
DAR Secretary Brother John Castriciones and the ARBs during the distribution ceremony

“Mayroon pang natitirang 9,000 ektaryang government-owned lands (GOLs) para ipamahagi sa mga agrarian reform beneficaries (ARBs) ng Busuanga at ginagawa namin ang lahat ng aming makakaya upang maipamigay ang mga ito sa mga magsasakang walang lupain ngayong taon,” ani Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Brother John Castriciones nang mamahagi sila ng may 80 ektaryang lupain sa 102 ARBs na ginanap sa Busuanga gymnasium, Enero 22, 2021.
Ayon kay Brother John, ito ay unang bahagi lamang ng pamamahagi ng GOLs sa munisipalidad.
Ipinaliwanag ni Secretary Castriciones na dahil sa pinirmahang batas ni President Rodrigo Duterte na Executive Order (EO) No. 75, Serye ng 2019, noong Pebrero 1, 2019, napabilis ng DAR ang pagproseso ng mga lupain sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
“Ang DAR bilang pangunahing ahensiya na magbibigay probisyon sa direksyon at koordinasyon sa pagpapatupad ng EO No. 75 ay nakapagpabilis upang maipamigay ang mga lupain,” ani Brother John.
Aniya, kahit sa gitna ng pandemiya, nagtatrabaho sila at binibisita ang iba’t ibang lugar sa kanayunan upang siguruhin na ang pagpapatupad sa CARP ay nasa tamang direksyon.
Sinabi naman ni Support Services Office Undersecretary Emily Padilla na dinodoble ng DAR ang kanilang pagpupursige upang matapos ang mga nabinbing pamamahagi ng lupa ng mga nagdaang administrasyon bago matapos ang termino ng pangulo.
“Inatasan kami ni Pangulong Duterte na ipagkaloob na sa mga magsasaka ang hindi pa naipamamahaging lupa bago magtapos ang kanyang administrasyon. Matagal nang panahon na ipinaglalaban ng mga magsasaka ang karapatan nila sa lupa at naiintindihan ito ng pangulo kung kaya’t ibinigay niya sa amin ang nasabing kautusan,” ani Padilla.
Naghatid naman ng pasasalamat si Busuanga Mayor Elizabeth Cervantes sa Pangulo dahil sa paglagda nito sa EO No. 75.
“Makasaysayan ang araw na ito sa mga magsasaka. Sila ang isa sa mga kauna-unahang benepisyaryo ng executive order sa aming lugar,” aniya.
Nagpapasalamat din sa pamahalaan si Benigno Portes Jr., isa sa mga naging benepisyaryo sa ipinamahaging GOL mula sa Barangay San Rafael, dahil sa tinanggap nitong lupa at naniniwala aniya siyang magbabago ang kanilang pamumuhay dahil dito.
###




Picture 1: Secretary Brother John Castriciones hands over the land title to an agrarian reform beneficiary.
Picture 2: ARBs show their CLOAs they received from DAR.
Picture 3: Palawan Congressman Franz Alvarez sends his message to the farmers

