
Ang New Government Procurement Act (NGPA), na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong 2024, ay naglalayong labanan ang mga katiwalian sa pamamagitan ng pag-obliga sa pagsisiwalat ng impormasyon ukol sa beneficial ownership sa proseso ng procurement.
Ipinaliwanag ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary at Government Procurement Policy Board (GPPB) Chairperson Amenah “Mina” F. Pangandaman na sa ilalim ng bagong batas na ito, kailangan isumite ng mga bidder, supplier, manufacturer, distributor, contractor, at consultant ang kanilang beneficial ownership information sa isang online registry na bukas sa publiko. Sa public procurement, ang pagtukoy sa mga beneficial owner ay nakatutulong maiwasan ang mga conflict of interest at monopolya.
“With beneficial ownership, makikita natin, even ng taumbayan, ‘yung background ng isang merchant, ng isang company, ng isang bidder, kung ano ba talaga ‘yung ginagawa ng company na ‘yun. There will be a portal that we will create and it is open to the public, for everyone, to use,” ibinahagi ni Sec. Mina sa isang press conference sa sideline ng East Asia and the Pacific International Public Procurement Conference noong Lunes, ika-28 ng Abril 2025.
“Ang malaking bagay na maitutulong po, ang maiiwasan natin ay ‘yung monopolistic [practices]. Maiiwasan po, kumbaga, magkakaroon po ng fairness. ‘Yan po ‘yung bottomline po dito. Magkakaroon po ng equal opportunity – kahit maliit man o malaking korporasyon para sa public procurement na makasali po sila,” ani GPPB-Technical Support Office (GPPB-TSO) Officer-in-Charge Atty. Maria Dionesia Rivera-Guillermo, na nagpaliwanag sa mga pakinabang ng NGPA.
Sa ilalim ng NGPA, ang beneficial owners ay tumutukoy sa totoong tao na: 1) May tunay na nagmamay-ari ng korporasyon; 2) may malaking impluwensya sa pamamalakad o mga polisiya ng korporasyon; o 3) may ganap o lubos na kontrol sa korporasyon.
“Ano po ba ang mangyayari kapag nakita or nalaman kung sino ‘yung beneficial owner participating in the bidding? Meron po tayong conflict of interest permission. Kapag po ang bidder na sumali ay may relasyon within the fourth civil degree of consanguinity doon po sa head of the procuring entities, sa members po ng bank, sa members po ng technical working group, sa consultants po ng procuring agency at doon sa lahat po ng involved sa procurement, disqualified po ‘yun,” paliwanag ni Procurement Service-DBM (PS-DBM) Executive Director Atty. Genmaries Entredicho-Caong.
