44 kabataang nagtapos ng agrikultura nangakong susuportahan ang pamahalaan sa seguridad ng pagkain

DAR Secretary Brother John Castriciones distributes land titles to the agriculture graduates.

APATNAPUT-APAT (44) na mga kabataang nagtapos sa agrikultura mula sa lalawigan ng Cagayan at Palawan ang nangako ng pagsuporta sa pamahalaan upang tumulong sa pagseguro ng suplay ng pagkain ng bansa pagkatapos nilang tumanggap ng tig-iisang ektaryng lupain mula sa Department of Agrarian Reform (DAR).  

Ang mga lupaing tinanggap nila ay mga nakatiwangwang na government-owned lands (GOLs) na nasailalim sa Executive Order (EO) No. 75, Series of 2019, kung saan ang mga nasabing lupain ay naproseso ng DAR upang mapasailalim sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Ayon kay DAR Secretary Brother John Castriciones ito ang unang pagkakataon na namigay ang ahensiya ng libreng lupa sa mga nagtapos ng agrikultura upang mabigyan sila ng pagkakataon na magamit ang kanilang propesyon sa kanilang sariling lupain at mahimok ang mga kabataan na magsaka, sapagkat ang mga magsasaka ay patanda na ng patanda at sa may 11 milyong Pilipinong magsasaka, ay nasa 57 taong gulang na ang kanilang karaniwang edad.

“Ngayong nagmamay-ari na kayo ng lupain, naniniwala ako na pagyayamanin ninyo ito sa ikauunlad ng inyong pamumuhay. Magsilbi kayong inspirasyon sa mga kabataan upang magkainteres sila sa agrikultura at matulungan ang ating bayan sa pagbibigay ng sapat na suplay ng pagkain,” ani Brother John.

Ang pamamahagi ng lupa ay naganap dahil sa administrative order no.03, series of 2020 ng DAR, kung saan ang mga kwalipikadong magtatapos ng kahit anong apat-na-taong kurso sa agrikultura at iba pang may kaugnayan dito ay maaaring maging agrarian reform beneficiary.

Ayon kay Support Services Office Undersecretary Emily Padilla, ang DAR ay hindi titigil sa pamamahagi ng mga natitira pang lupa,na may 500,000 ektarya pang balance para sa mga magsasakang walang lupain, bagkus, ang pamamahagi ay itutuloy din sa kanilang mga anak. 

“Dahil ang mga nakababatang magsasakang ito ay may kaalaman mula sa mga state colleges and universities, tayo ay magkakaroon ng mas siyentipikong pamamaraan sa pagpapa-unlad sa industriya ng agrikultura,” ani Padilla.

Nagpasalamat si Jerome Usabal, isa sa mga nagtapos ng agrikultura mula sa Lallo Cagayan, sa tinanggap niyang titulo at nangako siya na tutulong sa pagpapapaunlad ng sektor agrikultura sa bansa.

Naniniwala naman si Sunshine Araza, mula Busuanga, Palawan, na malaking tulong sa kanilang pamumuhay ang lupain na kanyang natanggap mula sa DAR at ito ay makakaengganyo sa kanyang mga nakababatang kaibigan upang sila rin ay mag-enrol sa kursong may kaugnayan sa agrikultura at magsagawa ng gawaing bukid pagkatapos ng kanilang mga kurso. 

###

DAR graduates taking their pledge to support the government in ensuring food security by taking care of their lands.
Jerome Usabal, one of the agri-graduate beneficiaries, thanking DAR for the land he received

DAR patuloy sa pagiging isang tumutugong ahensya

Sa ikatlong pagkakataon, kinilala at pinuring muli ng Office of the President (OP) ang Department of Agrarian Reform (DAR) para sa mabilis na pagkilos nito sa mga reklamo ng mamamayan sa serbisyo publiko sa pamamagitan ng 8888 Citizens ’Complaint Center ng gobyerno.


“Nagpapasalamat ang DAR sa OP sa pagpuri sa amin sa ikatlong pagkakataon. Nais naming mailapit ang gobyerno sa aming mga stakeholders. Ang OP ay makakaasa na aming ipagpapatuloy na matugunan ang mga alalahanin at isyu na inilalapit ng aming mga kliyente,” sambit ni DAR Secretary Brother John Castriciones.

Ang pagkilala ay ipinadala sa pamamagitan ng isang liham kay Brother John Castriciones ni 8888 Citizens ’Complaint Center Director Bernadette Casinabe.

Sa isang liham na inilabas noong Enero 31, 2021, kinilala ang DAR para sa mga pagsisikap nito sa pagtiyak na ang lahat ng mga tiket ay naaksyunan sa loob ng itinakdang panahon.

Sinabi ni Brother John na mula Enero hanggang Disyembre 31, 2020, ang ahensya ay tumugon sa 311 na tiket mula sa 8888 Citizen’s Complaint Center.

“Sa 311 na tiket na aming natanggap, ang lahat ng ito ay naaksyunan, katumbas ng 100 porsyento na pagtupad ng gawaing ito sa loob ng itinakdang oras,” sabi ni Brother John.

Bilang 24/7 hotline ng serbisyo publiko ng pamahalaan, nilalayon ng 8888 Citizens’ Complaint Center na tugunan ang mga katanungan o hinaing mula sa publiko na nakadirekta sa mga ahensya ng gobyerno, mga kawanihan, at mga tanggapan.

