
Isinagawa noong 20-22 Mayo 2025 ang publikong konsultasyon sa mga ortograpiya ng Kenachakran, Liniyas, at Finallig. Ang mga wikang ito ay ginagamit sa mga komunidad ng bayan ng Barlig, Mountain Province.
Isinagawa ang konsultasyon sa bawat komunidad ng mga naturang wika, sa Kadaclan para sa Kenachakran, Brgy. Lias para sa Liniyas, at sentro ng Barlig para sa Finallig. Dinaluhan ito ng mga manunulat, guro, pinuno, at elders ng bawat komunidad, at mga mananaliksik mula sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na pinamumunuan ni Dr. Arthur P. Casanova, Tagapangulo ng KWF.
Sa isinagawang konsultasyon, tinalakay ng mga manunulat ng tatlong wika ang prosesong pinagdaanan ng kani-kaniyang ortograpiya, at isinapinal ang mga tuntunin at alpabeto nito sa kanilang mga komunidad.
Napagkasunduan din sa konsultasyon ang magiging pamagat ng bawat ortograpiya sa kani-kaniyang mga wika. Sinimulan ang pagbuo ng ortograpiya para sa mga wika ng Barlig noong Setyembre 2022.
Pinangunahan ito sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng Fialikia Scripture Society (FSS) sa Translators Association of the Philippines (TAP) at KWF. Nakapagsagawa ng serye ng workshop noong 2023 hanggang unang kuwarter ng 2025 kasama ang mga guro, miyembro ng FSS, TAP, at KWF. Ang pagbuo ng ortograpiya ng mga wika ng Pilipinas ay isang patuluyang programa ng KWF sa ilalim ng Sangay ng Lingguwistika at Aplikadong Lingguwistika (SLAL) na pinamumunuan ni Gng. Lourdes Z. Hinampas.
Inaasahang makatutulong ang mabubuong ortograpiya sa kanilang komunidad at magamit bilang midyum ng pagtuturo sa paaralan. Ang mga larawan at bahagi ng artikulong ito ay mula sa Komisyon sa Wikang Filipino.
