Katayuan ng lupain ng Yulo sa Masbate inaalam ng DAR

LEGAZPI CITY– Kasalukuyang nagsasagawa ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng land validation sa bayan ng Milagros sa Masbate, sa plano nitong maipamahagi ang natitira pang 303 ektaryang lupain ng Yulo Estate sa mga magsasakang wala pang sariling lupa.

“Ang resulta mula sa validation na ito ang magsasabi kung maaaring mailagay ng DAR ang buong lupain sa ilalim ng agrarian reform program. Kapag ito ay nasa ilalim na ng programa, saka lamang namin maaaring i-proseso ang pamamahagi ng lupa sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs),” sabi ni DAR Bicol Regional Director Rodrigo O. Realubit.

Ang land validation ay naganap matapos ang isang pagpupulong ni Realubit kay Philippine National Police (PNP) Brigadier General Bart R. Bustamante. Tinalakay ni Realubit ang pangangailangang palawakin ang programa sa pamamahagi ng lupa sa lalawigan ng Masbate, partikular na ang natitirang 303 ektaryang lupain ng Yulo Estate sa bayan ng Milagros, na maaaring maipamahagi sa mga ARBs sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Sa pagpupulong, nangako ang PNP na tutulungan ang DAR sa proseso ng land validation hanggang sa posibleng pamamahagi ng natitira pang lupain na maaaring mapasailalim sa CARP sa mga magsasaka.

“Nagpapasalamat kami sa tulong ng PNP. Talagang kailangan namin ang kanilang tulong sa pagpapanatili ng kapayapaan sa aming pakikipag-usap sa mga magsasaka at mga may-ari ng lupa,” sabi ni Realubit.

Ang Yulo Estate, na may kabuuang 1,372 ektarya, ay nahahati sa dalawang bahagi, ang isa ay nasa Bgy. Matagbac na may 1,019 ektarya, at ang isa naman ay nasa Bgy. Sawmill na may 261 ektarya. Batay sa tala ng DAR, 1,069 ektarya na ang naipamahagi sa mga benepisyaryo ng CARP noong 1998 at 2002.

Sinabi ni DAR Provincial Agrarian Reform Program Officer Herald R. Tambal na minarkahan na ng kanyang tanggapan ang natitirang 303 ektarya bilang potensyal na lugar ‘para sa kasunod na pamamahagi’ habang gumagawa ng mga hakbang upang malutas ang ilang mga kritikal na isyu na nakakaapekto sa lupa.

Sinabi din ni Tambal na ang DAR ay nasa proseso pa rin ng land validation o pagsusuri kung mailalagay ng ahensya ang buong Masbate, hindi lamang ang Yulo estate, sa ilalim ng agrarian reform program.

###


DAR-Nueva Vizcaya inaasahan ang pag-unlad ng agrikultura dahil sa P7.2-M proyektong irigasyon

ARITAO, Nueva Vizcaya — Inaasahan ang pag-unlad ng produksyon ng mga magsasaka dito sa lalawigan matapos na ilipat ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang pamamahala ng isang Communal Irrigation System (CIS) na nagkakahalaga ng P7.2 milyon sa lokal na pamahalaan at sa benepisyaryong asosasyon.

Sinabi ni Provincial Agrarian Reform Program Officer Dindi Tan na ang CIS, na matatagpuan sa Barangay Calitlitan ay itinayo upang magpatubig sa 80 ektaryang mga bukirin.

“Tiyak na babaguhin nito ang pamumuhay ng mga magsasaka at mapapabuti rin ang ekonomiya sa pamamagitan ng mas mataas na produksyon ng bigas at gulay. Magsisikap kami sa DAR na mapabuti ang buhay ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs),” sabi ni Tan.

Sinabi ni Tan na ang irigasyon, na may sukat na 8 kilometro at may 6 na mga lateral, ay dumadaan sa dalawang (2) barangay at higit sa 100 mga kabahayang magsasaka sa lugar ang makikinabang, kung saan higit sa 80 ang mga ARBs ang nakatira roon.

“Ang proyektong patubig na ito ay tutugon din sa problema ng mga magsasaka sa panahon ng matinding pagkatuyo tuwing tag-araw, lalo na kung mayroong El Niño kung saan hindi umuulan sa mga sakahan na tumatagal ng ilang buwan,” dagdag niya.

Ang CIS ay pinopondohan at sinusubaybayan ng DAR sa ilalim ng regular na pondo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), kasama ang National Irrigation Administration (NIA) bilang pangunahing tagapagpatupad.

Dumalo sa naturang seremonyas ng paglilipat ang mga kinatawan ng DAR-Nueva Vizcaya, mga miyembro ng tumanggap ng organisasyon na South Bone-Calitlitan Irrigators Association at mga lokal na opisyal mula sa Aritao, Nueva Vizcaya.

###

Maayos na ugnayan sa mga LGUs isinulong ng DAR-Ilocos Region

ISANG malaking hakbang ang isinagawa ni Primo Lara, director ng Department of Agrarian Reform-Ilocos Region (Region 1) upang maging maayos ang pagpapatupad ng iba’t-ibang mga pangunahing programa ng ahensya nang makipag-ugnayan siya kay Pangasinan Gov. Amado Espino III nitong Pebrero sa Capitol Resort Hotel sa munisipyo ng Lingayen.

Sinabi ni Lara na napakahalaga ng maayos na ugnayan sa pagitan ng DAR at ng mga pamahalaang lokal dahil sa malaki ang kanilang ginagampanang papel sa patuloy na pagsasakatuparan ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Binigyang diin ni Lara ang pangangailangan na isama ang mga pamahalaang lokal sa mga programa ng DAR, partikular sa Balai Farmers Housing Program, dahil nakasalalay at lubos na umaasa ang DAR sa lupang ibabahagi ng lokal na pamahalaan kung saan ang mga pabahay para sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) ay itatayo.

Katuwang ng DAR sa pagtatayo ng mga bahay para sa mga magsasaka ang Department of Human Settlement and Urban Development at isang pribadong real estate developer, ang Bellavita Land Corporation.

Kamakailan ay inilunsad ng DAR ang nasabing proyekto sa Umingan, Pangasinan na nagsisilbing pilot area para sa mahigit 500 bahay para sa mga ARBs.

Ipinaalam din ni Lara kay Gov. Espino ang iba pang programa ng DAR tulad ng Convergence on Livelihood Assistance for Agrarian Reform Beneficiaries Project (CLAAP), Climate-Resilient Farm Productivity Support (CRFPS) at ang Support for Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT).

Ang CLAAP, ayon kay Lara, ay tumutukoy sa iba’t-ibang uri ng on- and off-farm livelihood assistance, isa na rito ang animal husbandry tulad ng pag-aalaga ng kambing, baboy at manok bilang karagdagang kita para sa mga magsasaka.

Ang CRFPS naman ay may kinalaman sa pagpapatayo ng iba’t-ibang imprastraktura at pamamahagi ng mga makinaryang pang-bukid sa mga agrarian reform beneficiaries’ organization upang matulungan silang makaiwas sa epekto ng pabago-bagong klima.

Sa kabilang dako, ang matinding saloobin ng mga magsasaka na magkaroon ng sari-sariling titulo ang nagbunsod para itulak ang paghahati sa collective Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) sa pamamagitan ng SPLIT program.

# # #