Castriciones namahagi ng lupa sa Coron sa pamamagitan ng Serbisyong DAR-to-Door
Coron, Palawan – Namahagi si Agrarian Reform Secretary Brother John Castriciones dito ng kabuuang 9.7 ektaryang lupa sa walong (8) agrarian reform beneficiaries (ARBs) ng Barangay Guadalupe sa pamamagitan ng personal na pamamahagi sa ilalim ng programang Serbisyong DAR-to-Door ng Department of Agrarian Reform ((DAR).
Ang Serbisyong DAR-to-Door ay programa ng ahensiya kung saan personal na inihahatid ni Brother John ang certificates of land ownership award (CLOAs) sa mismong bukirin o pamamahay ng mga magsasakang tatanggap ng lupa.
Ayon kay Brother John ginagawa niya ang serbisyong ito upang ilapit ang pamahalaan sa pamamahay ng magsasaka upang maramdaman nila na ang administrasyon ay nasa kanilang panig.
“Binibisita namin ang mga malalayong komunidad upang magbigay pag-asa sa mga magsasaka. Upang ipakita sa kanila na kung maihahatid namin ng personal ang mga titulong matagal na nilang minimithi, marami tayong magagawa upang gawing mas produktibo ang mga lupaing ito,” ani Brother John.
Ang Kalihim ay sinamahan ng iba pang matataas na opsiyal ng DAR mula sa central, regional at provincial office upang ipakita ang kanilang buong suporta sa programa.
Pinayuhan ni Support Services Office Undersecretary Emily Padilla ang mga mga bagong may-ari ng lupa na sumapi sila sa mga organisasyon o kooperatiba ng mga magsasaka upang agaran nilang matanggap ang iba’t ibang suporta mula sa pamahalaan.
“Ang mga suporta mula sa pamahalaan ay tulad ng pagkakaroon ng daan sa mga pasilidad sa pautang, mga gamit pang-sakahan at makinarya, pagsasanay at seminar, at iba pa; at mabilis ninyo itong mapapakinabangan kung kayo ay sasapi sa mga organisasyon,” ani Padilla.
Sinabi rin ni Palawan Congressman Franz Alvarez na ang kanyang opisina ay bukas para sa mga ARBs kung sakaling kailanganin nila ang tulong ng lokal na pamahalaan.
“Ang pakiusap ko lang sa inyo ay palaguin ng husto ang lupa at huwag kayong matutuksong ibenta ang mga ito,” aniya.
Ang mga magsasakang tumanggap ng lupa sa ilalim ng programa ay sina Liverinda Zabalo,Luis Zabalo, Leonardo Zabalo, Bienvenido Zabalo, Damian Apolinario,Edwin Alarcon, Romualdo Bautista and Engracita Wab.
Nagpasalamat sa DAR ang luhaang si Engracita Wab dahil sa biyayang tinanggap, dahil aniya, ilang taon na niyang tinatamnan ang lupa ng walang kasiguraduhan kung mapapasakanya ito.
“Mula ngayon ay hindi na ako matatakot na mawala sa akin ang lupaing ito. Maraming salamat sa DAR sa ginawa nilang ito sa amin,” pagtatapos ni Wab.
###



DAR nagkaloob ng suportang pangkabuhayan sa mga magsasaka ng Sultan Kudarat
Nagkaloob ng tulong pangkabuhayan ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga magsasaka sa Sultan Kudarat upang makatulong na maibsan ang kahirapan na epekto ng pandemya sa mga pamilyang magsasaka.
Limang agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa munisipalidad ng President Quirino sa lalawigan ng Sultan Kudarat ang tumanggap ng tig-iisang kalabaw mula sa DAR sa ilalim ng programang Payapa at Masaganang Pamayanan sa Agrarian Reform Areas (PAMANA-ARA) .
Nilalayon ng programa na magbigay ng mga proyektong magtataguyod ng kapayapaan at pangkabuhayan sa mga magsasaka na malayo sa kabihasnan at sa mga lugar na may hidwaan na sakop ng agrarian reform communities upang mapahusay ang pagiging produktibo ng mga magsasaka, pati na rin ang kanilang mga kita.
Ayon kay Municipal Agrarian Reform Provincial Officer Abdul C. Saligan, Jr., ang mga tumanaggap ay mga miyembro ng Pedtubo Farmers ’Association mula sa Pres. Quirino. Aniya ang mga magsasaka ay pawang mga ikalawang linya na ng mga benipisyaryo ng proyektong pagbibigay ng baka at ito ay mga anak na ng mga baka na ibinigay sa 15 mga benepisyaryo noong 2017.
Idinagdag pa niya na bukod sa mga kalabaw, ang mga benepisyaryo ay pinagkalooban din ng oryentasyon sa pag-aalaga ng baka at pagpaparehistro ng mga ito sa insurance kung sakaling masaktan ang mga ito dahil sa iba`t ibang hindi sinasadyang dahilan habang nasa kanilnang pangangalaga.
Si Arnulfo P. Remorin, isa sa mga tumanggap, ay lubos na nagpasalamat sa DAR para sa mga biyayang natanggap ng kanilang asosasyon.
“Ang kaganapang ito ay isang magandang simula sa taong 2021 para sa aming samahan at tiyak na magdudulot ng mabuting pagpapala para sa amin, sa aming pamilya at sa aming pamayanan,” sabi ni Remorin.
Ang programang PAMANA ay isang pagtitipon ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan na layong
mapalawak ng mga interbensyon sa pag-unlad sa mga malalayo at mahihirap na mga komunidad na apektado ng hidwaan, upang matiyak na hindi sila naiiwan sa kaunlaran.
###



