Bulacan Polytechnic College, ipinagdiwang ang ika-55 anibersaryo sa pagpapalawak ng campus at mga bagong programang pang-akademiko

LUNGSOD NG MALOLOS – Ipinagdiwang ng Bulacan Polytechnic College (BPC) ang ika-55 anibersaryo nito noong Setyembre 28, 2026 sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito na may temang “Guning Taong Pagkakatatag: Marangal na Nakaraan, Makabagong Kinabukasan,” na nagsilbing panimula sa malaking hakbang para sa pagpapaunlad ng teknikal at mataas na edukasyon sa buong lalawigan.

Binigyang-diin ni Gobernador Daniel R. Fernando ang konkretong plano ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan para higit pang mapalakas at mapaunlad ang mga satellite campus ng BPC.

Isa sa mga pangunahing hakbang ang pagpapalawak ng San Jose del Monte (SJDM) satellite campus, kung saan sa halip na patuloy na mangupahan, bibili na ng sariling lupa na may lawak na mahigit isang ektarya para dito. Upang maisakatuparan ang planong ito, nakakuha rin ng pag-apruba mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) para sa pagtatayo ng isang bago at modernong gusali sa nasabing lugar.

Bukod sa pagpapalawak ng mga pasilidad, isinusulong din ng Pamahalaang Panlalawigan ang pagdaragdag ng mga programang pang-akademiko sa mga campus ng BPC, kaya ipinag-utos ni Fernando ang pagbubukas ng mga bagong kursong teknikal at bachelor’s degree kasabay ng mga kasalukuyang technical-vocational na programa.

“Hindi na sapat ang diploma lamang, kailangan natin silang ihanda para sa mga oportunidad ng makabagong panahon, dito mahalaga ang teknikal at vocational education, sapagkat nagbibigay ito ng daan upang makapagtrabaho at makapagsimula ng negosyo, kaya nais nating higit pang palakasin ang BPC bilang institusyon na nagbibigay ng dekalidad at praktikal na edukasyon na tumutugon sa tunay na pangangailangan ng ating mga kabataan,” saad ng gobernador.

Binigyang-diin naman ni OIC-College President Dr. Mel Oliver S. Balagtas ang mahalagang papel ng BPC sa pagbabago ng buhay ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng paglalapit ng libreng edukasyon sa mga kabataang Bulakenyo.

“Sa 55 years ay patuloy po tayong nagta-transform ng lives through quality education, at ito po ay para sa mas maliwanag at mas progresibong kinabukasan ng Bulacan at ng ating bansa, dahil nandito po ang BPC upang mabigyan ng pagkakataon ang ating mga kabataang Bulakenyo na makapag-aral nang libre, magkaroon ng magandang buhay, at makatulong sa kanilang mga pamilya,” ani Balagtas.

para sa ibang artikulo tungkol sa Bulacan et ang link http://diaryongtagalog.net/lalawiganngbulacan/

###