
SUMILAY na ang bukang liwayway para sa nalalapit na pagbabago ng buhay ng mga maliliit na magsasaka makaraang magpahayag ng suporta at pakikiisa ang mga lokal na pamahalaan upang magbalik ng utang na loob sa pamamagitan ng disenteng pabahay na dating kinakaligtaan noon – sa pamamagitan ng BALAI (Building Adequate, Livable, Affordable and Inclusive) ARB/Farmers Housing Program.
Labing-isang mga alkalde ng iba’t-ibang lokal na pamahalaan ang nagpahayag ng kanilang suporta nang lumagda sila sa isang memorandum of understanding na isinusulong ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary John R. Castriciones, sa pakikipagtulungan kay Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) Secretary Eduardo D. del Rosario, na ginanap sa Agricutural Training Institute, Quezon City.
Sinabi ni Bro. John, nakasanayang tawag kay Castriciones, na naniniwala siya na ang pamamahagi ng abot-kayang pabahay para sa mga magsasakang benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ang dagdag na handog para maiwasang maisangla o maibenta ang mga lupang pansakahan na una nang naibahagi sa kanila.
“Sa aking pag-iikot sa buong bansa bilang bahagi ng aking mandato na ipamahagi ang mga lupang pansakahan, nasaksihan ko ang kawalan ng karamihan sa ating mga magsasaka ng maayos at disenteng bahay. Kaya naman itong programang pabahay ang unang sumagi sa aking isipan para itaas ang antas ng kanilang kabuhayan at mapanatili nila sa kanilang pag-aari ang kanilang mga lupang pansakahan,” ani Bro. John.
Pinangunahan ni Camarines Sur Gov. Miguel Luis Villafuerte ang sampung (10) iba pang mga alkaldeng dumalo sa pagtitipon sa kanilang pagpapahayag ng suporta para sa programang pabahay sa mga magsasaka. Ang sampung iba pa ay sina Gwen Yamamoto ng Bani at Arth Bryan Celeste ng Alaminos, kapwa sa lalawigan ng Pangasinan; Germelina Goulart ng Caoyan at Joseph Simon Valdez ng Santa Lucia, kapwa ng Ilocos Sur; Carlos Cabangal ng Banate at Rey Grabato ng Mina, kapwa ng Iloilo; Nelson Legaspi ng Canaman, Camarines Sur; Marita Llamas ng Mauban, Quezon; Ralph Lantion ng Bayombong, Nueva Vizcaya; at Jonathan Mahimpit ng Roxas, North Cotabato.
Ang nagniningning na programa ngayon ng DAR at DHSUD ay inilunsad noong Disyembre ng nakalipas na taon at ito ay inumpisahan na sa Umingan, Pangasinan.
Sa kanyang panig, sinabi ni DHSUD Secretary Del Rosario na nakikinita niya ang kahalagahan ng programang pabahay kaya naman hindi na aniya siya nagdalawang-isip at “agad na ibinigay ang kanyang pagpayag” noong isangguni ito sa kanya ni Bro.John nitong nakaraang taon.
Ayon naman kay DAR Undersecretary for Support Services Office Emily Padilla, napapanahon na para “ipakita sa ating mga magsasaka ang ating pagmamahal at suporta sa kanila dahil sa napakalaking tulong na naiambag nila para mapanatiling nagkakaisa ang bansa lalo na sa panahong ito ng pandemyang dulot ng Novel Coronavirus 19.”
Dugtong ni DAR Undersecretary for Policy, Planning, and Research Office Virginia Orogo: “Umaasa ako na simula pa lamang ito ng sama-samang pagkilos sa pagtataguyod ng karapatan ng mga mahihirap nating mga kapatid sa kanayunan para makapamuhay ng matiwasay sa pamamagitan ng pamamahagi ng abot-kayang pabahay para iangat ang dignidad bilang tao.”
Ayon sa mga pag-aaral, 70 porsiyento ng mga pinakamahihirap sa kanayunan ay kinabibilangan ng mga magsasaka.
Sang-ayon naman si Bani, Pangasinan Mayor Yamamoto na karapat-dapat na tulungan ang mga magsasaka dahil sa pagganap nila ng napakahalagang tungkulin – ang masegurong may pagkain sa hapag-kainan ang tahanan ng bawat Pilipino – lalo na sa panahon ng pandemya.
“Ang ating mga magsasaka, ang mga agrarian reform beneficiaries, ang siyang tumulong sa atin sa panahong wala ng mabiling pagkain sa mga palengke. Sila ang nag-ambag ng pagkain mula sa kanilang pagsasaka,” paggunita ni Yamamoto.
-30-

Mga magsasaka ng Pangasinan magkakaroon ng dagdag na kita dahil sa urban vegetable garden
URDANETA CITY, Pangasinan — Puspusan na ang paghahanda ng Department of Agrarian Reform sa nalalapit na pagbubukas ng isang urban vegetable garden na magbibigay ng dagdag na kita para sa mga agrarian reform beneficiary (ARB) at iba pang magsasakang kabilang sa mahihirap na sektor sa lalawigan.
