Bulacan, inihanda ang mga sapa at ilog

 

Hinukay para malulan ang tubig baha                                                              Bulacan, inihanda ang mga sapa at ilog

LUNGSOD NG MALOLOS- Nagkakaisang pinangunahan nina Gobernador Daniel R. Fernando at Punong Lungsod ng Malolos Gilbert Gatchalian ang Bulacan River System-Clean Up Project kaninang umaga sa Apulid Creek sa Brgy. Longos dito bilang suporta sa Manila Bay Rehabilitation Program upang matiyak na kayang malulan ng mga sapa at ilog ang tubig baha.

Para sa unang bahagi ng proyekto, sinimulan ng Provincial Engineer’s Office ang paghuhukay ng 4.6 kilometrong Apulid Creek na isa sa mga sapa na dumadaloy direkta patungo sa ilog ng Sto. Niño na isa sa pangunahing ilog sa lalawigan na konektado sa Manila Bay.

“Layunin nating ihanda ang ating mga ilog sa mga pagbabago sa ating kalikasan lalo na sa panahon ng kalamidad. Kailangan nating siguraduhin na ang tubig na bumabagsak sa ating mga ilog at sapa ay makadadaloy ng mabilis papunta sa ating Manila Bay upang hindi ito magdulot ng pagbaha dahil batid natin ang perwisyong dulot nito, peligro sa buhay at sagabal sa patuloy na pag-unlad dahil ang mga nagnenegosyo, umiiwas sa mga bayan na binabaha,” ani Fernando.

Ipinahayag din niya na hindi lamang sa paghuhukay at paglilinis natatapos ang pagpoprotekta sa kapaligiran kundi kasama rin dito ang disiplina at tamang pamamahala sa pagtatapon ng basura.

“Kahit paulit-ulit man nating palalimin ang ating mga ilog at sapa, kung hindi naman matitigil ang walang disiplinang pagtatapon ng basura sa mga ito, hindi pa rin matutugunan ang problema sa baha,” dagdag pa ng gobernador.

Binigyang diin din ni Gatchalian ang kahalagahanng pagkakaisa sa paglilingkod para sa kapakanan ng lahat.

“One essential ingredient sa pagpapakalat ng general welfare ay ‘yung pagkakaisa. Although we are divided politically as political subdivision but we are not to exist separately from each one. Iisa naman ang hangarin ng lahat ng nagtangkang ibigay ang kanilang sarili sa paglilingkod, ‘yun ay ang makita ang mas magandang bansa at mas magandang kalagayan ng ating mga mamamayan,” ani Gatchalian.

Sinabi naman ni Engr. Paquito T. Moreno, Jr., Regional Executive Director-DENR Region III, na ang proyektong ito ay nagpapatunay ng kahalagahan ng pagtutulungan na minsang naging imposible ngunit ngayon ay maaari nang makamit.

“I can surmise that it has been a mission possible. I am certain that we are taking a big leap in our battle to protect and rehabilitate our environment through this project. This shall attest the endless possibilities we can achieve together,” ani Moreno.