
LUNGSOD NG MALOLOS – Pinatunayan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, sa pamumuno ni Gobernador Daniel R. Fernando, ang patuloy nilang malasakit sa sektor ng edukasyon matapos pasinayaan ang isang bagong dalawang palapag na gusali na may apat na silid-aralan at handwashing facility sa National Power Corporation High School sa Brgy. San Lorenzo, Norzagaray noong Agosto 18.
Ginawa ang proyekto upang mabigyan ang mga estudyante at guro ng ligtas at kumportableng kapaligiran na makatutulong upang mapabuti ang kanilang pag-aaral, gayundin ay matugunan ang dumaraming bilang ng mga estudyante at kakulangan sa silid-aralan.
Pinondohan ito ng P9 milyon mula sa Special Education Fund (SEF) at kayang maglulan ng 200 na estudyante.
Dahil sa bagong pasilidad, magkakaroon na ang mga estudyante at guro ng mas ligtas, mas kumportable, at mas angkop na lugar para sa pagtuturo at pag-aaral.
Binigyang-diin ni Fernando na nananatiling pangunahing prayoridad ang pagtatayo ng mga pasilidad sa edukasyon, kaya naman ang pagtatayo ng mga silid-aralan ay mahalagang hakbang upang matulungan ang mga estudyanteng Bulakenyo na magkaroon ng sapat na kagamitan para magtagumpay.
“Patuloy po nating tututukan ang pangangailangan ng ating mga paaralan dahil ang pagbibigay ng maayos at ligtas na learning environment ay mahalagang bahagi ng paghubog sa kinabukasan ng ating mga kabataan. Ang bawat silid-aralan na naitatayo ay dagdag na oportunidad para sa ating mga estudyante na matuto, mangarap, at makamit ang kanilang mga mithiin. Sisikapin po nating patuloy na mailapit ang serbisyo at suporta ng pamahalaan sa ating mga paaralan at mga komunidad,” ani Fernando.
Dumalo sa pormal na turn-over ceremony ang mga guro, mga opisyal ng paaralan, at mga kinatawan mula sa lokal at panlalawigang pamahalaan upang ipagdiwang ang mahalagang tagumpay na ito para sa mga estudyanteng Bulakenyo.
