ChariTIMBA ng PCSO, Naihain sa Mahigit 500 TODA Member ng Lungsod ng Malolos

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Oktubre 7, 2026 — Mahigit 500 kasapi ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa Lungsod ng Malolos ang nakatanggap ng mga pakete ng tulong-pagkain sa ilalim ng programang ChariTIMBA ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sa ginanap na pamamahagi kahapon sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center.

Pinangunahan ni PCSO Director Imelda Papin at Director Janet Mercado ang pamamahagi bilang bahagi ng patuloy na adhikain ng ahensya na maghatid ng tunay na tulong sa ating mga komunidad, lalo na sa mga sektor na higit na nangangailangan ng suporta.

Lubos na nagpasalamat si Athenie Fernando Ramirez Bautista, Tagapangulo ng Damayang Filipino Movement Inc. (DFMI), sa PCSO. “Taos-puso po kaming nagpapasalamat sa patuloy na malasakit at suporta ng PCSO sa ating mga kababayang Bulakenyo. Masaya kaming nakibahagi sa pamamahagi ng ChariTIMBA kasama ang kanilang mga kinatawan at sa pamamagitan ng ating kaibigang si Malolos City Vice Mayor Gilbert ‘Bebong’ Gatchalian — para sa malaking tulong sa ating mga benepisyaryo. Patunay ito na sa pagkakaisa at pagtutulungan ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, mas marami tayong pamilyang maaabot at matutulungan,” aniya.

Si Gobernador Daniel R. Fernando ay kinatawan ni Erickson Eleria,  Dumalo rin at tumulong sa pamamahagi si Athenie Fernando Ramirez-Bautista, nakababatang kapatid ng Gobernador at Tagapangulo ng DFMI.

Naisakatuparan ang programa sa pamamagitan ng kahilingan ng Tanggapan ng Pangalawang Punong Lungsod ng Malolos, sa pamumuno ni Vice Mayor Bebong Gatchalian na nagsilbing punong-abala ng aktibidad.

Ang ChariTIMBA Food Assistance Program ay isang inisyatiba ng PCSO na naglalayong magbigay ng makabuluhang tulong sa mga komunidad at itaguyod ang kapakanan at kagalingan ng bawat Pilipino, lalo na ang mga nasa mahihirap at hindi gaanong napapansing sektor. Sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno at mga lokal na pinuno, patuloy na naipararating ang mga programang naglalayong makatulong sa mga manggagawa at mahahalagang bahagi ng ating lipunan.