Muling nakamit ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang ISO 9001:2015 certification para sa Quality Management System (QMS) matapos ang masusing third party audit na isinagawa sa mga tanggapan nito sa buong bansa ngayong taon.
Ang nasabing sertipikasyon ay isang pandaigdigang pamantayan para sa quality management ng isang organisasyon, ahensiya o kumpanya. Sumasalamin ito sa mabuti at maayos na mga sistema na siyang daan para makapagbigay ng de-kalidad na serbisyo sa kanilang mga kliyente at stakeholders.
Bunsod nito ay pinuri ni PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr. ang mga opisyal at kawani ng PhilHealth sa masikap na pagpapatupad ng quality management system sa operasyon ng ahensiya. Aniya, “Ang sertipikasyong ito ay hindi lang isang karangalan (bagkus) patunay ng aming commitment sa mahusay na pamamalakad, pagpapabuti ng serbisyo at dedikasyon sa paggawa ”. Ipinangako niya na tuloy-tuloy ang pagsasagawa nito para sa kapakanan ng lahat ng miyembro sa buong mundo.
Makikita sa larawan sina Ledesma, Jr. (gitna) habang tinatanggap ang ISO 9001:2015 Certification mula sa SOCOTEC Philippines Inc. Operations Director Gilmore Rivera sa isang simpleng seremonya nitong Disyembre 2023 sa Pasig City. Kasama rin niya sina (mula kaliwa) Acting Vice President for PRO III and Concurrent Senior Manager for Organization and Systems Development Office Henry V. Almanon, Senior Vice President for Legal Atty. Jose Mari F. Tolentino, at Vice President for Arbitration Atty. Jay R. Villegas. ###