Mga bata mula sa Bahay at Yaman ni San Martin de Porres, Inc., wagi sa Sayaw ng Pag-asa, Kultura ng Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS – Umindak patungo sa tuktok ng tagumpay ang mga bata mula sa Bahay at Yaman ni San Martin de Porres sa Sayaw ng Pag-asa, Kultura ng Bulacan: Makabagong Kultural na Sayawan ng mga Institusyon na ginanap sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito kahapon.

Tinalo ang 11 iba pang kalahok, nag-uwi ang nag-kampeon na grupo ng P20,000 perang insentibo at katibayan ng pagkilala. Nagpasalamat si Eduardo F. Marcos, tagapagsanay ng mga bata, sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gobernador Daniel R. Fernando, sa Area-Based Standards Network (ABSNet), sa mga social worker, at sa pinuno ng kanilang institusyon na si Boyet Concepcion, sa pagpapahintulot na lumahok ang mga bata sa mga programa katulad ng Singkaban Festival.

“Inspirasyon po namin ’yung mga bata. Gusto po namin na maipakita po ang kanilang talento, hindi lamang po sa Bustos kundi sa buong Bulacan po. Lagi ko pong sinasabi sa kanila na mag-enjoy lang po sila dahil nasa labas po sila, palagi po kasi silang nasa loob eh. Sobrang proud na proud po ako sa kanila,” ani Marcos.

Samantala, hinikayat ng kinatawan ni Fernando na si Crispin de Luna ang mga bata na ipahayag ang kanilang mga kwento sa pamamagitan ng sayaw. “Ang mga institusyon ngayon na narito ay may sariling kwento. May mga kwentong hindi natin palagiang nakikita, mga taong araw-araw nagta-trabaho, naglilingkod, nag-aalaga, nagtuturo, tumutulong at gumagawa ng paraan para mas maging maayos ang buhay ng iba,” aniya.

Dagdag pa rito, wagi din ang Ephesus Home of Mary and Joseph Foundation, Inc. ng Unang Gantimpalang Banggit na may P15,000 perang premyo; habang ang Bukal ng Buhay, Inc. ang hinirang na Ikalawang Karangalang Banggit at nanalo ng Best Costume special award na may P15,000 kabuuang perang premyo.

Ang iba pang nanalo ng special award ay ang St. Elined School Foundation, Inc. para sa Darling of the Crowd, at Willing Hearts Orphanage, Inc. para sa Most Disciplined Award. Pareho silang tumanggap ng P5,000 perang premyo. Tumanggap ang mga hindi pinalad na kalahok ng P5,000 bilang consolation prize. ###