Ayon kay Public Assistance and Media Relation Service (PAMRS) Director Cleon Lester Chavez,  ang Clientele Relations Division (CRD) ang siyang humahawak ng reklamo sa DAR, ang DAR ay unang kinilala ng OP bilang tumutugong ahensya noong Oktubre ng nakaraang taon, dahil sa 100 porsiyentong pagtugon nito sa mga hinaing ng mga mamamayan na kanilang natanggap mula sa 8888 Citizen’s Complaint Center sa buwan ng Enero hanggang Setyembre 2020.


“Ang DAR ay muling kinilala sa pangalawang pagkakataon noong Nobyembre 16 ng nakaraang taon nang ang CRD ay nagawang muli ang 100 porsyentong pagtugon sa lahat ng mga tiket na natanggap sa loob ng itinakdang oras,” sabi ni Chavez.

Sinabi ni DAR Assistant Secretary Patricia Rualo-Bello, focal person para sa 8888 Citizens’ Complaint Center na karamihan sa mga tiket na natanggap ng DAR ay ang tungkol sa lupa/ kapaligiran, mga pag-angkin ng gobyerno at mga alalahaning nauugnay sa integridad.

“Ginagarantiyahan namin na palalawakin ang suporta ng gobyerno sa programa at tinitiyak na ang lahat ng mga kahilingan para sa tulong at impormasyon, pati na rin ang mga reklamo at hinaing ay agad naming aaksyunan,” ani ni Rualo-Bello.

###

DAR nagkaloob ng P2.1-M halaga ng mga makinarya sa mga ARBs ng Aklan

Nagkaloob ang Department of Agrarian Reform  (DAR) sa lalawigan ng Aklan ng mga makinaryang pansakahan na nagkakahalaga ng P2.1-milyon sa 1,041 agrarian reform beneficiaries (ARBs) upang makayanan nilang maging produktibo ang kanilang pagkakakitaan at komunidad sa gitna ng mga negatibong epekto ng pandemya.

Limang mga agrarian reform beneficiary organizations (ARBOs) kabilang ang: Asosasyon ng mga Boracay ATI Tribal Organization, CABADU Irrigators’ Association, Libang Irrigators’ Association, Tagas Farmers Multipurpose Cooperative at Fatima Agrarian Reform Cooperative ang tumanggap ng mini cargo truck, cargo tricycles, mega rice mill, rice cutters at irrigation pumps.

Ayon kay Regional Director Shiela Enciso, ang mga makinarya ay naipagkaloob sa ilalim ng proyektong tinaguriang “The PASSOVER: ARBold Move for Deliverance of our ARBs from the COVID 19 Pandemic.”

“Ang layunin ng proyektong ito ay ipagpatuloy ang pagkakaloob ng mga kritikal na mga suporta sa ARBs upang maseguro na tuluy-tuloy ang kanilang produksiyong pang-agrikultural, at ang mga pangkabuhayan at ang pagmemerkado ng kanilang mga produkto, upang maseguro ang kanilang regular na pinanggagalingan ng kanilang pagkakakitaan,” ani Enciso.

Sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga suportang serbisyo, inaasahan na maitataas nito ang produksyon at kita ng mga kasapi ng mga organisasyon ng ARBs.

Ipinaliwanag ni Provincial Agrarian Reform Program Officer II (PARPO) Ma. Teresa Valencia na ang mga makinaryang pansakahan ay makatutulong upang mapatatag ang mga gawain sa produksyon ng mga ARBs sa kanilang sakahan upang makasabay sa pangangailangan ng merkado at maiwasan ang pagkakaroon ng problema sa presyuhan ng kanilang mga produkto.    

“Nagpapasalamat kami kay Congressman Teodorico T. Haresco Jr., isa sa aming taga-suporta noong panahon ng budget deliberations ng DAR sa Kongreso, na nakikiisa siya sa pagseseguro na ang ating mga magsasaka ang pangunahing priyoridad sa mga pagkakaloob ng suportang serbisyo, kung kaya nakinabang ang ating mga magsasaka sa kanyang inisyatibo,”ani Valencia. 

Pinaalalahanan naman ni Congressman Haresco ang mga ARBs na gamitin ng husto at wasto ang mga ipinagkaloob na pasilidad sa kanila upang umunlad ang kanilang mga pamumuhay.

“Kami ang inyong kasangga sa pamumuhay at asahan ninyo na maraming suporta pa ang darating sa inyo,” ani Haresco.

Ang mga ARB organizations na tumanggap sa proyekto ay mula sa bayan ng Malay, Makato, Tangalan, at Malinao.  

Nangako naman sa DAR si Myrna Abelarde, ARB mula sa Fatima Agrarian Reform Cooperative na pagyayamanin nila ang kanilang sakahan at lalo pa nila itong gagawin na mas produktibo.

“Ang suportang tinanggap namin mula sa pamahalaan ay magbibigay ng tagumpay sa lahat ng mga ARBs dito sa Aklan,” aniya.

###

Congressman Teodorico T. Haresco Jr. (4th from right) and Regional Director Shiela Enciso (5th from right) lead the turn-over of farm machineries to ARB organizations.
Provincial Agrarian Reform Program Officer II (PARPO) Ma. Teresa Valencia delivers her messages to the recipients of the projects.
Some of the farm-implements distributed to ARBs.