Sinabi ni DAR-Ilocos Region Assistant Regional Director Maria Anna Francisco na sa ilalim ng proyektong “Buhay sa Gulay,” nakatagpo ang kagawaran ng isang private donor na nagmagandang loob na nagbigay ng lupa sa central business district ng Urdaneta na magsisilbing taniman ng mga gulay na aanihin, ibebenta, at muling pararamihin ng mga benepisyaryo. Layon ng proyekto na bigyan ng karagdagang pagkakakitaan ang mga mahihirap sa lungsod at makatulong na din sa seguridad sa pagkain ng mga highly urbanized area.
“Ang proyektong ito po ay naisip ng aming Secretary, si Bro. John Castriciones bilang isang social responsibility ng DAR para sa sapat na suplay ng gulay sa mga urban dwellers ngayong may pandemya,” sabi ni Francisco.
Sa ibinigay na lote ni Clemente Arboleda, Sr. itatayo ang pinakaunang site ng Buhay sa Gulay sa Pangasinan. Pinag-usapan sa isinagawang buy-in session ng DAR kasama ang Department of Agriculture-Provincial Research and Experiment Center (DA-PREC) at Urdaneta City LGU kung paano isasakatuparan ang naturang programa sa lalawigan.
Mga “cash crop” o mga gulay na mabilis lumaki tulad ng kangkong at pechay ang balak na itanim sa urban vegetable garden. Dahil sentro sa “Buhay sa Gulay” ang mga ganitong uri ng pananim, ay isinama ito sa isa pang proyekto ng kagawaran na Farm Business School (FBS), kung saan tinuturuan naman ang mga magsasaka at ARB kung paano lalong pataasin ang kita sa bukid sa pamamagitan ng group marketing at tamang pangangasiwa nito.
Nakilahok din sa buy-in session ang lokal na pamahalaan ng mga kasalukuyang site ng FBS sa Pangasinan na nakatakda rin na magkaroon ng kani-kanilang urban vegetable garden para sa Buhay sa Gulay: ang Alcala, at Bautista.
Nangako ang LGU ng Urdaneta City na sila ay magbibigay ng mga binhi para sa mga itatanim na gulay, samantalang sagot naman ng DA-PREC ang mga pagsasanay at iba pang teknikal na pangangailangan ng mga magiging benepisyaryo. Pangangasiwaan naman ng DAR ang kabuuang proyekto ng Buhay sa Gulay.
Matatandaan na sa Tondo, Manila ang kauna-unahang proyekto ng “Buhay sa Gulay” sa buong bansa, na kung saan nakapag-ani at nakapagbenta ang mga benepisyaryo rito ng mahigit 600 na kilo ng gulay na nagkakahalagang P19,000.00 sa loob lamang ng dalawang oras.
###

Mga magsasaka sa Surigao del Sur tumanggap ng mga kagamitang pangsaka mula sa DAR
Upang matulungan ang mga magsasaka na makayanan ang epekto ng pagbabago ng klima, ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa Surigao del Sur ay nagbigay sa mga magsasakang-miyembro ng San Roque United Crop and Livestock Farmers Association sa Bislig City ng isang hand tractor at mga agri-inputs.
Sinabi ni DAR Provincial Agrarian Reform Program Officer II Leoncio C. Bautista, Jr. na ang hand tractor ay malaking tulong sa mga magsasaka, “dahil ito ay makina, mapapagaan nito at mapapabilis ang kanilang preparasyon sa lupa para sa pagtatanim”
Ang hand tractor at mga agri-input ay ibinigay sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Project (CRFPSP) ng DAR.
“Ang CRFPS ay isa sa mga suportang programa ng DAR sa pagtugon sa kakulangan sa pagkain na sanhi ng pagbabago ng klima. Sa ilalim ng proyektong ito, ang Kagawaran ay tumutugon sa mga pangangailangan ng mga magsasaka lalo na sa kahirapan sa panahong ito ng pandemya,” sabi ni Bautista.
Ang San Roque United Crop and Livestock Farmers Association ay isang grupo ng mga magsasaka at mga agrarian reform beneficiaries na nagtatanim ng palay at mga gulay.
“Sa kabila ng pandemya at ng di magandang klima, nanatiling nakatuon ang DAR na mapabuti ang kita ng mga samahan ng mga magsasaka sa lalawigan,” ani DAR Provincial Agrarian Reform Program Officer I Victor L. Canda.
Ayon naman kay Chief Agrarian Reform Program Officer Restituto Marilla, nagkaloob din ang DAR suportang pangbukid sa samahan na nagkakahalaga ng P183,000.
“Apatnapu’t-anim na magsasaka ang makikinabang sa pondong ito na gagamitin nila bilang gastusin sa pagsasaka,” sabi ni Marilla.
Nagbigay din ang DAR sa samahan ng mga sako ng mga pataba, pestisidyo, at mga punla.
Sinabi ni Juanito Borja, Tagapangulo ng San Roque United Crop and Livestock Farmers Association na ang probisyon mula sa DAR ay isang panalangin lamang na ngayon ay nasagot na ng Panginoon.
“Kami ay nagpapasalamat sa DAR sa pagbibigay ng makinarya at mga agri-inputs na ito, malaking tulong ito upang madagdagan ang kita sa aming samahan,” sabi ni Borja.
Ang CRFPS ay isang pangunahing programa ng DAR na nakatuon sa pagpapalawak ng tulong sa mga lugar na madaling kapitan ng kalamidad sa loob ng agrarian reform communities (ARC).