Sa panimula ng taon sa Gitnang Luzon, inilunsad sa Lalawigan ng Bulacan ang mga Makabagong Jeepneys. 18 unit ng mga modernong PUJ ang napunta sa City of San Jose Del Monte at 10 naman sa Lungsod ng Malolos.
Ang 18 Class 2 ay ipinagkaloob sa Sapang Palay Resettlement Transport Cooperative (SPRTSC) sa ilalim ng PUV Modernization Program (PUVMP) kahapon ika-11 ng Enero sa Convention Center, Sapang Palay Proper, CSJDM, Bulacan na tatakbo sa rutang Gotto (Brgy. Graceville) – Minuyan Loop Road 12-3-1-2 (San Jose del Monte) via Sampol, Bulacan.
Kasama sa mga dumalo at nagbigay ng kani-kanilang mensahe sina City of San Jose del Monte Mayor Arthur B. Robes, LTFRB Regional Director Aminoden “Allan” D. Guro.
Samantala, nakapaglungsad na din ng sampung (10) modernong jeepney ang Malolos Diamond Jeepney Service Incorporation sa rutang Malolos sa Bulacan hanggang City of San Fernando sa Pampanga.
Nagbigay ng kanyang talumpati sina Chief Transportation Development Officer Atty. Theresa B. Magtoto , Malolos Vice Mayor Miguel Alberto T. Bautista at LBP Account Officer Jennelyn P. Cruz.
Ang PUVMP ay isang programang naglalayong magbigay ng maayos, moderno, komportable at ligtas na pampublikong transportasyon sa bansa. Layunin ng programa na tiyakin ang kapakanan ng tsuper at operator na magkaroon ng regular, sapat at marangal na kabuhayan habang tinitiyak na ligtas at komportableng makakarating ang mga pasahero sa kani-kanilang destinasyon.
Bagaman maganda ang layunin ng gobyerno sa pagsulong ng modernisasyon aminadong marami pa rin sa mga tsuper at operator ng mga tradisyunal na jeepney ang tutol sa konsolidasyon.///Michael Balaguer, +639262261791, diaryongtagalog@gmail.com at konekted@diaryongtagalog.net