DAR inilunsad ang rice block farming sa Bohol

Inilunsad kamakailan ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang rice block farming sa Calatrava, Carmen sa lalawigan ng Bohol upang mapalakas ang produksiyon ng palay sa naturang lugar sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng kanilang mga lupain at mabigyan sila ng pagkakataon na pamahalaan ang kanilang mga lupain ng sama-sama upang makapag-ani ng mas malaki.

Sinabi ni Provincial Agrarian Reform Program Officer II Officer-in-Charge Eddie Manginsay na 50 agrarian reform beneficiaries (ARBs) na miyembro ng Calatrava Farmers Association ang mabibiyayaan ng programa. Ayon sa kanya, mula sa 50 ARBs, 10 sa kanila ang magiging mga demo cooperators na magsasaka sa anim na ektaryang lupain.

Sinabi niya na ang inisyatiba ay bahagi ng proyektong major crop-based block farm productivity enhancement sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support  (CRFPS) ng DAR.

“Isinaalang-alang ng proyekto ang reyalidad na ang mga indibidwal na ARBs ay nagmamay-ari lamang ng maliliit na piraso ng lupain, dahil sa block farming, pinahihintulutan ang pagsama-sama ng kanilang mga lupain upang mapataas ang kanilang ani at palakasin ang produksyon ng bigas ng kooperatiba,” ani Manginsay.

Sinabi niya na ang CRFPS ay nakatuon sa layunin na patatagin ang mga agrarian reform communities sa buong bansa upang mapahusay at mapanatili ang produksiyon sa agrikultura ng mga organisasyon ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagtaas ng kanilang ani at kita upang maiangat ang buhay ng mga kasapi nito.

Nakatuon din ng DAR na palawakin ang programang block farming sa iba pang mga pananim tulad ng mais at tubo.

# # #

Mga magsasaka sa Isabela at Cagayan tatanggap ng lupa, tulay at suportang serbisyo mula sa DAR

CAGAYAN VALLEY – Nakatakdang ipamahagi ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary na si Brother John Castriciones ang mga titulo ng lupa, imprastraktura, at mga suportang serbisyo sa mga agrarian reform beneficiaries (ARB) ng Isabela at Cagayan sa Hunyo 19 hanggang 20, 2021.

Ang unang pupuntahan ni Brother John ay sa Naguilan, Isabela kung saan ipapamahagi niya ang may kabuuang 840.69 ektarya ng mga lupain na binubuo ng 670 certificates of landownership award (CLOAs) sa 575 ARBs, na sakop sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Ibibigay din ni Brother John ang mga titulo ng lupa sa mga tahanan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng Serbisyong DAR-to-Door ng ahensya.

“Personal kong ihahatid ang mga titulong ito ng lupa dahil nais kong ipadama sa kanila ang aming pangangalaga at pagkalinga. Narito ang gobyerno upang magbigay ng suportang kailangan nila upang mapalago nila ang kanilang pamumuhay sa panahon ng pandemya, ” sinabi ni Brother John.

Sa kanyang apat na araw na pagbisita, si Brother John, kasama ang kanyang mga opisyal ay magkakaloob ng tatlong tulay sa ilalim ng proyektong Tulay ng Pangulo at isang solar-powered irrigation system.

Sinabi ni Brother John na dalawang tulay ang itinayo sa Delfin Albano at Jones, at ang isa pa ay nasa Iguig, Cagayan. Ang proyektong patubig naman ay itinayo at papasinayaan sa Naguilan, Isabela.

Magbibigay rin ng mga makinang pang-saka sa mga kooperatiba kabilang ang mga sumusunod: isang solar-powered irrigation system, 43 motorsiklo at dalawang trak na panghakot.

Pangungunahan din niya ang groundbreaking ceremony at paglulunsad ng programang Balai ARB Housing sa Naguilan, Isabela at Tuguegarao City. Ang BALAI ay ang kauna-unahang programang pabahay ng bansa na partikular na gagawin para sa mga ARBs.

Bukod sa mga aktibidad na ito, makikipagpulong si Brother John sa mga kooperatiba at mga samahan ng magsasaka para sa isang “kumustahan,” upang malaman kung ano ang mga kinakaharap ng mga magsasakang-miyembro at kung paano sila matutulungan, sa panahon ngayon ng kahirapan.

“Ang aming mandato ay hindi titigil sa pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, nagpapatuloy kami sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kanilang pangangailangan upang sila at ang kanilang lupa ay maging produktibo,” sabi ni Brother John.

###

Castriciones pinalakas ang internal control system ng DAR

Bilang pagkilala sa kahalagahan ng pagtatatag at pagpapanatili ng epektibong istraktura ng internal control sa Department of Agrarian Reform, pinirmahan kamakailan ni DAR  Secretary Brother John R. Castriciones ang Memorandum Circular No. 5, serye ng 2021, na nagbuo ng isang Policy Statement upang palakasin ang internal control system ng ahensya.

Sinabi ni DAR Internal Audit Director Alexander Alimmudin J. Ali  na ang bagong lagda na Internal Control Policy Statement ng DAR ay nagpapahayag ng mga patakaran ng DAR top management tungkol sa internal control. Ang nasabing patakaran ay nagtatakda ng pangako nitong patuloy na pagbubutihin ang internal control systems ng DAR, kung saan isinasa-alang-alang ang bawat responsibilidad at pananagutan ng mga opisyales at mga kawani.

“Ang Internal Control Standards para sa pang-publikong sektor sa Pilipinas ay nagsasaad na ang pinuno ng ahensya ay ang direktang responsable para sa lahat ng mga aktibidad ng ahensya kasama ang pagdidisenyo, pagpapatupad, pagpapanatili, at pagbubuo ng isang sistema ng pagsusuri ng internal control system pati na rin ang pagpapatupad ng pagwawasto nito,” ani Ali.

Sinabi ni Ali na ang DAR internal policy statement ay mahalaga bilang pagsunod sa kautusan ng Malakanyang sa ilalim ng Administrative Order No. 119, serye ng 1989, kung saan inatasan nito ang bawat opisina, ahensya, korporasyon at lokal na pamahalaan na palakasin ang kanilang internal control system at mga proseso upang maging maayos ang sistema at pamamaraan ng pangkalahatang kontrol ng pamahalaan sa kapaligiran.

“Sa pakikipagtulungan sa Department of Budget and Management, ang policy statement na ito ang magiging angkla kung saan ibabatay ang mga kasunod pang aktibidad ng DAR alinsunod sa pagpapalakas ng internal control system ng Kagawaran,” pagdidiin ni Ali.

###