TUNAY na nakasalalay nga sa isang boto ng bawat sambayanang Bulakenyo ang hinaharap ng panukalang Highly Urbanized City (HUC) ng City of San Jose Del Monte at marapat nga na ang manguna sa pamamahagi ng impormasyon tungkol dito ay ang kapitolyo, maging mga impormasyong pabor o kontra ay dapat na sabihin at ipaliwanag ng maayos sa madla sapagkat ang isang kritikal at napakahalagang isyu na ito ay makaa apekto sa buhay ng sambayanang Bulakenyo partikular ang mga San Joseno.
Sa isang Face book post ni Governor Daniel Fernando na tiyak na ito ang stand ng kapitolyo sa isyu ng HUC sinabi niyang hinahayaan nya na lamang ang taumbayan ang magpasya sa kahihinatnan ng HUC, kritikal dahil pag nagwagi ang Yes ay hihiwalay ang City of San Jose Del Monte at hindi na magiging bahagi ng Bulacan at kung ang magwagi ay ang NO ay mananatili ito lungsod ng Bulacan.
Samantala nitong mga nakaraang buwan ay tila nagkaroon na ng pagkakasundo ang mga Mayor ng 20 Bayan at 3 lungsod na ang kanilang susuportahan ay ang boto ng Yes ipinahihiwatig ang kanilang magkakasamang pagpayag sa paghiwalay ng CSJDM sa kabuuan ng lalawigan ng Bulacan.
Matatandaang marami ng kwento ukol sa mga lungsod na himiwalay sa kanilang lalawigan, ang iba ay nagtagumpay habang ang ilang ay nanatili dahil nagpasya ang sambayanan at hindi sila pinayagan sa pamamagitan ng plebisito.
Hindi nais ng mga nakausap ng pahayagan na ito ng mga Bulakenyo na biyak biyaking parang kalamay ang kanilang makasaysayang lalawigang, baka pa anga ang sabi nila kapag nagyari iyon ay ang matira na lamang sa kanilang lalawigan ay ang mga bayang binabaha.
Matatandaan na ang pinakamalaking lalawigan nuon dekada sisenta ay ang lalawigang ng Rizal na dahil sa mga sitwasyong gaya ng nagaganap ngayon ay nagmistulang kalamay an pinagbiyak biyak ay marami ang napunta sa nuon ay binubuo pa lang na Metro Manila. Sa mga ganitong kritikal na sitwasyon sabi ng Dating Governador Wilhelmino M Sy Alvarado kailangang may manindigan kahit maubos na ang inyongng mga kakampi sa pulitika sapagkat bayan na ang pinag uusapan dito.
Ito ang bahagi ng kanyang Face Book Post nuong panahong wala pang naninindigan sa isyu.
ISANG LALAWIGAN, ISANG BULACAN (Buo at ‘di mahahati magpakailanman)
NoΤoHUC
Sa darating pong ika-30 ng Oktubre 2023, tayong nga Bulakenyo ay minsan pang tinatawag ng pagkakataon upang muling gumawa ng isang makasaysayang pagpapasiya. Hindi lamang po ito may kinalaman sa paghahalal natin ng mga opisyal ng ating mga baranggay at Sangguniang Kabataan, na isasagawa ng buong sambayanang manghahalal sa lahat ng panig ng ating kapuluan.
Bukod po sa (Eleksyon) ay ihaharap sa atin sa pamamagitan ng isang plebisito ang isang napakahalagang usaping sa isang pagkakamali ay malamang magpabangon sa kinahihimlayan ng ating mga ninunong dumilig ng luha, pawis, at dugo sa sagradong lupaing ito ng ating pinakamamahal na lalawigan.
Ang tinutukoy ko po ay ang balak na ideklara bilang isang highly urbanized city (HUC) ang Lungsod ng San Jose Del Monte na lihim na kinakaluto sa gitna ng nakabibinging pananahimik maging ng mga pinuno ng pamahalaang panlalawigan!
Sa biglang tingin ay tila baga isang napaka-katakamtakam at nakakabighaning putahe ang inihahain sa ating harapan ng mga nagsisipagpanggap na tagapagsulong ng kaunlaran. Magkakaroon na sila ng sariling kaharian at ng malayang pagpapasiya sa iba’t ibang aspeto ng pangangasiwang pampamahalaan (governance) nang hindi na masasaklaw ng matamang pagsusubaybay at pagsusuri ng Kapitolyo at Sangguniang Panlalawigan.
