









LUNGSOD NG MALOLOS — Naghatid ang pambansang pamahalaan ng agarang tulong-pagkain sa 7,993 pamilyang Malolenyos Bulakenyos mula sa lahat ng 26 na barangay ng Lungsod ng Malolos, sa ilalim ng programang “Bawat Bayan Makikinabang” (BBM) na pinangungunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ang nasabing programa ay bahagi ng mas malawak na adhikain na “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat Para sa Lahat,” na naglalayong direktang ihatid ang tulong mula sa pambansang pamahalaan sa bawat pamilyang Pilipino. Ang pondo nito ay mula sa Local Government Support Fund – Financial Assistance to Local Government Units (LGSF-FALGU) alinsunod sa Republic Act No. 12314 (FY 2026 General Appropriations Act), na opisyal na tinatawag na Assistance to Indigent Individuals or Families – Food Assistance – Rice Distribution Project (AIIF-FA-RDP).
Isinagawa ang pamamahagi sa apat na clustering na barangay: Tikay, Mojon, Bulihan, at Caingin. Personal na pinangunahan nina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gobernador Alex Castro ang pamamahagi, kasama ang mga kapitan ng bawat barangay at iba pang lokal na opisyal.
Sa ginanap na pagpupulong ukol sa kaayusan at kapayapaan, ibinahagi rin ng Gobernador na naipasa na ang resolusyon na maglalagay ng mga metal detector sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod upang masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral at kawani. Gayunpaman, nilinaw ng dalawang opisyal na sila ay tagahatid lamang ng tulong at hindi dapat sa kanila ipagpasalamat nang lubos ang taumbayan.
“Nandito kami ni Gov. Daniel bilang tagahatid lamang. Ito ay mula sa buwis ng bawat Pilipino kaya walang utang na loob ang taong bayan sa amin,” pahayag ni Bise Gobernador Alex Castro. Idinagdag pa niya na ang pondo ng programa ay nagmumula sa buwis ng taumbayan na ibinabalik lamang sa kanila sa anyo ng direktang serbisyo tulad ng libreng bigas.
Ang bawat pamilya ay nakatanggap ng 10 kilong bigas bawat pamamahagi, na ibibigay sa tatlong yugto: Oktubre 14, 2026, Nobyembre, at Disyembre, ayon sa Bise Gobernador. Nandun ding sina Pinuno ng PSWDO na si Weng Joson, Pinuno ng CSWDO na si Lolit Santos, at Pinuno ng PPAO na si Krissa Talavera.











para sa iba pang artikulo sa Bulacan paki check itong link na ito: http://diaryongtagalog.net/bulacan/
