San Jose del Monte City, Bulacan-ITINUMBA ang isang Pharmacist sa lungsod na ito pagkatapos na di niya pagbilhan ang isang parukyano na bibili ng gamot na antibiotiko nang walang riseta ng doktor nitong Ika 26 ng Setyembre, 2017.
Binaril at napatay ang biktimang si Loigene Geronimo, 40 anyos, may asawa at dalawang anak at residente ng Bgy. Muzon, lungsod na ito. Pinatay ang biktimang nagmamay ari ng isang botika limang araw matapos niyang hindi umano pagbilhan ng antibiotiko ang isang parukyanong bumibili sa kanyang botika dahil wala itong dalang riseta ng doktor.
Nabatid na alinsunod sa itinatadhana ng RA 10918 o ang Pharmacy Act of 2016, ipinagbabawal na ng batas ang pagbili ng antibiotiko na walang riseta. Paliwanag ng mga dalubhasa buhat sa Philippine Pharmacist Association (PphA)hindi naman pabor sa mga botika ang nasabing batas bagkus ay laan ito para sa kalusugan na rin ng mga mamamayan.
Ayon sa samahan, kulang ang kaalaman ng mga mamamayan hinggil sa naturang batas at marami pang di nakababatid nito. Pangamba rin nilang bunsod nito ay maaring may mabiktima pang iba kung di sila kikilos ngayon.
Napag alamang limang araw bago masawi ang biktima ay bumili ang suspek sa kanyang botika at di niya pinagbilhan dahil walang riseta ng doktor bagay na itinatadhana ng batas sa kabila nito ay inalok naman niya ng pagpipilian ang suspek ngunit hindi ito pumayag at nagbanta sa biktima na nagsabi umanong “May Araw ka Rin”.
Inilibing na ngayong araw October 3, 2017 ang biktima at panawagan ng naiwan nito sa kinaukulan na nawa ay mabigyang hustisya ang kanyang kamatayan.///michael N. Balaguer, 09333816694, michaelbalaguer@diaryongtagalog.net
-30-
Maynila, PILIPINAS-HINDI pa rin matitinag ang Philippine Pharmacist Association sa kanilang pagsusulong upang ipaalam at ipakilala sa lahat ang bagong batas ukol sa Pharmacy sa kabila ng kumitil na ito nang buhay ng isa sa kanila.
Sa pakikipagtalastasan na ginanap nitong October 4, 2017 sa kanilang punong tanggapan sa lungsod na ito sinabi ni Ms. Leonila M. Ocampo, RPh. MS, Past President ng Philippine Pharmacist Association.
Ayon sa dating Pangulo ng samahan, nakakalungkot ngunit ginagawa nilang inspirasyon ang nangyari sa kanilang kasamahang si Loi upang lalong pagsikapang maipakalat ang kahalagahan ng kanilang propesyon lalo ang bagong batas.
Ipinaliwanang niya na ang pagiging Pharmacist ang hindi lamang pagtitinda ng gamot o pagbebenta o pagmamay ari ng isang botika kundi ito ay isang paraan ng pagseserbisyo sa tao sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang gamot na iniriseta ng doktor.
Panawagan nila sa Pangulong Rodrigo Roa Duterte na sana ay hindi lamang ituon sa kampanya kontra iligal na droga bagkus isama na rin ang tungkol sa pagregulate sa mga over the counter drugs na itinatadhana ng batas. Pangamba ng mga dalubhasa kung hindi ito maipapatupad ng maayos ay maaring dumating ang araw na maging resistant na ang mga mikrobyo at di na tablan ng mga gamot dahil nasanay na ang katawan ng pasyente sa antibiotiko.
Nakalinya sa mga programa at proyekto ng samahan ay ang massive information dissemination sa mga komunidad kabalikat ang mga ahensya at kagawaran ng pamahalaan gaya ng Department of Health, Department of Science and Technology, Department of Education atbp.///Michael N. Balaguer, 09333816694, michaelbalaguer@yahoo.co.uk
-30-
“HINDI nila akalaing may mangyayaring ganito dahil lang sa pagsunod sa batas” ito ang sinabi ng Pangulo nang Philippine Pharmacist Association Dr. Yolanda Robles, RPh PhD dahil sa sinapit ng isa sa kanilang kasamahang pharmacist na nasawi dahil lang hindi pinagbilhan ng gamot ang isang kostumer na walang riseta gaya ng naa ayon sa batas.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag kasabay ng libing ni Loigene Geronimo at isang Pulong Balitaan sa kanilang punong tanggapan sa Maynila kaharap ng mga mamamahayag buhat sa pahayagan, radyo, telebisyon at online news portal.
Bagaman nakapanghihinayang ang insidente ayon kay robles ngayon lang may nangyaring insidente na umabot sa may mapatay. Batay sa panayam ng www.diaryongtagalog.net ayon sa Pangulo may mga sumbong sa kanila sa bahagi ng Mindanao na minsan may mga armadong bumibili ng gamot sa mga botiko duon na nagaamba pa ng baril dahil walang riseta ng doktor ngunit malimit itong napagpapaliwanangan naman kaya hindi humahantong sa katulad na kaganapan.
Kabilang sa mga nakibahagi sa pulong balitaan ay ang mga Board of Directors ng Philippine Pharmacist Association na sina Reynaldo H. Umali, RPh, MBA, Leonila M. Ocampo RPH, MS Past President, Yolanda Robles RPH PHD President at Mercelinda R. Gutierrez, RPH MA Board of Director.///Michael N. Balaguer, 09333816694, michaelbalaguer@diaryongtagalog.net