

LUNGSOD NG MALOLOS – Makalipas ang ilang taon mula nang maging bahagi ang kanilang musika ng soundtrack ng mga Pilipino, natagpuan ng Orange & Lemons ang kanilang sarili na nagbabalik sa kanilang pinagmulan na nakatulong sa paghubog ng kanilang musika.
Libu-libong Bulakenyo ang nagtipon sa harap ng gusali ng Kapitolyo noong Setyembre 11 para sa Singkaban Concert upang saksihan ang unang pagtatanghal ng banda sa pagdiriwang ng “Mother of all Fiestas” ng lalawigan.
Ayon sa salaysay ng pangunahing bokalista ng banda na si Clem Castro sa pagitan ng kanilang mga pagtatanghal, nang bumalik sila sa industriya ng musika, nagpasya silang balikan kung saan sila nagmula at lumikha ng isang album na ipinagmamalaki ang kanilang mga ugat bilang mga Bulakenyo.
“The La Bulaqueña song is actually about the painting of Juan Luna na nakasabit sa National Museum of Fine Arts. We even made the music video of that featuring Ms. Universe Philippines Chelsea Manalo,” pagbabahagi ni Castro.
Naging isang pagpupugay din ang album sa kultura, wika, at makasining na pamana na humubog sa lalawigan at sa bansa.
Tinugtog ng Orange and Lemons ang kanilang mga pamilyar na hit sa mga nanood ng konsiyerto, at tinugtog ang “Abot Kamay,” “Just Like A Splendid Love Song,” “Close to You,” “La Bulaqueña,” “Ikaw Ang Aking Tahanan,” “Pinoy Ako,” “Lihim,” “Heaven Knows (This Angel Has Flown),” “Hindi Ko Sukat Akalain,” “Huwag Kang Matakot,” “Yakap sa Dilim,” at “Hanggang Kailan (Umuwi Ka Na Baby).”
Maliban sa pangunahing banda, itinampok din ng Singkaban Concert ang dalawang homegrown bands, ang Blind Stereo Moon at Lunarlights.
Ang huling awitin ng Orange & Lemons na “Hanggang Kailan (Umuwi Ka Na Baby)” ay sinabayan ng fireworks display na nagsilbing pagtatapos ng gabi.
###
