mula sa mga larawang kuha ni Ms Estrella Z Gallardo, Pangulo ng PScijourn Megamanila
PAMMADAYAW..ARAW NG GAWAD Ginanap
Sa tuwing sasapit ang Buwan nang Agosto taun taon ay ipinagdiriwang ng buong bansa ang Buwan ng Wikang Filipino, at kaalinsabay nito ay ang samut saring aktibidad na may relasyon sa ating pagpapahalaga sa sariling wika gayundin ang mga wikang pang rehiyon bunsod rin nito ay binibigyang parangal ang mga indibidwal o grupo maging sa pribado man o gobyerno na may nai ambag na katangi tangi para sa ating wika.
Nitong ika 28 ng agosto ay ginanap sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas ang PAMMADAYAW, Araw ng Gawad kung saan taunang pinagkakalooban ng parangal ang sinumang may katangi tanging nagawa o nai ambag para sa ikapagpapalawak nang paggamit ng wikang Filipino.
Pinangunahan ng mga pangunahing nagsusulong nang kapakanan ng Wikang Filipino ang nasabing aktibidad na pinangungunahan nang Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, Komisyon sa Wikang Filipino na kapwa pinamumunuan nang Pambansang Alagad ng Sining Dr. Virgilio “rio Alma” S. Almario bilang Tagapangulo at Arsenio Lizaso Jr. ng Sentrong Pangkultura ng Filipinas na nagbigay ng bating pagtanggap sa mga panauhin na pawing naka gayak Filipiniana kasunod ay ang pambungad na mensahe buhat kay Ginoong Rio Alma at ang pagpapakilala sa panauhing pandangal na ginawa ni Dr. Purificacion G. Delima, ang KWF komisyuner para sa Wikang Ilokano.
Ang nagsilibing panauhing pandangal ay hindi isang Filipino ngunit masasabing tunay na nagsusulong nang pagpapahalaga sa wikang Filipino sa kabila nang pagiging isang dayuhan, tinalakay niya ang kalagayan ng Wikang Filipino at ang pag aaral nito bilang disiplinang pang intelekttwal at asignatura sa bansang Rusya.
Ang panauhing pandangal ay si Dr. Maria Stanyukovich CAND SC, Puno sa Departamento ng Australia Oceana at Indonesia. Maraming binigyan ng parangal at sa bawat pagitan ng paggawad ay nagkakaroon ng mga presentasyng pang kultural buhat sa mga natatanging mg aka bataang alagad ng sining sa Musika. Kinilala ang Hudhud ng mga Ifugao at ang aklat na Filipinas Muna Hagiyo Ifugao, Kabilang rin sa mga pinarangalan ay ang Dulaang UP at si Dr. Lucena P. Samson ng Angeles University Foundation bilang kampeon ng Wika sa kanyang taal na Wikang Kapampangan. Ipinagkaloob rin ang mga Selyo ng Kahusayan sa mga Lupon ng Inampalan habang winakasan ng makatang si BLKD sa pamamagitan ng kanyang mga awiting Sugod at May Pagasa ang aktibidad at ang pampinid na pananalita ay binigkas ni Atty Anna Katarina B. Rodriguez na siya ngayong Direktor Heneral ng Komisyon sa Wikang Filipino.///Michael Balaguer, 09333816694, michaelbalaguer@diaryongtagalog.net
XXX
Panawagan para sa Aplikasyon na maging Kalahok sa Pandaigdigang Kumperensiya sa mga Nanganganib na Wika
Paano masasabing nanganganib ang isang wika? Ano-ano ang mga hakbang at dapat isaalang-alang sa pagsagip at pagpepreserba ng wika? Bakit mahalaga ang pagpapasigla ng wika?
Inaanyayahan ang lahat ng mga guro, mananaliksik, at iskolar sa wika na maging bahagi ng kauna-unahang Pandaigdigang Kumperensiya sa Nanganganib na Wika (International Conference on Language Endangerment) na may temang Sustaining Languages: Sustaining the World. Gaganapin ito sa 10-12 Oktubre 2018, 8:00nu–5:00nh sa 6/F Conference Center, National Museum of Natural History, Teodoro F. Valencia Circle, Ermita, Maynila.
Layunin ng kumperensiya na: pagsama-samahin ang mga prominenteng iskolar sa pananaliksik ukol sa iba’t ibang aspekto ng nanganganib na wika, dokumentasyon, at revitalization; mailahad ang mga karanasan at pinakamahusay na paraan sa pananaliksik at pagbuo ng programa; matalakay ang iba’t ibang isyu na nakaaapekto sa mga wika; at makabuo ng plano para sa pagtataguyod ng kongkretong proyekto tungkol sa mga nanganganib na wika ng Filipinas.
