73 kawani ng DAR Calabarzon nanumpa upang tumulong sa maigting na pagpapatupad ng agrarian reform

Lucena City, June 8, 2021 – “May ibinaba akong kautusan sa lahat ng regional director ng Department of Agrarian Reform (DAR) na ipamahagi na ang lahat ng lupang agrikuktural na hindi pa naipamimigay. At hinihimok ko ang mga kawani, partikular na kayong mga bagong hinirang sa inyong mga posisyon, na tulungan kami upang magawa ang layuning ito,” ani DAR Secretary Brother John Castriciones kung saan  ang 73 bagong hirang na empleyado ng DAR  ay sumumpa sa kanyang harapan. 

Nauna na dito ay nilagdaan ni Brother John ang kanilang appointment papers noong Hunyo 3, 2021 habang siniguro rin niya sa iba pang kawani ng DAR na lilibutin niya ang bansa upang pangasiwaan ang appointment at evaluation ng iba pang mga aplikante.

“Nabigyan kayo ng bagong posisyon upang magtulungan tayo sa pagpapatupad ng ating mandato. Mas paiigtingin pa natin ang ating serbisyo upang mapaunlad ang pamumuhay ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs),” aniya. 

Pinaalalahanan rin ni Castriciones na gawin nila ang lahat ng kanilang makakaya dahil ito aniya ang tunay na diwa ng tagumpay. Nagtatagumpay tayo sa buhay kapag tunay tayong nagbibigay serbisyo sa publiko at sa mga tao.

Ayon kay Support Services Office Undersecretary Emily Padilla, sila ay may pananagutan sa kanilang mga gawain at kailangan nilang unahin ang mga magsasaka upang makamit ang katarungang panlipunan.

“Masaya ako para sa ating mga kawani na karapat-dapat ma-promote ay nabigyan ng rekognisyon. Ang ilan sa kanila ay nagbigay serbisyo na ng napakaraming taon subalit ngayon lang sila nagkaroon ng oportunidad upang umangat. Salamat kay Brother John at Calabarzon Regional Director Rene Colocar dahil nakita nila ang potensiyal ng mga kawani,” sinabi ni Policy, Planning and Research Office Undersecretary Virginia Orogo.

Inilahad naman ni DAR Calabarzon Regional Director Rene Colocar na ang mga kawani ay napili matapos na sila ay makapasa sa pamantayan sa kwalipikasyon na itinakda ng batas.

“Siniguro namin na ang mga bagong hirang na mga kawani ay makatutulong sa DAR upang maipagkaloob ang hustisyang panlipunan para sa ating mga ARBs” aniya. 

Dumalo rin sa oath-taking ceremony sina Finance, Management, and Administrative Office Undersecretary Lucius Jun Jun Malsi, Special Concerns Office Undersecretary Carim Panumpang at iba pang opisyal ng ahensya.

###

Photo captions: 

Picture 1: The newly-promoted DAR personnel being introduced during the oath-taking ceremony.

Picture 2: DAR Secretary Brother John Castriciones giving his inspirational message during the event.

Picture 3: Another batch of newly-appointed DAR personnel.

DAR-Central Luzon mamamahagi ng lupang pag-aari ng pamahalaan base sa EO 75

San Fernando, Pampanga – Nakatakdang pulungin ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Brother John Castriciones ang kanyang mga opisyales sa Central Luzon sa Hunyo 11, 2021, para maisagawa ang mga istratehiya at mekanismo upang agarang maipamahagi ang lahat ng mga lupain na pag-aari ng pamahalaan sa rehiyon.

“Ang pamamahagi ng mga nakatiwangwang na government-owned lands (GOLs) ay prayoridad ng Kalihim ng DAR alinsunod sa inilabas ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na Executive Order No. 75, series of 2019,” ayon kay DAR Central Luzon Regional Director Atty. Maria Celestina Tam.

