MASJID SA MALACANANG HINIHILING PABUBUKSAN

 

 

Photo courtesy of Pinterest: former First lady Imelda Romualdez Marcos is at Malacanang and on her background is the Malacanang Mosque.
MASJID SA MALACANANG HINIHILING PABUBUKSAN
MARAMING hindi nakakaalam na may Masjid sa loob ng Malacanang. Ito raw ay nagawa nuong panahon ng Pangulong Ferdinand E. Marcos nang Makita niyang nagsasambahaya ang mga bisita niyang mga Muslim na dayuhan sa sahig.
Dahil sa panuntunan ng pananampalatayang Islam, kahit saang lugar basta malinis ay maaring magsambahaya o manalangin. Iniutos ng dating Pangulo ang pagpapatayo ng isang Maliit na Masjid sa loob ng Malacanang malapit sa ilog.
Sa pagdaan ng panahon, rehimen kada rehimen, tila napabayaan na ang maliit na bahay sambahan na ito ng mga Muslim sa kabila ng may mga kawani rin namang Muslim sa Malacanang, maaring hindi nila alintana o ipinagkikibit balikat lamang ang kahalagahan nito, sa kasaysayan at sa relihiyon.
Nitong mga nakaraang araw, nabatid na ang dating Administrador ng Blue Mosque and Cultural Center na si Jadjurie H. Arasa at ang mga Muslim Religious Leader sa Maharlika Village sa Taguig dahil nakita niya ang kahalagahang buksan muli ito sapagkat maraming dayuhang Muslim na lider ang bumibisita sa Malacanang at madalas pag aabot na sa oras ng Sallah ay wala silang mapagdarasalan.
Ayon sa naging panayam kay Arasa kapwa ng diaryong tagalog dot net at dzmj online dot net, sinabi niyang isinangguni muna niya ito sa kanilang council of elders sa pangunguna ni Dr. Abdurahman Amin, at ng pumayag ang mga ito ay agad siyang gumawa ng liham sa Pangulong Rodrigo Roa Duterte na agad namang ipinasa ang sulat niya sa pamunuan ng National Commission on Muslim Filipinos at naglanding sa lamesa ni dating Secretary Saidamen Balt Pangarungan.
Naging mabilis naman ang sagot ng kalihim ng NCMF dangan nga lang ay hindi paborable sa sumulat dahil ani Pangarungan, hindi maaring magtayo ng gusaling pang relihiyon sa lupa ng gobyerno dahil aniya, lalabagin nito ang prinsipyo ng paghihiwalay ng estado at relihiyon na itinatadhana ng batas.
Kung paniniwalaan ang katwirang binitawan nang kalihim ng isang komisyon dapat ay magsusulong ng pagpapalawak at pagpapakalat ng pananampalatayang Islam at kalagayan ng Muslim sa Pilipinas, ayon kay Arasa, bakit ang mga kristiyano ay may simbahan at kapilya sa loob ng malacanang, ibig sabihin ba ay may “pambansang relihiyon” ang Pilipinas? Dahil pwede ang ibang relihiyon at hindi pwede ang Islam?
Hindi naman siguro ganoon, kaya nga bunsod nito ay nakahanap naman ng taga suporta si Arasa sa pamunuan ng bagong tatag na Islamic Council of the City of Malolos Inc (ICCMI) na buong buo ang suporta at isinusulong ang muling pagbubukas ng Masjid sa loob ng Malacanang.
Ayon sa panayam kay Hadji Yahya Ali Gamor, Administrador ng ICCMI “Nagkamali ang NCMF sa hindi pagsuporta nila sa nasabing panukala, dahil magiging maganda ang imahe ng gobyerno sa mga bibisitang lider Muslim pag may Masjid sa Malacanang”
“Iisipin ng bibisitang Lider Muslim na kinakalinga ng ating lider, kung sino man siya ang ating mga kapatid na Muslim”. Dagdag pa ni Gamor. Samantala ayon sa Deputy Administrator ng ICCMI na si Michael Balaguer “magandang halimbawa ang ipakikita ng pinunong makapagbubukas muli ng Masjid sa Malacanang kasi ipakikita niya sa mundo na sa Pilipinas, ang Muslim kagaya ng Kristiyano at ibang pananampalataya ay pinahahalagahan ng estado”.
Kagaya ni Arasa, nakatakdang sumulat rin ang grupo ni Gamor sa Pangulong Duterte kaugnay ng muling pagbubukas sa nasabing maliit na Masjid sa loob ng Malacanang.///Abdul Malik Bin Ismail, 09333816694, abdulmalikbinismail6875@gmail.com