SAAN KUKUNIN NG PAMAHALAANG LUNGSOD BILANG HUC ANG
KARAGDAGANG PANGGASTOS UPANG MAKASABAY AT MAKAPANTAY SA MATAAS NA STANDARD OF LIVING NG ISANG HIGHLY URBANIZED CITY KUNDI SA SOBRANG TAAS AT MAPANGAPING MGA BUWIS, BUTAW AT BAYARING BABALIKATIN NG KANIYA RING SARILING MGA MAMAMAYAN AT MAMUMUHUNAN?
Sa ngayon, kahit po naman naturingang isang component city ay magtutuloy-tuloy pa ring isang investment haven at destination ang SJDM lalo’t makikita ng mga investors na ang pagbubuwis o taxation scheme ng lungsod ay higit na makatwiran, mababa at hindi mabigat (onerous) sa kanilang mga negosyo.
Sa gayon ay lalong lalago ang negosyo, darami ang trabaho, luluwag ang buhay
at hindi pahihirapan ng dagdag na buwis ang bawat San Joseňo.
NI HINDI NA NGA SILA TATAWAGING MGA BULAKENYO!
Huhubarin na nila ng ganap ang katangi-tanging pagkakakilanlan na bumalot sa kanilang mga pagkatao sa loob ng mahabang panahon mula nang magbukangliwayway ang ating kasaysayan at sibilisasyon bilang mga Bulakenyo.
Ang masakit pa nito ay tatapyasin at tatangayin nila mula sa sagradong lupain
ng dakilang lalawigan ng Bulacan ang teritoryong kaniyang nasasakupan.
Mababawasan at liliit ang land area ng Bulacan na mula sa pagiging isang premierprovince ay magiging isang maliit na lalawigan na lamang matapos tanggalin mula sa kabuuang sukat ng kanyang nasasakupan ang isang bahagi ng kalupaang minsa’y tinahak at nilakaran ng magigiting na mga bayani ng ating kasaysayan patungong Kakarong de Sili at Biak-na-Bato hanggang sa maluwalhating Simbahan ng Barasoain ng kauna-unahang Republika sa Asya at Africa.
Ang San Jose del Monte po ang nagsilbing pangunahing entrada sa pagpasok ng ating sambayanan sa bulwagan ng makataong kalayaan at pambansang kasarinlan.
ANG BULACAN AY HINDI BULACAN NG ATING KABANSAAN KUNG WALANG SAN JOSE DEL MONTE!
Kamakailan lamang ay binigo at siniphayo ng mga taga-Nueva Ecija ang pagtatangka na maideklarang isang highly urbanized city ang Lungsod ng Cabanatuan.
Ito rin po ang dahilan kung bakit hindi sinang-ayunan ng mga taga-Quezon City
na bumukod at maging nagsasariling lungsod ang Novaliches.
At maging ang San Jose Del Monte mismo ay hindi pumayag na maging isang
hiwalay na bayan ang Sapang Palay!
Bakit naman ngayon, sa pang-uudyok ng ilang mga lider ng SJDM, ay titiwalag ang nasabing lungsod mula sa yakap ng isang bayaning lalawigang kumupkop at nagaruga sa kanya noong siya ay isang madawag na pamayanan pa lamang hanggang marating niya ang kasalukuyang katayuan.
Habang narito pa, buo at hindi binabasag ng hagupit ng kalikasan ang ating minamahal na lalawigan ay huwag nating hayaang ang kapamaraanan ng tao ang magbigay-wakas sa ating pagkakaisa. Samantalahin po natin ang bawat sandali ng ating pagkakabuklod upang lalo pang itaas ang giting, dangal at galing ng bawat Bulakenyo.
Hindi naman po siguro tatalikdan ng mga San Joseňo ang kanilang pagka-Bulakenyo at ang ating pinagsaluhang iisang karanasan, magkakataling mga pangarap at sama-samang iisang katadhanaan.
Tayo’y iisang lalawigan. ISANG BULACAN. Buo at di-mahahati magpakaylanman!
BUMOTO PO TAYO NG NAKATUTULIG NA “NO!” sa pagiging HIGHLY URBANIZED CITY ng SAN JOSE DEL MONTE para sa kapakanan ng kasalukuyan at darating na salinlahi ng mga Bulakenyo. -WILHELMINO M. SY-ALVARADO.
///Michael balaguer, 09333816694, konekted@diaryongtagalog.net at michaelbalaguer@diaryongtagalog.net