One Education pinalakas ang learner support,

pinalawak ang pathways mula edukasyon hanggang trabaho

DUMAGUETE CITY, 9 October 2026 — Pinalawak ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga oportunidad para sa mga Pilipinong mag-aaral sa pamamagitan ng One Education na nagsusulong ng mga inisyatibang nagpapatibay sa learner support at lumilikha ng mga flexible pathways sa edukasyon, skills training, at trabaho.

Sa ginanap na Fourth Joint Education Trifocal Management Committee (JETMC4) Meeting sa Dumaguete City, itinampok ng tatlong ahensya ang Learning Initiatives for Nurturing Guidance Associates and Counselors (LINGAP) Program. Inilunsad din ang Localized Access Pathways and Institutional Transitions (LAPIT) Index at Integrated Ladderized Education-to-Employment Pathways (ILEEP).

Ang LINGAP ay isang graduate scholarship para sa mga DepEd teaching and non-teaching personnel sa larangan ng guidance, counseling, at psychology. Ang LAPIT index ay isang mekanismo na kakalap ng datos upang matukoy ang mga kakulangan sa education pathways ng mag-aaral. Samantala, ang ILEEP ay isang sistema na naglalayong magbigay ng mga alternatibong pathways mula sa edukasyon hanggang sa trabaho, maliban sa apat na taong pag-aaral sa kolehiyo.

Pinangungunahan ng Education and Workforce Development Group (EWDG) ang One Education sa pag-uugnay ng edukasyon at workforce. Binubuo ito ng mga ahensya ng pamahalaan sa sangay ng edukasyon, paggawa, economic planning, at workforce development upang maisalin at pagbuklurin ang mga reporma at programa.

Bilang bahagi ng JETMC4, pormal na pinarangalan ng DepEd at CHED ang siyam na LINGAP scholars mula sa Negros Island Region. Ang joint scholarship na ito ay sumusuporta sa graduate education at professional development ng mga DepEd teaching at non-teaching personnel upang madagdagan ang bilang ng mga kuwalipikadong guidance professionals at palakasin ang learner support services sa mga paaralan.

Para sa Academic Year 2026-2027, nagbukas ang LINGAP ng 870 scholarship slots na may kabuuang pondong ₱182.055 milyon. Sa kasalukuyan, 230 scholars na ang pormal na inendorso ng DepEd sa CHED.

“Importanteng masigurado na ang mga mag-aaral ay may access sa mental health professionals para makatulong sa masuportahan ang kanilang mental health at well-being. Sa pamamagitan ng LINGAP, hindi lamang natin sinusuportahan ang development ng ating personnel, pinalalakas din natin ang support system na kailangan ng ating mga learners,” aniEducation Secretary Sonny Angara.

Binigyang-diin din ni CHED Chairperson Dr. Shirley Agrupis ang papel ng higher education sa paglinang ng mas marami pang qualified guidance professionals at pagtugon sa mga kakulangan sa learner support sa pamamagitan ng mas matibay na pakikipagtulungan sa DepEd.

“We need more qualified guidance professionals in our schools who can listen, understand, and respond to the different challenges our students face. Higher education has an important role in preparing these professionals,” ani Chairperson Agrupis.

“Through LINGAP, we are investing in the professional growth of DepEd personnel by preparing them for dedicated roles in guidance and counseling, and ultimately, in the future of the learners they will serve,” dagdag niya.

Inilunsad din ng tatlong ahensya ang LAPIT index, isang inisyatiba na magtutukoy ng mga kakulangan sa access ng mga mag-aaral sa edukasyon sa mga Senior High Schools (SHSs), Technical-Vocational Institutions (TVIs), at Higher Education Institutions (HEIs).

Susuriin ng index ang apat na pangunahing salik mula sa perspektibo ng mga mag-aaral at school heads, na kinabibilangan ng proximity, diversity, capacity, at maturity. Gagamitin ang datos upang matukoy ang mga lugar kung saan limitado ang pagpipilian ng mga mag-aaral sa edukasyon at masuri ang mga salik na nakaaapekto sa kanilang mga desisyon.