Ang EO 75 ay nag-aatas sa lahat ng mga ahensya ng pamahalaan na tukuyin ang mga lupain na pag-aari ng pamahalaan na maaaring ilaan o angkop para sa agrikultura upang maipamahagi sa mga natukoy na kwalipikadong benepisyaryo.

Isiniwalat ni Tam na sa lalawigan pa lamang ng Pampanga, ang DAR ay nakatuon na upang mapabilis ang pamamahagi ng halos 300 ektarya sa loob ng Pampanga State Agricultural University o PSAU. Ang iba pang mga lugar ayon kay Tam ay susunod din upang tukuyin ang mga GOLs na posibleng maipamahagi sa mga agrarian reform beneficiaries sa kani-kanilang mga lalawigan.

Ang pagbisita ng Kalihim sa siyudad ng San Fernando, Pampanga ay kasabay ng pagdiriwang ng ika-33 anibersaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) kung saan magkakaroon ng pangkalahatang pagpupulong ang mga opisyales at mga kawani sa DAR Region 3.

Sa araw na ito, si Castriciones, kasama ng kanyang mga opisyales, bukod sa pagtalakay ng mga isyu ng rehiyon ay magsasagawa ng mga kinakailangang hakbang upang maseguro ang mabilis at maayos na pamamahagi ng lahat ng lupang agrikultural sa Central Luzon, partikular na ang mga lupang pag-aari ng pamahalaan na angkop para sa pang-agrikultural na gamit.

# # #

73 appointments ng mga kawani ng DAR Calabarzon pinirmahan ni Castriciones

Pitumput-tatlong (73) mga kawani ng Department of Agrarian Reform sa rehiyon ng CALABARZON ang haharap ngayon sa panibagong yugto ng kanilang buhay matapos lagdaan ni DAR Secretary Brother John Castriciones ang katibayan ng pagtatalaga bilang mga bagong kawani sa kanilang mga bagong tungkulin at posisyon na iginawad ng Kalihim sa Lucena City.

Ayon kay Brother John, iikutin niya ang buong bansa upang  masuri at mapangasiwaan ang pagtatalaga sa lahat ng mga aplikante at mga kawani sa mga bago nilang posisyon at responsibilidad.

“Kung ang mga tao ay  mabibigyan ng pagkakataon na mailuklok sa mas mataas at permanenteng posisyon, lilikha ito ng mga bakanteng posisyon at ang mga tao sa ibaba ay magkakaroon din ng pagkakataon na umangat at mag-apply sa mas mataas na posisyon,” aniya.

Tiniyak ni Castriciones na hindi siya aalis sa ahensya hanggat hindi niya nalalagdaan ang promosyon ng mga taong karapat dapat.

“Gawin ninyo ang buo ninyong makakaya upang maihatid natin ang mandato ng DAR na magkaloob ng lupa, suportang serbisyo at panlipunang hustisya para sa mga agrarian reform beneficiaries,” aniya.

Sinabi ni DAR-Calabarzon regional director Rene E. Colocar,  na mapalad ang mga kawani dahil napili silang maging bahagi ng DAR matapos na makapasa sa mga kwalipikasyong itinakda ng batas.

“Matapos ang pagsusuri, pagtatasa  at pagtatalaga, kaakibat sa bagong katungkulan ay ang responsibilidad na dapat gampanan ng mga napiling mga kawani upang makamit ang hustisyang panlipunan na minimithi ng pamahalaan,” ani Colocar.

Sa Martes, Hunyo 8, 2021, ang 73 na mga bagong hinirang na mga kawani ng DAR Calabarzon ay manunumpa sa harap mismo ng Kalihim ng DAR sa Lucena City.

Naroon din upang saksihan ang paglagda ng mga appointments si DAR Director for Administrative Service Cupido Gerry D. Asuncion at mga kawani ng Personnel Division.

###

Photo Caption:

DAR Secretary John R. Castriciones signs the appointment of 73 DAR CALABARZON Personnel