Kabilang sa mga magiging plenaryong tagapanayam at panel reaktor sina Dr. Peter Austin, SOAS University of London; Dr. Gregory Anderson, Living Tongues Institute for Endangered Languages; Dr. Ganesh Devy, People’s Linguistic Survey of India; Dr. Larry Kimura, University of Hawaii-Hilo; Dr. Brendan Fairbanks, University of Minnesota; Dr. Suwilai Premsrirat, Mahidol University; at Dr. Purificacion Delima, Komisyon sa Wikang Filipino.
Bukás ang aplikasyon sa publiko para sa walumpong (80) slots–limampu (50) mula sa Filipinas, at tatlumpu (30) mula sa ibang bahagi ng daigdig. I-fill-out ang form ng aplikasyon sa link na nasa ibaba, ipadala sa kwf.languageendangerment2018@gmail.com. Tatanggap ng aplikasyon hanggang sa 7 Setyembre 2018. Makatatanggap kayo pabatid kung natanggap o hindi mulang 12-17 Setyembre 2018.
Kapag natanggap na kalahok sa kumperensiya, wala kayong babayarang anomang rehistrasyon pero hindi sasagutin ng Komisyon sa Wikang Filipino ang inyong akomodasyon, transportasyon, at pagkain.
Para sa iba pang detalye magpadala ng mensahe sa kwf.languageendangerment2018@gmail.com, o tumawag sa +63932-6348721, +6392-2521953. Mahalaga ang inyong magiging ambag sa pagsagip sa mga nanganganib na wika.
XXX
Ika-8 na Bantayog-Wika sa Filipinas, pinasinayaan ng KWF bílang pagpaparangal sa wikang Tagalog ng Lalawigang Batangas
Pinasinayaan ngayong 23 Agosto 2018 ang ikawalong Bantayog-Wika sa Filipinas na kumikilala sa wikang Tagalog ng lalawigang Batangas, bílang pagpaparangal sa mga katutubong wika ng Filipinas, sa Historical Park, Batangas Provincial Capitol Compound, Lungsod Batangas, Batangas.
Ang Bantayog-Wika, na likha ng tanyag na eskultor na si Luis “Junyee” E. Yee Jr., ay magkatuwang na inilantad sa madla nina Kgg. Hermilando Mandanas, Gobernador ng Batangas at pangunahing katuwang ng KAW sa pagsasakatuparan ng proyekto; Kgg. Claudette Ambida ̶ Alday, Tagapangulo ng Komite ng Turismo, Kasaysayan, Kultura at Sining; Abo. Sylvia M. Marasigan, Punò ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office; Prop. Cecil Dimasacat, Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura; iba pang opisyal ng kapitolyo; at Dr. Purificacion Delima, Komisyoner ng KWF at kinatawan ni Pambansang Alagad ng Sining at Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino, Virgilio S. Almario.
Yari ang hubog-kawayang bantayog sa stainless steel at may taas na sampung talampakan. Nakaukit sa katawan nito ang baybaying bersiyon ng “Pag-ibig sa Tinubuang Bayan” ni Andres Bonifacio. Lumiliwanag din ang teksto para sa mga nais bumisita sa kinatatayuan nito sa loob ng unibersidad.
Tagalog ang isa sa mga pangunahing wika ng Filipinas at sinasalita ito ng mga naninirahan sa Aurora, Bataan, Batangas, Bulacan, Camarines Norte, Cavite, Laguna, Marinduque, Mindoro, Nueva Ecija, Palawan, Punong Sentrong Rehiyon, Quezon, Rizal, at Zambales.
Maituturing na dakilang akda ng wikang Tagalog ang Florante at Laura ni Francisco “Balagtas” Baltazar na lumabas noong 1838. Ang awit na ito, na may 399 saknong, ay mahalagang muhon sa mapagpalayàng paggámit ng katutubong wika na itutuloy ng mga rebolusyonaryong manunulat sa Tagalog gaya nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, at Marcelo H. Del Pilar. Isinulat naman ni Gaspar Aquino de Belen (Rosario) ang unang nalathalang pasyong tula sa bansa, ang Ang Mahal na Passion ni Iesu Christong P. Natin na Tola. Kabílang sa mga natatanging manunulat mulang Batangas sina Teodoro A. Agoncillo (Lemery), Teodoro Kalaw (Lungsod Lipa), Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Bienvenido L. Lumbera (Lungsod Lipa), Apolinario Mabini (Tanauan), Padre Vicente Garcia (Maugat), at Claro M. Recto (Lungsod Lipa).
Mababása ang karagdagang impormasyon tungkol sa wikang Tagalog ng lalawigang Batangas sa marker na nakasulat sa wikang Filipino.
Inaasahan ang pagtatayo ng iba’t ibang Bantayog-Wika sa Filipinas na mayroong humigit-kumulang 130 katutubong wika at itinuturing na isang dakilang pamanang-bayan ng bansa Itinataguyod ito ng Tanggapan ni Senador Loren B. Legarda at Komisyon sa Wikang Filipino.