Pagsasamahin ang LAPIT at Project TAHANAN, isang inisyatibang sumusubaybay sa landas ng mga mag-aaral sa iba’t ibang yugto ng edukasyon. Ang Project TAHANAN ay inilunsad sa JETMC3 noong Hulyo 17 sa Baler, Aurora, kung saan nilagdaan ng tatlong ahensya ang Memorandum of Agreement kasama ang Analytiks, Inc.

Kapag pinagsama na ang dalawang sistema, makapagbibigay ang mga ito ng datos sa education pathways at migration patterns. Makatutulong ito sa mga policymaker na bumuo ng targeted interventions at magbigay ng angkop na suporta sa mga komunidad upang maging mas accessible ang pathways para sa mga mag-aaral. 

Samantala, inilunsad din ng DepEd, CHED, at TESDA ang ILEEP para magbigay ng mas flexible na mga pathways sa mga Pilipino sa edukasyon, skills training, at employment.

Sa pangunguna ng EWDG, pagbubuklurin ng ILEEP ang SHSs, TVIs, HEIs, at mga katuwang mula sa industriya upang maiugnay ang mga mag-aaral sa mga oportunidad sa trabaho. Magkakaroon ang mga mag-aaral ng pagkakataong linangin ang mga kakayahang kailangan sa trabaho habang nananatili ang kanilang pagkakataong magpatuloy sa higher education, kabilang ang pagkilala at pag-credit sa mga nauna na nilang natutuhan at nakuhang kasanayan.

Halimbawa, maaaring mag-aral ng Data Analytics sa Senior High School at magtrabaho bilang Associate Data Analyst pagkatapos ng graduation. Maaaring magpatuloy ng training sa TVIs at maging Data Analyst, o mag-aral sa kolehiyo at maging Business Intelligence Analyst. Sa kolehiyo, maaaring ma-credit ang ilan sa mga nakuhang kasanayan upang makapagtapos sa mas maikling panahon. Sa pamamagitan ng ladderized pathways, maaaring piliin ng mga mag-aaral ang pathway na angkop sa kanilang kalagayan at personal na mga layunin.

Ang mga pilot programs ay nakatuon sa priority industries kabilang ang digital technology, advanced manufacturing, healthcare, financial services, at tourism. Tinukoy rin ng EWDG ang agriculture at creative industries bilang mga larangang nangangailangan ng higit na atensyon.

Binigyang-diin ni TESDA Secretary Kiko Benitez ang kahalagahan ng pagtiyak na ang edukasyon at skills training ay magbubunga ng mga oportunidad at magbibigay ng higit na flexibility sa mga Pilipino sa pagpili ng kanilang pathways sa edukasyon at trabaho.

“Ito ang patunay na ang Training to Trabaho ay hindi lang isang catchphrase kundi ang mantra sa likod ng mga repormang inilalatag natin sa sektor ng edukasyon,” sabi ni Secretary Benitez. “Programs like ILEEP allow us to provide seamless occupational pathways that will allow workers and learners to move from basic education, higher education, and tech-voc toward employment, business, or whatever gainful career they so desire.”

“We owe it to Filipinos to give them many ways, many chances for them to succeed,” dagdag niya.

Ang mga pilot program ng ILEEP ay magpapalakas din sa papel ng industriya sa pagtukoy ng mga kinakailangang competencies, paghubog ng mga curricula at work immersion, at pag-uugnay sa mga kuwalipikadong graduates sa mga oportunidad upang makapagtrabaho. Ang mga aral na makukuha mula sa pilot program ay magsisilbing batayan sa pagbuo ng rekomendasyon para sa pagpapalawak at institutionalization ng mga pathways.

Sama-samang ipinakikita ng LINGAP, LAPIT, at ILEEP ang direksyon ng One Education tungo sa mas maraming landas na sinusuportahan ng mas magkakaugnay na sistema ng edukasyon at workforce upang mas matulungan ang mga Pilipino sa kanilang pag-aaral, skills training, pagpasok sa trabaho, at lifelong learning.