagbantaan at patraydor na suntukin ang isang 33-anyos na Photojournalist ng isang sigang Barangay kagawad.

Ayon kay ALAM Chairman Jerry Yap, totoo man o hindi ang bintang sa biktimang si Crismon Heramis na ipinahuli ang mga iligal na sugal na pinoprotektahan ng Barangay sa Paco Maynila kamakalawa ng gabi, wala pa ring karapatan ang sinuman na suntukin ito sa mukha.

“Ilegal ang kanilang Gawain,” ani Yap. “Kahit nga hindi journalist, pwede silang ipahuli dahil illegal ang pasugal. Ngayon, dumami pa ang kaso nila. Illegal gambling na, physical injuries pa.” Si Heramis, 33, phojournalist sa Remate tabloid na pag-aari ni National Press Club (NPC) President Benny Atiporda, ay director din ng Manila Police Distrcit Press Corps (MPDPC).

Agad inireklamo ng lensman sa Manila Police District-Pandacan Police Station 10 si Wilfredo Cepe, ang kagawad ng Barangay 829 Zone 90 sakop ng Mendiola Ext., Otis , Paco na nanuntok sa kanya at nagbanta pa. Ayon kay Heramis, nakatambay siya sa isang computer shop nang magsisigaw si Cepe habang lasing.

Hindi ito inintindi ng biktima dahil lasing at bilang respeto sa posisyon nito bilang opisyal ng barangay. Gayunman, pinagmumura nito si Heramis at pinagbantaan ang buhay bukod pa sa sinuntok ito sa mukha. Nahinto lamang umano ang pag-atake ni Cepe nang awatin ng kanyang anak at mga tao.

Hinihinalang nag-ugat ang galit ng kagawad sa  mga hinuling  iligal na  Piso Net.

 

Ani Heramis, mamumutiktik sa mga iligal na sugal ang nasabing barangay kung saan ang protector umano ay si Cepe. May mga PISO net pa umanong may palabas na malalaswa na pinanonooran ng mga kabataan. Bukod dito, may limang bookies din umano ang kagawad ng video karera. Nagbibigay umano ng protection money ang mga may-ari ng mga illegal na Piso Net sa mga opisyal ng barangay.

“Malalaman natin ngayon kung may ngipin ang PNP at DILG,” dagdag pa ni Yap. “Napakaliit na kaso nito na nagkataon lamang na involved ang isang photo-journalist, pero karaniwang krimen ito na dapat ay napakadaling lutasin, pero hindi nalulutas dahil mga opisyal ng gobyerno ang involved.  Paging DILG at PNP. Gising! Iisang kaso lang ito, pero sa totoo lang, nagkalat ito sa buong Metro Manila.”  —nlv

———————————————————————————————————————————–

NANAWAGAN kahapon ang media group Alab ng Mamamahayag (ALAM) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na ipasa na rin ang freedom of information (FOI) bill matapos itong palusutin ng Senado.

Ani ALAM Chairman Jerry Yap, kung kinaya ng mga senador na paboran ang FOI Bill, hindi na ito dapat pang paguluhin ng Kamara.

Noong Lunes, March 10, nagpulong ang technical working group ng House committee on public information and mass media upang busisiin pang mabuti ang nasabing batas at panatilihin pa ang mga exemptions.

“May 21 taon nang nabibinbin sa Kamara ang FOI Bill,” ani Yap. “Dapat lang na ipasa na ito.”

Dalawang linggo na lamang at dalawang buwang bakasyon na naman ang Kamara ngunit wala pa ring nangyayari sa kontrobersyal na FOI Bill. Noong 1987, isinumite sa Kamara ang FOI Bill bilang pagkilala sa prinsipyo ng 1987 Philippine Constitution na ‘Public office is a public trust.’

“Nais ng lahat ng Filipino, journalist man o karaniwang sibilyan, na magkaroon ng access at impormasyon sa mga utang ng bansa at sa estado ng pagmamay-ari ng lupa ng mga hacendero at sakada,” dagdag pa ng dating pangulo ng National Press Club (NPC). “Gusto rin nilang malaman kung ano na ang nangyayari sa agrarian reform , at kung saan ba ginagastos ang salapi ng bayan.”

Dagdag pa ni Yap, simple lang ang FOI Bill dahil kailangan ito upang maging ‘transparent and accountable’ ang mga opisyal ng gobyerno. Gusto rin umano ng taong bigyang diin na ang mga nagsisilbi sa bayan ay may katapatan at integridad. “SALN (Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth) pa lang nga dinadaya na ng ibang opisyal ng gobyerno, lalo na sa Kamara, what more sa ibang bagay,” diin pa ni Yap. “Ang ayaw magpasa sa FOI Bill, siguradong may itinatagong baho.”  – nlv

———————————————————————————————————————————-

MARTIAL law gamit ang makabagong teknolohiya ng internet ang epekto ng Cybercrime Law sa bansa.

Ito ang pahayag kahapon ng media group Alab ng Mamamahayag (ALAM). Ayon kay ALAM National Chairman Jerry Yap, hindi lamang mga mamamahayag kundi lahat ng gumagamit ng internet ang apektado nito.

“Sa internet lamang malayang nakakapagpahayag ng damdamin ang kahit sino, mamamahayag ka man o karaniwang Filipino, pipigilan pa nila!” himutok pa ng dating presidente ng National Press Club (NPC).“Para itong espadang nakaamba sa ating mga leeg, na anumang oras ay pwedeng bumagsak at tumagpas sa ating mga ulo.”

Ani Yap, laging may banta ng pagkakulong at demada lalo na ng online libel sa mga netizens. Malinaw umano itong pakikialam sa kalayaang magpahayag ng sinuman na may kahalong pananakot.

“Nasaan na ngayon ang “freedom of speech and expression” na binigyang diin sa ating Saligang Batas na pangangalagaan para sa mga Filipin?” ani Yap.

“Nakatitiyak kaming aabusuhin ito ng mga tiwali.” Dahil din umano sa Cybercrime law at mawawala na ang demokrasyang ipinagmamalaki ng Pilipinas dahil lahat ng sasabihin at isusulat sa internet ay delikadong may katapat na parusa. “Ang demokrasyang ipinaglaban ng ama at ina na maibalik sa Pilipinas sa People Power, ililibing naman ng anak sa burak,” dagdag pa ni Yap.

“Daig pa natin ngayon ang mga robot na de-susi na isusulat lamang ang magugustuhan ng gobyerno. Sa pagkakataong ito, para na rin silang nagdeklara ng ‘electronic Martial Law. Mas matindi pa sa Martial Law ni (dating Pres. Ferdinand) Marcos. Ipinagdiriwang ngayong araw na ito, Martes, ang ika-28 taon ng Peaceful Revolution sa bansa na pinangunahan ni dating Pres. Corazon Aquino na ina ni Pres. Benigno Simeon Aquino III.  — nlv